Linggo, Setyembre 20, 2009

[severino hermoso] tanaw

Walang komento:

nagkita tayo kanina
pero hindi mo alam
sapagkat malayo ka
at sa pakikipag-usap abala

habang nakikinig ako sa nagsasalita
doon sa entabaladong-sasakyang kanilang ginawa
natanawan ka nitong mga mata
at muli't muli ang aking paghanga

medyo may nagbago sa iyo
may kwentas ka na sa leeg mo
at sa tingin ko mabigat ito
pero alam kong ito ang gusto mo

sapagkat pinapahinto nito ang bawat saglit
upang ikahon ang kasaysayang ngumingiti
ma'y lumuluha't may hinanakit

alam kong ito ang iyo hilig
o mas angkop na sabihin:
itinitibok ngayon ng iyong dibdib
para sa tinatawag na pag-ibig?

buntong hininga
salamat at kahit malayo ka
malapit ka pa din sa ala-ala

tanaw kita sa bawat anggulo
kahit pa gaano kalayo

tanaw kita sa gunita
sa panaginip at
at bukambibig
kahit pa di ito naririnig...

buntong hininga
tingin sa kalawakan
makulimlim ang aking nakikita
pero mananatili ako
kahit pa mabasa ng mga luha
dahil ibig kong tangayin na nila
ang aking nadarama
iyong hindi na matatanaw
kapag natuyo na ng araw

-"tanaw", severino hermoso
Image by FlamingText.com

Biyernes, Setyembre 18, 2009

ilabas ninyo ang dinukot ninyong si Noriel Rodriguez!

Walang komento:
ma(g)kikita
ni piping walang kamay

matamis ang iyong mga halakhak
masasaya
nasasabik na ang ating mga kwentuhan
ang mga halakhakan
kahit ang mga lungkot at luha
mainam na balikan

subalit

nakakaluha na ngayon ang iyong mga alaala
dahil nababalot na ng pangamba
sapagkat hindi alam kung nasaan ka

ika-pito ng setyembre noong ikaw ay dukutin
apat na armadong kalalakihan ang sa iyo'y kumuha
hindi kilala ang katauhan ng mga duwag na punyeta

aakalain bang ang isang tulad mo
walang armas kung 'di ang ipinaglalabang prinsipyo
na para sa katarungan at kalayaang totoo
tututukan ng baril at kukunin ng mga bayarang berdugo

at dumagdag ka sa listahan ng maraming iba pa
tulad nina Karen, Sherlyn, James, Jonas,
at sinong makakalimot kay Melissa
na dinukot kasama ang dalawa pang aktibista
at pinakawalan ng mga nagpahirap sa kanya
subalit ang dalawang kasama nananatiling di makita

kasalanan bang makipamuhay sa masang magsasaka
at tumulong at ipaglaban ang karapatan nila?

magkikita tayo
kung saan man ay hindi ko masasambit
magkikita tayo
kung saan man ay hindi ko sigurado

subalit natitiyak ko
magkikita tayo

at makikita nila
ang tama at nasa wasto ay tayo

makikita nila
na kahit gaano pa ang banta
nitong mapagsamantalang estado
lalaban at aalma at maghihimagsik pang lalo
ang sambayanang labis na nilang siniphayo

magkikita tayo
natitiyak ko

sapagkat kasabay ng paghahahanap namin sa iyo
kasama ng mahal mong pamilya at kasama
mga kaibigan at kabarkada at kakilala
patuloy kami na lalaban at lalaban

kahit dumating pa sa dulo
na ang aming matagpuan
M16 na ang aming dapat tanganan
upang sa hinaharap matigil na ang ganitong kalakaran

magliliyab magliliwanag ang mga dahilig
ang mga ilog at bundok at bukid
upang tanglawan kami palapit sayong piling
at ihahapag namin ang hustisya sa iyo
at sa marami pang biktima nitong sapilitang pagkawala
na silang mga mapagsamantala't ganid ang may gawa!

