minsan nangarap ako noong musmos pa lamang
paglaki ko, ibig kong bayaran ang aming mga utang magiging inhinyero ako at tiyak na yayaman
magpapatayo ako ng simpleng tahanan
may harding maganda, kotse at mga kasangkapan
may basketbol at tenis kort, at palaruan
kung saan ititira ko mahal kong mga magulang
mga kapatid, at mga kapamilyang hinihirang
magpapatayo ako ng simpleng tahanan
kung saan bubuuin ko ang sarili kong pamilya
nabubuhay sa kolektibong paggawa at sama-sama
ang mahal kong asawa at ang aming magiging mga anak
mamumuhay kami ng masaya at payak
minsan nangarap ako noong aking kamusmusan
madalas ko pa ngang iguhit sa papel at kinukulayan
malinis ang paligid at kay ganda ng larawan
may mga ibong lumilipad at mga punong matatayog
may mga bulaklak, tutubi, paru-paro't bubuyog
may bughaw na langit at makakapal na ulap
at paanong mawawaglit ang bahaghari sa pangarap
matataas na bundok akin ding inilahok
kung saan sa likod nito, ang araw, magkukubli't susulpot
at syempre may tandang na tumitilaok
ang luntiang bukirin di maaaring malimot
pati ang lumilipad na lawin at kalabaw na may ararong suot-suot
minsan nangarap ako noong aking kamusmusan
madalas ko pa ngang ikuwento sa mga kaibigan
at kapag tinanong ni titser, "anong gusto kong maging?"
magsisimula na akong magkuwento ng buong galing
kay simple ng lahat sa ating mga pangarap
kay simple ng pagtingin sa bawat ngiting tatatak
kay simple ng pagsusuri sa bawat luhang papatak
ngunit kay raming mga tanong na kinakaharap
at ang mga sagot patuloy na hinahanap
minsan akong nangarap noong ating kamusmusan
inakalang sa paglaki at pag-aaral lang lahat maisasakatuparan
puno ng bahaghari at usbong ng mga dahon
subalit habang bumubilang ng marahan ang panahon
lumilihis ang mga pyesa ng mga pangarap ko noon
sa lumalantad na katotohanan ng ngayon
kay raming mga tanong sa ating mga mata
at ang mga sagot nananatiling pangamba
minsan akong nangarap noong ating kamusmusan
sinunod ko sa mga pabula't kwento ng mga diwata
sa mga narinig na kwentong nagsimula sa " noong unang panahon..."
at tinapos di ang kwento ng pangarap sa ganitong kongklusyon:
"...at kami ay namuhay ng masaya mula noon."
subalit nagising din isang araw sa kasalukuyan
at namulat sa masaklap na katotohanan
totoong mayroong "noong unang panahon" sa bawat isa
subalit di lahat ng wakas ay laging nagiging masaya
sapagkat ang mga pangarap sa lipunang ito
iilan lang ang natapos ng maligaya sa dulo
ang karamihan na sa trahedya tumungo
ito ang sinadya ng ngayon nabubulok na sistema
at silang nasa kapangyarihan ang may likha
kung bakit mga binubuong pangarap nagkapira-piraso
silang nasa kapangyarihan ang may gawa
kung bakit kay raming tinawag na mga inakalang pangarap