sa alab ng digma
hindi naiwasan
nahagip na animo punglo
ng isang karamdaman
unti unti ay ginupo
ng sakit at mga sandaling
di na namalayan
hagibis ang paglipas
nahimlay kapagdaka
sa banig ng karamdaman
at nadinig ay agunyas
sa buong kalawakan
at tila isang kathang isip
itinulot nitong nagdadalamhating langit
sa saliw ng agunyas
nakipagsayaw ang mga hinagpis
hudyat ng pagpanaw
nitong makatang mandirigma
na pinagsilbi ang pluma
ang tinta't dugo sa paglaya
may kamatayan ang bawat makata ng bayan.
subalit kagaya ng isang phoenix,
sisilang ito muli't muli
sa alab ng paglaya.
sa ibang panahon
sa iba't-ibang larangan
kung saan naroon
ang kawalang kalayaan...
*hindi ko alam na higit pang magiging mahalaga ang tulang ito sa akin. inaalay ko sa iyo itong likha at sa maraming iba pang makatang pumanaw na sa pakikibaka para sa paglaya. hindi ka namin malilimot ka alexander martin remollino!