-"ma(g)kikita", piping walang kamay
Image by FlamingText.com

[tula] tatlong daan animnapu't limang araw

Walang komento:
**si James Balao, isa sa mga nagtatag ng prominenteng Philippines Indigenous peoples' movement, ay nawala noong September 17, 2008. hinihinalang kinuha ng mga elemento ng AFP dahil sa pagiging aktibista at tagapagtanggol ng karapatan lalo na ng mga katutubo o pambansang minorya. isa sa maraming kritiko ng rehimeng US-Arroyo at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa din siya natatagpuan.

itong tula ay binagong bersyon ng may akda. binago ang ilang salita. subalit sinikap na mapanatili ang mensahe at maigting na panindigan at damdamin.

itong tula ay alay sa kanyang isang taon ng patuloy na pagkawala.
itong tula ay alay sa lahat ng tulad niyang hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ding balita ng kinaroroonan.
itong tula ay alay para sa patuloy na pakikibaka natin para mahinto ang ganitong kalakaran ng gobyerno at ng kanyang mga galamay.
itong tula ay alay sa lahat ng mamamayang Pilipinong nagmamahal sa pagkamit ng tunay na paglaya.

tatlong daan animnapu't limang araw




"Si James Balao. hanggang ngayon hindi pa natatagpuan."


baka nakita mo siya
tatlong daan animnapu't araw na siyang nawalay sa kanyang pamilya

tatlong daan animnapu't limang arawna pag-aalala ang sa mga kakilala
kasama, kaibigan, pamilya ay nananahan

tatlong daan animnapu't limang araw
ng dagdag na kasinungalingan
ang ipinapangalandakan ng berdugong
militar at kapulisan at malakanyang
na sa nangyari sa iyo wala silang kinalaman
na ang kinaroroonan mo ay di nila alam

tatlong daan animnapu't limang araw
na paghahanap ng walang tigil
upang matagpuan ka at malamang ayos ang kalagayan
tatlong daan animnapu't limang araw
na palaging umaasang makabalik ka na
umaasang may nakakita na sa iyo
o mayroong makapasabing ayos ka lang
tatlong daan animnapu't limang araw
na bigo sa pag-asang ika'y matagpuan

subalit hindi kami titigil
hindi kami mawawalan ng pag-asa
na mahanap ka at ang maraming iba pa
na tulad mo'y dinukot din ng mga mapagsamantala
silang mga duwag sa mga tulad mong umaalma
silang mga duwag sa mga tulad mong piniling makibaka
kasama ng maraming mamamayang inaalipusta

tatlong daan animnapu't limang araw
ng pagtitiis at sakripisyo at paglaban
kahit ilang tatlong daan animnapu't limang araw
ang dumaan upang matagpuan lamang ang iba pa at ikaw
na kinuha ng mga bayaran nitong mga halimaw
na doon sa malakanyang ay nagdiriwang ng may pangamba
habang naglilingkod sa dayuhang amo nila
tatlong daan animnapu't araw
asahan mong hindi lamang kami maghihintay
gagalugarin ka namin sa mga sulok at ilang
hahanapin sa mga titik ng mga akda at pahayagan
upang ang paglitaw mo at ng maraming iba pa ay maisakatuparan

tatlong daan animnapu't limang araw
maghahanap kaming lumalaban
at nasabi ko bang sa parehong bilang ng araw
mauulit at mauulit nilang madarama
mamumuhay din ng may pangamba ang mga dumukot sa iyo
at sa iba pang lumalaban para sa ating paglaya?
hanggang hindi ka natatagpuan
hanggang hindi kayo nakikita
dahil pangangambahan din nila ang kanilang buhay
sa bigwas na ganti ng mamamayang lumalaban

Image by FlamingText.com

Martes, Setyembre 15, 2009

[severino hermoso] rebolusyon

2 komento:


mahal naman kitang talaga.
mahal na mahal.
mahal na handa akong mabuhay para sa iyo.
mahal na mahal.
mahal na handa kong tiisin ang hirap at lumbay at pait.
tiisin ang bawat pasa at galos at sugat.

