nagsimula silang magmartsa
ang mga inapi
ang mga inagawan ng lupa
silang walang makain
kahit pa nga sila ang nagtanim
at nag-ani ng palay
at kahit pa binayo ang palay
upang maging bigas
para sa iyong hapag-kainan
mayroon kang kanin na makakain
sa sandaling maluto na ang bigas
na pinagsikapang kalingain ng mga magsasaka
sila'y nananatiling gutom
sandaling iniwan ang bukid
upang manawagan ng paglaban
ng pagbalikwas sa mamamayan
para kamtin ang talagang sa kanila
ANG PANAWAGAN para sa HUSTISYA at TUNAY NA REPORMA SA LUPA
HINDI dahas ng estado ang nais nilang matamo
kungdi katarungan lalo na ng mga biktima ng masaker doon sa mendiola
na hanggang sa kasalukuyan ay wala
sapagkat ang hustisya ng estado
ay sadyang para ilugmok ang api
kaya masisisi mo ba silang manawagan
na pagbabago at paglaban?
pero ikaw?
ano ba ang iyong ginawa
upang tulungan sila?!
sila na wala na halos kita
sila na halos binabarat ang mga inaning palay
sila na halos walang makain kahit kanilang tanim na bigas
wala man lang kakayanang pag-aralin ang kanilang mga anak
sila na nananatiling nakatali sa lupa
at sa pagsasamantala ng mga panginoong ganid at pasista
ikaw?!
ano ba ang iyong ginawa?!
para tulungan sila sa kanilang laban para sa lupa
para sa subsidyo at pag-unlad ng produksyon sa pagsasaka..
kailan ka pa mamumulat
na hindi lang sapat ang iyong simpatya
kundi higit sa lahat
ang iyong pakikilahok
pakikiisa
sa laban na mga dakilang magsasaka
kailan nga ba?
kapag wala ka ng makitang kapatagan o bukid o lupang sakahan?
o kapag ang lahat ay nagbuwis na ng dugo at lupang yaman ng kanilang mga ninuno?
masisisi mo ba ako?
at ang ang iba pa?
kung kami ay humiyaw ng buong lakas
hindi
sapagkat ito ang aming ambag
sa pakikibaka ng mga maralitang magbubukid
kaya hayaan mong humiyaw ang mga titik sa aking mga akda!
-severino hermoso
*tula para sa paggunita sa ika-21 taong anibersaryo ng MENDIOLA MASSACRE at sa patuloy na laban ng mga MAGSASAKA at MAMAMAYAN
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento