Biyernes, Setyembre 18, 2009

[tula] tatlong daan animnapu't limang araw

**si James Balao, isa sa mga nagtatag ng prominenteng Philippines Indigenous peoples' movement, ay nawala noong September 17, 2008. hinihinalang kinuha ng mga elemento ng AFP dahil sa pagiging aktibista at tagapagtanggol ng karapatan lalo na ng mga katutubo o pambansang minorya. isa sa maraming kritiko ng rehimeng US-Arroyo at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa din siya natatagpuan.

itong tula ay binagong bersyon ng may akda. binago ang ilang salita. subalit sinikap na mapanatili ang mensahe at maigting na panindigan at damdamin.

itong tula ay alay sa kanyang isang taon ng patuloy na pagkawala.
itong tula ay alay sa lahat ng tulad niyang hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ding balita ng kinaroroonan.
itong tula ay alay para sa patuloy na pakikibaka natin para mahinto ang ganitong kalakaran ng gobyerno at ng kanyang mga galamay.
itong tula ay alay sa lahat ng mamamayang Pilipinong nagmamahal sa pagkamit ng tunay na paglaya.

tatlong daan animnapu't limang araw




"Si James Balao. hanggang ngayon hindi pa natatagpuan."


baka nakita mo siya
tatlong daan animnapu't araw na siyang nawalay sa kanyang pamilya

tatlong daan animnapu't limang arawna pag-aalala ang sa mga kakilala
kasama, kaibigan, pamilya ay nananahan

tatlong daan animnapu't limang araw
ng dagdag na kasinungalingan
ang ipinapangalandakan ng berdugong
militar at kapulisan at malakanyang
na sa nangyari sa iyo wala silang kinalaman
na ang kinaroroonan mo ay di nila alam

tatlong daan animnapu't limang araw
na paghahanap ng walang tigil
upang matagpuan ka at malamang ayos ang kalagayan
tatlong daan animnapu't limang araw
na palaging umaasang makabalik ka na
umaasang may nakakita na sa iyo
o mayroong makapasabing ayos ka lang
tatlong daan animnapu't limang araw
na bigo sa pag-asang ika'y matagpuan

subalit hindi kami titigil
hindi kami mawawalan ng pag-asa
na mahanap ka at ang maraming iba pa
na tulad mo'y dinukot din ng mga mapagsamantala
silang mga duwag sa mga tulad mong umaalma
silang mga duwag sa mga tulad mong piniling makibaka
kasama ng maraming mamamayang inaalipusta

tatlong daan animnapu't limang araw
ng pagtitiis at sakripisyo at paglaban
kahit ilang tatlong daan animnapu't limang araw
ang dumaan upang matagpuan lamang ang iba pa at ikaw
na kinuha ng mga bayaran nitong mga halimaw
na doon sa malakanyang ay nagdiriwang ng may pangamba
habang naglilingkod sa dayuhang amo nila
tatlong daan animnapu't araw
asahan mong hindi lamang kami maghihintay
gagalugarin ka namin sa mga sulok at ilang
hahanapin sa mga titik ng mga akda at pahayagan
upang ang paglitaw mo at ng maraming iba pa ay maisakatuparan

tatlong daan animnapu't limang araw
maghahanap kaming lumalaban
at nasabi ko bang sa parehong bilang ng araw
mauulit at mauulit nilang madarama
mamumuhay din ng may pangamba ang mga dumukot sa iyo
at sa iba pang lumalaban para sa ating paglaya?
hanggang hindi ka natatagpuan
hanggang hindi kayo nakikita
dahil pangangambahan din nila ang kanilang buhay
sa bigwas na ganti ng mamamayang lumalaban

Image by FlamingText.com

Walang komento: