kay hirap nang pasan pasan sa balikat
walang habas ang latigong humahalik sa balat
iniiwang mga latay lumilikha ng sugat
katawang nahahapo 'di makapahinga kagyat
walang laya na kumilos
mga karapata'y sinisikil sa pag-agos
nakabilad sa pagsasamantala't pambubusabos
ang sahod ay katumbas lamang ng limos
bawal ang awit na humihiyaw ng hinaing
ang akda ng pagkaapi'y 'di maaaring tulain
talumpati ng pagdarahop bawal na sabihin
gutom ng sikmura 'di maaaring sa nobela ihain
iniluwal nang paggawa dugong pawis na walang humpay
ginahis pa ng pasismo ang maralitang hanay
gapos kadena ang ating mga kamay
sukdulan mang matatawag itong nagaganap
kikilos tayo upang makamtan ang paglayang hinahanap
at sa pagdagundong ng ating alingawngaw
lalagutin natin ang tanikalang kanilang ibinalabal
at sila namang mapagsamantala sa yaman ng bayan
silang hayok sa pagkaganid ang makakaramdam
bagsik nang ganting nag-aalab sa paglaban!
*mga piling parapo. mula sa akdang 'tanikala'.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento