Lunes, Oktubre 12, 2009

[tula] Unos, ano nga ba ang dala mo?

*itong akda ay ipinaskil ng may likha upang ibahagi ang kanyang pagtingin sa kasalukuyang kaganapan. may mga ilang talatang kinuha at piniling huwag ilangkap. huwag ka nawang manawa.


Unos, ano nga ba ang dala mo? (ni Piping Walang Kamay)

i.

malakas ang iyong pagdating
dumadagundong

masakit ang hatid ng iyong hagupit
lumalatay, bumabaon

hindi lamang sa mga balat
o sa bawat himaymay ng laman

naglalagos sa bawat alaala't isipan
nag-iiwan ng sugat sa nakaraan
umuukit ng pilat sa kasalukuyan
at gumuguhit hanggang sa kinabukasan

lumikha ka ng panibagong elehiya
at narinig ang kahindik hindik na agunyas

bago pa makalapit tinawag ka nilang ondoy
at matapos ang ilang araw ang tulad mo'y nagpatuloy
binansagan namang pepeng pagpasok sa tarangkahan
wala kaming nagawa sa panganib mong tangan

nasira ang mga dike na ilang taon ng pinabayaan
kampante kasi ang mga nasa pamahalaan
na hindi ito mapipinsala ng kagrabihan

bumigay ang mga pundasyong alam nilang di na makatatagal
lumubog ang kalunsurang kanlungan ng mga api
at kasunod na sinalanta ang mga probinsyang katabi

nilunod mo ng tubig at putik at basura
ang mga bahay, gusali, sasakyan at kalsada
at maging ang mga buhay di mo pinakawalan
ipinalasap mo sa amin ang galit ng kalikasan

kay raming natabunan ng lupa't putik
kay raming iniwan ng kani-kanilang tahanan
pati ang kanilang naitabing materyal na yaman
sumama na sa anod, nag-alsa balutan

ang mga pananim ng mga mahal na magsasaka
sinalanta mo't nilunod at pinahalik sa lupa
ang mga imprastrakturang likha ng mga dakilang manggagawa
tinibag mo sa bagsik mong dala-dala

ii.

iniwan mong humahagulgol ang iilan
habang tinigib mo ng pangamba ang karamihan
at may ilang di natinag sa iyong ipinakita
sinakmal pa nga nila ito upang pangala'y ibandera

malapit na nga naman ang botohan
pagkakataon upang magpabango ng pangalan

kaya sa gitna ng nagdaang kalamidad
at sa nagbabanta pang pagdating
di ko maiwasang magtaka habang napapailing

tuloy sa isipan ko umaalma ang katanungan:

Bakit hindi silang mga nagsasamantala ang iyong pinuruhan?

Bakit hindi silang nagpapakasasa sa aming pera
nagwawaldas ng milyon-milyon sa maluluhong hapunan
habang kalakhan sa amin kumakalam ang tiyan
hindi malaman kung saan makakain para sa gutom?

Bakit hindi sila ang iyong pinarusahan?
silang kay bilis magbahagi ng mga paper bag
na daan-daang libo ang laman
mula sa kaban ng taong bayan
subalit ngayong nasa malaking sakuna ng kalamidad
at mayroong mahigpit na pangangailangan
naghihigpit sila ng sinturon para kami ay tulungan

umaasa sa ayuda ng mga dayuhan
at ang masakit pa nito nalantad na nga sa publiko ang kabulukan
na sa panahon ng kalamidad
hindi handa ang hungkag na pamahalaan
dahil walang sapat na kagamitan upang isalba
ang mga buhay na nanganganib na nasasakupan
makupad pa din sa pag-aksyon para manguna sa kaayusan!

pero ano pa nga ba ang dapat asahan?

iii.

sa isang banda
kung susuriin ng malaliman

may ipinapakita kayong di ata nila namataan
pero paulit-ulit ipinapaskil ng kasaysayan

na sa panahong hinagupit mo ang iyong galit
may kumikilos at kaayusan ang inuunang isaisip


sa muli mong paghagupit
at ang ganitong kaganapan ay maulit
hindi na ako magugulat
hindi na ako magtataka
hindi na ako magtatanong pa

sasagutin ko na para malinaw pa
na mauulit ang kasaysayan ng trahedya
hanggang hindi tayo natututo at kumilos ng sama-sama

hanggang hindi tayo kumikilos para ibagsak ang bulok na sistema
at palitan ng nararapat para sa kabutihan ng mayorya!

iv.

sa mga nagsasamantala:

dapat na kayong mangamba
ibinigay na ng kalikasan ang malupit na banta
na ang nananahimik na biktima
sa panahong mag-alburuto
mapanganib ang sama-samang pag-aaklas nila


sa 'ting mga pinagsasamantalahan:

ang lungkot ano?
kailangan pang may paghagupit para matauhan
na hindi dapat magsawalang bahala
na hindi dapat magsawalang kibo
na hindi dapat manahimik


kung ang kalikasan napupuno din
kung ang kalikasan lumalaban din
bakit hindi natin makitang pag-aaklas din ang ating tunguhin

isinigaw na ng galit na unos
ng nagsama-samang elemento ng kalikasan
ng hangin
ng tubig
ng lupa


panahon ng magbalikwas at sama-samang kumilos
para ang tunay na kaayusan at paglaya ay malipos
at ang pambubusabos ng iilan ay magtapos!

Walang komento: