Lunes, Abril 9, 2007

[piping walang kamay] maaari mo ba akong basahin?

Walang komento:
mausok
mainit
maalikabok
...sa karimlan ng gabi
iisipin mo ba na akong nakatindig
sa likha ng kalikasan ay bulag
o kaya ay piping saksi
o marahil nga na ako'y bingi
ano nga ba para sa iyo itong sinasabi?
sa bawat titik na nagkalat
ang sagot ba'y iyong nahagilap?
mainam pa na sa bangketa umidlip
mahiga sa papag ng galit
maaari ding maglamyerda
gumulong sa mga damuhan ng pagdurusa
ang usok
ang ingay
ang ilaw
ang masa
ikaw
oo
kailan ka lalahok
kailan ka hahalo sa rekado ng pakikibaka
medyo gutom na nga ako
batid ko ganoon ka din
nauuhaw din naman
itong puso
na mahalin
kahit itong mga mata
kung alam mo lang
kung gaanong hinahanap ka
marinig mo kaya
itong pagtibok ng puso?
na sa bawat pagtambol
at pagragasa ng dugo sa mga ugat
ikaw ang nais iguhit
ang nais kulayan
ng pakikibaka ng mamamayang
ating ipinaglalaban
sandali medyo lumalalim na
mabuti pang
mahimpil muna
sa puntong to
paalam na
hanggang sa muli


*gawa ko ito...
sana magustuhan mo.(,")

[rommel dinglasan] aktibista

Walang komento:
nakakataba ng puso.
pumatak ang luha.
salamat sa iyo kaibigan.

AKTIBISTA
-Rommel Dinglasan

… at sa lansangan, mas pinili mong manahan
Dala ang mga plaka, sigaw mo ay katarungan
Kapakanan ng nakararami, laman ng iyong isipan
Karapatan ng mamamayan, pilit mong ipinaglalaban
Sa iyong duwelo, boses ang puhunan
Tanging iniisip, maiparating sa pamahalaan
Ang problema ng bansa, at hinaing nitong bayan
Na lalong pinalalala ng mga uhaw sa kapangyarihan
Sa iyo’y walang puwang, ang anumang katiwalian
Ang kaban ng bayan, kamo’y para sa mamamayan
Mga buwaya sa pamahalaan, iyong kinakalaban
Walang pakialam, buhay ma’y malagay sa alangan
Sa mga ugat mo’y dumadaloy, ang dugong makabayan
Kakayahan ng kababayan, mas angat sa dayuhan
Ang tanging hiling lamang, ay suporta ng pamahalaan
At galing ng Pilipino, ay mapapatunayan
Ang nakaraan ng bayan, ay lagi sa kamalayan
Isang bukas na aklat, na hindi malilimutan
Kagitingan ng mga bayani, na buhay ang pinuhunan
At pagdanak ng dugo, para sa hangad na kalayaan
Kaya’t ngayon ay kinakalampag, itong ating pamahalaan
Pilit pinapaalala, ang masalimuot na nakaraan
Taginting ng batingaw, ginigising ang pamunuan
Ang pagpapapagamit sa dayuhan, sadyang walang patutunguhan
“Prinsipyo ay buhay,” ang nakaukit sa isipan
At ang dignidad, ay higit pa sa kayamanan
Bitbit kahit saan, ang tunay na karunungan
Ang mulat na isipan, at pag – ibig sa bayan
Ikaw nga ang boses, nitong ating bayan
Mapanuri mong mga mata, ay dapat na tularan
Hindi patitinag, kahit na kay kamatayan
Buhay ay iaalay, basta’t para sa mamamayan


*salamat rommel sa tulang ito.
luha.galak.ano pa ba ang dapat kong sabihin.siguro di maipaliwanag ng mga salita ang pagkagulat at ang karangalan na gawan ng isang akda ng isang kaibigan.
maraming salamat bok!