nakakataba ng puso.
pumatak ang luha.
salamat sa iyo kaibigan.
AKTIBISTA
-Rommel Dinglasan
… at sa lansangan, mas pinili mong manahan
Dala ang mga plaka, sigaw mo ay katarungan
Kapakanan ng nakararami, laman ng iyong isipan
Karapatan ng mamamayan, pilit mong ipinaglalaban
Sa iyong duwelo, boses ang puhunan
Tanging iniisip, maiparating sa pamahalaan
Ang problema ng bansa, at hinaing nitong bayan
Na lalong pinalalala ng mga uhaw sa kapangyarihan
Sa iyo’y walang puwang, ang anumang katiwalian
Ang kaban ng bayan, kamo’y para sa mamamayan
Mga buwaya sa pamahalaan, iyong kinakalaban
Walang pakialam, buhay ma’y malagay sa alangan
Sa mga ugat mo’y dumadaloy, ang dugong makabayan
Kakayahan ng kababayan, mas angat sa dayuhan
Ang tanging hiling lamang, ay suporta ng pamahalaan
At galing ng Pilipino, ay mapapatunayan
Ang nakaraan ng bayan, ay lagi sa kamalayan
Isang bukas na aklat, na hindi malilimutan
Kagitingan ng mga bayani, na buhay ang pinuhunan
At pagdanak ng dugo, para sa hangad na kalayaan
Kaya’t ngayon ay kinakalampag, itong ating pamahalaan
Pilit pinapaalala, ang masalimuot na nakaraan
Taginting ng batingaw, ginigising ang pamunuan
Ang pagpapapagamit sa dayuhan, sadyang walang patutunguhan
“Prinsipyo ay buhay,” ang nakaukit sa isipan
At ang dignidad, ay higit pa sa kayamanan
Bitbit kahit saan, ang tunay na karunungan
Ang mulat na isipan, at pag – ibig sa bayan
Ikaw nga ang boses, nitong ating bayan
Mapanuri mong mga mata, ay dapat na tularan
Hindi patitinag, kahit na kay kamatayan
Buhay ay iaalay, basta’t para sa mamamayan
*salamat rommel sa tulang ito.
luha.galak.ano pa ba ang dapat kong sabihin.siguro di maipaliwanag ng mga salita ang pagkagulat at ang karangalan na gawan ng isang akda ng isang kaibigan.
maraming salamat bok!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento