Sabado, Enero 19, 2008

kailan pa ba tayo kikilos?

Walang komento:
ano nga ba talaga ang nais ninyo
kayo na pakuyakuyakoy diyan sa palasyo
wala na atang pagsidlan inyong pagka-desperado
at mga naiisip na'y pagpapahirap sa masa na kung anu-ano
ikaw pandak na tunay namang taksil
kagaya na iba pang tumalikod
sa tunay na diwa ng mga pag-aalsang EDSA
kinubra ng kasaysayan ng batbat ng hilahil
ang malagim na katotohanang ikaw man din
babagsak at babagsak sa kuko ng api
at maluluray ang mga tulad mong halimaw at sakim

hindi ka pa nagsawa sa pangungunyapit
"hello garci" at "scam sa fertilizer"
"i am sorry" na lang ba ang kapalit
paano ang milyon-milyong kabataang humihiyaw
katarungan kailan ba sa kanila dadalaw
patuloy na mailap ang hangad na edukasyon
habang sa araw araw sikmura'y alipin ng gutom
paano naaatim na magpamudmod ng yaman
daang libong salapi di mo pinanghinayangan
samantalang hindi naman ito sa inyo kundi sa taongbayan

nag-uumapaw sa kasinungalingan
batbat ng katiwalian
ang gobyernong ikaw ang reynang tinanghal
di na nga marahil tatalab ang papel-de-liha
sa kapal ng kawalanghiyaang nagpala sa iyong mukha
kahit nagugutom na ang di mabilang na mamamayan
mga manggagawang inalisan mo ng yaman
mga magsasakang inagawan mo ng kabuhayan
mga kabataang iyong itinulak sa mamalimos sa lansangan
di ka pa rin maawat sa pananamantala
lahat ng ito'y dahil sa mga iyong mga patakaran
na patuloy na nag-aalis ng kanilang buhay at dangal

ilang pag-aalsa na ba ang sa termino mo'y naganap
pero imbes na sagot sa panawagan ang iyong ilapat
pandarahas pang lalo ang iyong pinasagap
at sa kapal ng mukha nakuha pang magbitbit
doon sa banyagang lupa nagkalat pa ng dusing
hakot ay mga tuta na mambabatas doon sa kaharian ng mga bulag
gamit pa din ang pera ng bayan ni juan dela cruz
sagad-sagarin talaga ang mga gunggong
nagsamasama doon sa bayan ng walang alam
sa tunay na demokrasya at kalayaan
tinipon ni pandak upang may "fans" na papalakpak
sa diumano'y medalyang matatanggap
medalya ng kasinungalingan at pagpapahirap
hindi ng medalya ng demokrasya na wala naman talaga sa pilipinas
mainam siguro kung si mariannet ang naghandog ano?
para usigin ka at ang kaluluwa mo
na sinusunog na marahil kung tunay ngang may impyerno

suklam na ang mamamayan sa iyo at sa mga berdugo mong pahirap
ZTE at Cyber-ed dinagdag mo pa sa listahan
na iyong di na mabilang na pagnanakaw sa sambayanan
kasama ng iyong asawang gahaman
na nagkakasakit kapag iimbitahan para imbestigahan
pero masigla pa sa toro kapag magnanakaw ng yaman
at mangingibang bayan
ngayon nagbabalak pang ibalik ang binasura ng batas
sa Human Security Act ay di na nakuntento
Anti-Subversion Law muling hinalungkat
kasunod lang halos ng pagpapahiwatig ng balak
na CHA-CHA ay muling itutulak
"kainaman ka na GLORIA!"
walong daan mahigit na ang nawawala
dulot ng pampulitikang pamamaslang
gamit mo'y mga mersenaryo mong tau-tauhan
mga sundalo't kapulisan
habang ang bilang ng mga nawawala
dahil lang sa pagsusulong ng mga demokratikong karapatan
at paglaban sa patakaran mong anti-mamamayan
ngayon ay lagpas na sa isang daan at patuloy pang bumibilang
sa lahat ng ito
nananatiling bingi, bulag, pipi't manhid ang hustisya
na ikaw at ikaw din ang may dikta
ano na nga ba ang nangyari sa lumapastangan kay Nicole?
bakit hindi ninyo ipakita?!

lahat ng ito naganap.
nagaganap.
magaganap at madadagdagan pa.
kapag hindi ka naki-isa
kapag hindi ka sumama
kapag hindi ka kumilos
para wakasan ang paghihirap
ng malawak na bilang ng masa

hayaan mong humiyaw ang mga titik sa aking akda

Walang komento:
nagsimula silang magmartsa
ang mga inapi
ang mga inagawan ng lupa
silang walang makain
kahit pa nga sila ang nagtanim
at nag-ani ng palay

at kahit pa binayo ang palay
upang maging bigas
para sa iyong hapag-kainan
mayroon kang kanin na makakain
sa sandaling maluto na ang bigas
na pinagsikapang kalingain ng mga magsasaka
sila'y nananatiling gutom

sandaling iniwan ang bukid
upang manawagan ng paglaban
ng pagbalikwas sa mamamayan
para kamtin ang talagang sa kanila
ANG PANAWAGAN para sa HUSTISYA at TUNAY NA REPORMA SA LUPA

HINDI dahas ng estado ang nais nilang matamo
kungdi katarungan lalo na ng mga biktima ng masaker doon sa mendiola
na hanggang sa kasalukuyan ay wala
sapagkat ang hustisya ng estado
ay sadyang para ilugmok ang api
kaya masisisi mo ba silang manawagan
na pagbabago at paglaban?


pero ikaw?
ano ba ang iyong ginawa
upang tulungan sila?!
sila na wala na halos kita
sila na halos binabarat ang mga inaning palay
sila na halos walang makain kahit kanilang tanim na bigas
wala man lang kakayanang pag-aralin ang kanilang mga anak
sila na nananatiling nakatali sa lupa
at sa pagsasamantala ng mga panginoong ganid at pasista

ikaw?!
ano ba ang iyong ginawa?!
para tulungan sila sa kanilang laban para sa lupa
para sa subsidyo at pag-unlad ng produksyon sa pagsasaka..

kailan ka pa mamumulat
na hindi lang sapat ang iyong simpatya
kundi higit sa lahat
ang iyong pakikilahok
pakikiisa
sa laban na mga dakilang magsasaka

kailan nga ba?
kapag wala ka ng makitang kapatagan o bukid o lupang sakahan?
o kapag ang lahat ay nagbuwis na ng dugo at lupang yaman ng kanilang mga ninuno?

masisisi mo ba ako?
at ang ang iba pa?
kung kami ay humiyaw ng buong lakas
hindi
sapagkat ito ang aming ambag
sa pakikibaka ng mga maralitang magbubukid
kaya hayaan mong humiyaw ang mga titik sa aking mga akda!


-severino hermoso

*tula para sa paggunita sa ika-21 taong anibersaryo ng MENDIOLA MASSACRE at sa patuloy na laban ng mga MAGSASAKA at MAMAMAYAN