Biyernes, Nobyembre 30, 2012

[pagsasalaysay] Sa byahe ng tren ng PNR

Walang komento:


Kaarawan ngayon ni Boni. Ika-149 na taon. Kung hindi kaya siya pinaslang ng traydor na si Hen. Aguinaldo at buhay pa siya ngayon, ano kaya nasa isip niya? Wala lang naman. Naintriga lang ako sa ganoong kaisipan habang naghihintay ako kanina sa pinaglumaang tren ng mga singkit na maghahatid sa akin at ang iba pa  sa kanilang pinakamalapit na bababaan upang makarating sa kanilang lakad ngayong araw.

Nakaupo na ako ngayon dito sa pinakadulong 'cabin' ng tren. Minamasdan ang mukha ng mga bago kung kasama sa paglalakbay at ganoon din ang tanawin sa labas ng tren sa pamamagitan ng bintana habang binabagtas nito ang daang bakal. Samu't-sari ang emosyon ng aking mga kasakay. Batid mong maraming iniisip. Naisip ko, alam kaya nilang kaarawan ni Andres Bonifacio ngayon? May mga sinasamantalang paraanin ang idlip sa kanilang patlang na sandali at ang ilan ay nakatanaw sa labas ng bintana habang inaantok-antok pa ang mga mata. Mayroong may kausap sa cellphone. Mayroon namang tila hinahabi ang pangarap sa bawat eksenang nakikita habang humahagibis itong sasakyan. May mga nagtitiis na nakatayo at nakasiksik maraming iba pa sa loob ng cabin na dadaigin ang mga sausage na nakalata. May ilan na chill  lang habang nakikinig ng musika gamit ang kanilang cellphone o mp3 player. May mga magkasintahan na maaaring habulin ng bubuyog sa tamis nang pagkakahawak ng mga kamay. Mayroong larawan ng pagod, pagkainis, at ang iba abala sa pakikipaghuntahan. May nagpupunas ng tumatagaktak na pawis dahil sa sobrang galit ng katanghalian tulad ng isang pasaherong sobrang aburido sa kawalang pagbabago sa pinakatinatangkilik niyang pampublikong sasakyan. Paano ba naman daw, sa tagal ng taon, hindi na uli naayos ang PNR. karag-karag pa din ang kalakhan ng tren na pinaglumaan o second-hand lang. Nagtataka siya na marami naman tayong mahuhusay na inhinyero at tagagawa ng mga sasakyan at masisipag na manggagawa pero walang aksyon itong pamahalaan upang isaayos ang PNR lalo na ang serbisyo nito gayong nagbabayad kalakhan ng pamasahe at buwis. Saan nga ba napupunta at paano ito ginagamit? Tulad niya, mayroong mga nayayamot dahil naman sa bentilador na hindi gumagana. Kapag minamalas ka nga daw, purwisyo kapag nasiraan ang makina ng tren at hindi din mawawala ang agam-agam sa marami na baka mangyari ang ganoon dahil sa pag-andar pa lamang ng makina ng tren parang gusto muna niyang magpahinga sa hirap.  Mayroong iba na nagnanakaw ng kapanatagan habang nakaupo o nakatayo wari mong inihahanda ang sarili sa napipintong pakikibaka sa ligalig ng lipunang mayamaya lamang ay pare-pareho naming susuungin.

Hindi ko personal na kausap si Tatay na umaangal. nadinig ko lang ang kanyang mga himutok habang kausap niya ang isang tatay din at nanay. Hinala ko byaheng Divisoria sila upang mamili ng kalakal na paninda sa palengke. Hindi ko maiwasang mapailing dahil sa pagsang-ayon din sa kanyang mga hinaing. Ang totoo, napabuntong-hininga pa nga ako. Totoo ang mga tinuran niya. Labis na ang pagkapabaya ng pamahalaang ito sa kapakanan ng mamamayan. partikular sa pag-aayos sa kalagayan ng pampublikong transportasyon. Maagap lamang sa pagsingil at pagtaas ng singil ngunit salat sa serbisyong ibinibigay sa masang ang kinikilalang pambansang awit ay lupang hinirang.

