Biyernes, Pebrero 25, 2011

[maria baleriz liwanag] hindi ka man namin kilala



hindi ka man namin kilala
pero para din sa iyo bakit kami nasa kalsada
kasama ng maraming iba
pasumisigaw at nakikibaka

napalo na kami ng yantok
nakaladkad at ang ulo'y pumutok
hindi agad nadala sa ospital
sapagkat hinuling daig pa ang pusakal

sa mga kapulisang malupit
kahit humandusay ka pa't mamilipit
di nila iintindihin ang iyong mga sugat
kahit mga galos at pasang natanggap

ang alam lamang nila'y sundin ang utos
ng mga nasa malakanyang at hindi ng Diyos
mapapagalitan kasi sila ng kanilang amo
kaya kahit sabi ng Diyos huwag mong saktan ang kapwa mo
hindi nila ito susundin
huwag lamang sa trabaho nila'y alisin

hindi ka man namin kilalang totoo
ngunit para din sa iyo
handa kaming masaktan
mapalo ng yantok sa ulo at katawan
kahit pa humandusay na duguan
para sa ating ipinaglalaban
lupa, sahod, trabaho, edukasyon at desenteng tirahan
matamasa lahat ng ating mga karapatan



ang larawan ay mula sa halloweencostume

Huwebes, Pebrero 24, 2011

[maria baleriz liwanag] nangibang bayan



maraming mahusay na pilipino sa bansa
mahusay na inhinyero, guro, nars, katulong, drayber,teknisyan, syentista
pero ang pamilya nila at sila ay lumuluha
ito kasi ang kailangan nilang itaya
dahil sa pagkakawalay sa isa't-isa
wala kasing trabaho dito sa bayan ni juan
kaya karamihan sa kanila nangibang bayan
kung may trabaho ang sahod naman ay kay baba
hindi sapat na makapagtaguyod ng pamilya
pagkalubog pa sa utang ang mapapala
itong pamahalaan walang aksyong ginagawa
tila mga bugaw pa na sa kapwa pinoy ay nag aaya
upang magtrabaho doon sa ibang bansa


*ang larawan ay mula sa gmanews

Miyerkules, Pebrero 23, 2011

[severino hermoso] maghihintay ako



kapag sinabi kong maghihintay ako
hindi lamang ako uupo
at palilipasin ang oras sa pagtakbo
ng hindi man lang kumikibo
ang paghihintay ay katumbas ng pagbangon
sa bawat umagang sisilip simula ngayon
hanggang sa kinabukasan matapos ang ating muling pagkikita
mula sa pagkakalayong kailangan nating makasama
ang paghihintay ay pagkilos
para sa pagkakamit ng mithi
hindi lamang para sa sarili
kundi para sa kabutihan ng marami
ang paghihintay ay nangangahulugan
na magpapatuloy akong lumalaban
at batid kong ganoon ka din naman
hanggang sa magkasama tayong muli kaibigan
sa ating nasimulang pagmamahalan
magkakalayo lamang naman ang ating pagitan
hindi ang pangakong nararamdaman
hindi maglalaho ang pag-ibig na tangan
kapag sinabi ko na maghihintay ako
ibig sabihin lang nito
lalaban ako para sa iyo
at para sa paglaya ng lipunang mayroon tayo
Image by FlamingText.com


[tula] 02_03_2011
*ang larawan ay mula sa

[maria baleriz liwanag] Pe(ebre)ro

1 komento:













ikaw ang tinatanaw ng mga nag-iibigan

magkasintahan man o magkalaguyo

mag-asawa man o kabit ang pagsuyo

kahit ng hindi alam ang kanilang estado

kung magkaibigan nga lang ba o magka-ibigan

pero unawa ng mga puso ang damdaming malapad pa sa kalawakan

pusong nagpapalitan ng mga katagang

mahal kita

kahit gasgas na ang litanya


ikaw din ang tinatanaw ng mga kapitalista

para sa mga tanggalan ng manggagawa at pang-aagaw ng lupa

at maging itong gobyerno sa pag-apruba

ng mga pagtaas ng bilihin, pasahe at presyo ng gasolina

lalo yaong mga may-ari

nitong mga pribadong paaralan

sa iyo kasi papatak ang hangganan

para sa pagsusumite ng panukalang pagtaas na naman

sa matrikula ng mga estudyanteng kanilang pinagkakakitaan

Pebrero

buwan ka ng pag-aalinlangan

pagmamahal na may alinlangan

buwan ka ng mahal!




Image by FlamingText.com


ang larawan ay mula sa

filipinowriter.com