mahal kita na handa akong masaktan.
mahal kita na maaaring hindi ako maubusan ng dahilan.
o mahal kita at maaaring takasan ako ng mga batayan.
subalit mahal kitang tunay.
alam ko at naniniwala ako.
hindi naman palaging may batayan ang lahat.
sapagkat minsan mahirap ipaliwanang ang ilang nadarama.
subalit alam kong ito ay wasto.
at ipagpapatuloy ko itong sundin.
ang ikaw ay patuloy na ibigin.

doon kita natatagpuan
sa bawat ngiti ng mga batang paslit
doon sa mga maralitang komunidad
sa mga pagbating sumasalubong
doon sa kanayunan
sa piling ng mga magsasaka
mangingisda at maging ng mga katutubo
sa kanilang mga pag-aalala
doon kita natagpuan
sa mga armas na tinanganan
para ipaglaban ang paglaya ng mamamayan
para isulong ang kanilang karapatan
para sa masa at hindi sa pansariling ibig matamasa

sa bawat tawanan at pagluha
sa bawat pagkain at gutom
sa mga tingin ng mga matang malungkot
at nasasaktan at kumakalam ang tiyan
doon kita natatagpuan
at dahil nga doon
minamahal

mahal kita
sa gitna ng hirap
at pasakit at kalungkutan
mahal kita sa gitna ng mga ngiti
at pagtawa at halakhak

at alam ko mahal kita
hindi sa mga salitang binibigkas
dahil alam kong hindi laging 'i love you'
ang kailangang marinig
at hindi laging sa bibig
pinapatunayan ang pag-ibig
hindi sa mga paghahawak o halik
hindi sa pagsasama at pagsasanib
hindi sa ibabaw ng kama at ang paglalapit
sapagkat ang pag-ibig ay pag-ibig
hindi nakakahon at nakapinid
sapagkat ang pag-ibig ay paglaya
at ang paglaya ay pagiging payapa
at ang pag-ibig ay makikita
sa gitna ng digma


Image by FlamingText.com

Miyerkules, Setyembre 2, 2009

McDonald's o Turo-turo? at ang maluhong entourage

Walang komento:


alin nga ba ang mas may dignidad?

ipinapakita lamang kung gaano kakorap at kolonyal ang utak ni Mikey Arroyo. isipang malinaw na hindi naglilingkod para sa interes ng mamamayang Pilipino.

idagdag pa ang walang pakundangan sa pagbitaw ng mga salita. tandaan mo na isa sa pinagkakakitaan ng mga pinoy ay ang pagtitinda ng mga ulam o ang turo-turo -bilang kabuhayan. higit na may dignidad ito kaysa sa tulad mo at sampu pa ng ibang "tongresista" sa kongreso kasama na ang korap at mandaraya mong ina.

itinatadahana sa saligang batas na dapat maging ehemplo ng simpleng pamumuhay ang mga nanunungkulan sa gobyerno. pero sa ipinapakita ng mga tulad ninyong korap na mandaraya at kawatan sa gobyerno lalo lamang pinatutunayang wastong lumaban at manindigan para sa aming mga karapatan.


Image by FlamingText.com

[bidyo / komentaryo] kung ano ang puno siya ang bunga

Walang komento:






mikey arroyo: "...ill-gotten? hindi naman gaanong kalakihan iyan..."

**ang kapal ng mukha! hindi gaanong kalakihan? palibhasa mana sa mga magulang na kurakot kaya binabalewala ang halaga ng pera ng taongbayan basta sila makapangurakot lamang. mahusay paglaruan ang batas. ang kapal pa na maghamon na kung may nakikita tayong mali idemanda o maghabol tayo sa korte? tinamaan na ng mahusay na kawatan. talagang pati ang hustisya dudumihan. matapang na makipagharap sa korte dahil kayang kaya nilang paikutin ang hustisya sa bansa.

may araw din kayo sampu ng mga tuta ninyong korap sa gobyerno!

-piping walang kamay


Image by FlamingText.com