Mga tren ng PNR. Ito ang isa sa saksakyan ng masang kayumanggi sa bahaging ito ng bansa. Mura kung kaya maraming nagtitiis kahit siksikan, madalas mainit, at kakarag-karag ang sasakyan. Sa halagang kaya ng bulsa maaari kang makarating sa gusto mong puntahan basta malapit sa rutang daraanan ng tren (Aircon: Php10, Php15, Php20; Ordinary: Php8, Php12, Php16). Mayroong ngang nakakalusot na hindi nagbabayad. May mga bata at matanda, nagdadalang tao, bakla, tomboy, babae, lalake, kalbo, napapanot, 'mohawk' ang buhok, rakista, hip-hop, emo, tindera, estudyante, construction worker, messenger, at iba pa. Napakarami. Araw-araw halos iba-iba at nadadagdagan pa. Tulad na minsan de-aircon ang masasakyan mong tren pero kapag rush hour na para ka na din nakasakay sa ordinary na tren dahil sa siksikan ang mga pasahero sa loob at balewala na ang lamig na sinisikap ibigay ng aircon.

Hinihikayat kitang ranasin ang ganitong pambihirang pagkakataong makasakay at makasalamuha ang iba't-ibang klase ng tao. Matuto mula sa karanasang imumulat ka sa katotohanan ng buhay. Kung noong panahon kaya ni Andres at may PNR na, sasakay din kaya siya dito? malamang ano? Paalala lang, kung sasakay ka, huwag mong sasalubungin ang mga bababa maliban na lang kung kamag-anak mo sila. Pero kung hindi naman, magbigay daan ka muna bago sumakay. Ingat ka baka madukutan ka at magbayad ka ng tiket kung mayroon ka lang ding pambayad. Kung wala naman at gusto mong sumakay, bahala ka na sa inspektor na minsan nagtitiyak na may tiket ang bawat nakasakay. May inspektor sa loob at ganoon din bago ka makalayo sa istasyon ay may bantay na kukunin ang tiket mo. Hanggang sa muli. malayo pa ang lalakarin ko. Papunta ako sa rali bilang paggunita sa kaarawan ni Andres Bonifacio. Hindi pa din naman natatapos ang ipinaglalaban nina Andres Bonifacio noong panahong sakop tayo ng mga dayuhan. Patuloy pa din ang pagsasamantala sa atin ng mga dayuhan at ganoon din ng mga makabagong Hen. Aguinaldo na traydor sa mamamayan at kasabwat ng mga ganid na dayuhan. Walang dahilan para hindi magpatuloy sa pakikibaka para kamtin ang pambansang paglaya. Oo nga pala,  ika-14 na taon ngayon ng pinakakumprehensibong pang-masang organisasyon ng mga kabataan, ang Anakbayan. Naalala ko din, ika-48 taon din ng Kabataang Makabayan na malaki ang ambag sa paghubog ng kasaysayan para sa pambansang paglaya lalo noong panahon ng diktadurya ni Marcos. Wala lang. gusto ko lang sabihin. (Ngiti) Ingat sa paglalakbay. Hangad kong makasabay ka minsan sa byahe ng  isa sa mga tren ng PNR. Ilang panghuling paalala, huwag kang lulugar sa pinakabungad dahil mahirap kapag may sasakay at may bababa ng tren. Kung nakaupo ka naman sa pagsakay mo sa tren ng PNR, i-alok mo ang upuan mo sa mga matatanda, may kapansanan at nagdadalang tao. Padayon.

"Nobyembre 30 habang nasa byahe ng tren ng PNR*"
ni Piping Walang Kamay

*Isinulat noong ika-30 ng Nobyembre 2012 habang lulan ng tren byaheng divisoria gamit ang cellphone.

PNR - Philippine National Railways
cabin - isa sa mga magkakadugtong na tila silid na bumubuo sa tren. Dito nakapirmi ang mga pasahero habang umaandar.

Ang larawan ay mula sa  balita 

Image by FlamingText.com