Linggo, Agosto 24, 2014

Luisitanaga

Walang komento:
Malapit na ang ika-sampung taon ng Hacienda Luisita Masaker. Hanggang ngayon wala pa ring hustisya. Kailangan ng mga magsasaka ang ating tulong. Kailangan nating makiisa sa pakikibaka upang kamtin ang hustisya. Para sa ating mga magsasaka. Mga bayaning hindi kinikilala. 

Narito ang ilang mga tanaga. Alay ko para sa mga magsasaka. Alay ko para sa mga biktima nitong bulok na sistema. Para sa katarungan! Para sa paglaya!


Danak

Di ba natin nakikita
Humihiyaw ang lupa
Masdan sa Luisita
Ang kawalang hustisya

Luha

Di sila lumuluha
Kulang sampu* ang kita
Kundi dahil hustisya
Di pa natatamasa

Dugo

Iba rin itong dugo
Ng Cojuangco-Aquino
Buhay sa dugo’t pawis
Ng mga inaamis

Pilato

Huwag ninyong husgahan
itong tuwid na daan
‘La itong bahid dugo
Nakapagsabon na po


*Kumikita ng PhP9.50 an mga magbubukid sa Hacienda Luisita kada linggong pagtatrabaho. Kulang pa pambili ng bigas.

Biyernes, Agosto 22, 2014

pananabik

Walang komento:
madalas
ay madalang nang magkita itong ating mga palad

hindi na madalas yakapin ng ating mga daliri
ang mga puwang sa kapwa natin mga kamay

patuloy
pero alam ko patuloy sila sa paghihintay
sa sandaling magkasama muli

at punan ang puwang
na matagal nang naghinihintay na

pananabik.


Image by FlamingText.com

Balita sa Hapon

Walang komento:
  
may tumagilid na trak sa Bukidnon
at lulan nito ang 51 baboy
dalawampu’t dalawa ang namatay
dahil sa trak na dumagan
habang ang natitira
bugbog ang taba at laman

kawawang mga baboy
kawawa
parang taong bayan
sa bansa

pinapatay na walang kalaban laban
nitong mga punyetang naghahari-harian


"Balita sa Hapon" | Maria Baleriz Liwanag | ©2014

Image by FlamingText.com