Sabado, Pebrero 13, 2010

[tula] bigong pagsinta

hahanapin kita sa bawat ngiti ng masa
sa mga pag awit ng oyayi at pakikibaka

hahanapin kita sa bawat sulat ng panawagan
na ikinahig sa mga pader ng pagsasamantala at kaapihan

hahanapin kita sa bawat musikang papailanlang sa hangin
na magpapaindak ng mahinhin sa katawang pagal ngunit patuloy sa paglaban

hahanapin ko doon
ang pagmamahal

na minsan kong pinangarap at inasam
na magmula sa iyo makakamtan

sa kanila ko hahanapin ang mga yakap
sa malamig na gabi at nangungulilang umaga

sa kanila ko hahanapin ang mga halik ng paglaban at paglaya
sa kanila ko hahanapin ang pag ibig na pinangarap kong matamasa

at naniniwala ako
tagumpay ko itong makukuha

dahil ang pag ibig ay pananagumpay
sa gitna ng kabiguan

dahil ang pag ibig ay pakikibaka
dahil ang pag ibig ay pagpapalaya
dahil ang pag ibig ko sa masa ay para sa iyo
at ang pag ibig ko par sa iyo ay para sa masa


-mula sa tulang "bigong pagsinta" ni severino hermoso

Walang komento: