Miyerkules, Mayo 19, 2010

[tumula] paggunita sa isang Ka Bel

Walang komento:

"kung ipipinta ko siya gamit ang isang salita
ito ang gagamitin kong kataga: DAKILA!"


nagpaskil sila ng pagbibigay pagkilala
upang sa kalagitnaan ay lituhin din lang ang masa
ibinandila ka ng mga nagpapanggap na makabayan
upang masabi lang na kaisa sila sa paglaban

nagsusulputan ang mga hungkag at pilantropo
tuwing gugunitain ang kaarawan at araw ng pagpanaw mo
pero hinding hindi nila kami maloloko
dahil may isang huwarang gabay kami sa iyo

hindi mag-aatubiling mangutang
lalo't gipit ang abang kalagayan
naturingan kang mambabatas sa kongreso
subalit ipinakita mong sa masang anakpawis di ka nalalayo

handang makitulog sa piling ng masa
at makikain kung ano ang nakahain sa mesa
lalahukan mo ito ng mga gintong aral mong turo
na magpapasarap pa sa kainang kamay ang pangsubo

wala man ngayon ang katawang tao mo
lalo't tuwing sasapit ang Mayo uno
sa tuwi-tuwina'y kasama ka namin:
sa bawat manininda doon sa Quiapo
sa bawat mukha ng mga taga-Tondo
sa mga kargador sa pyer at terminal ng bus
sa bawat tsuper ng dyip at bus at taksi
sa bawat batang palaboy at di makapag-aral
sa bawat matang ginugutom ng sistemang gahaman
sa bawat magsasakang nagtitiis sa kahirapan
sa bawat masang anakpawis

lagi't lagi nasa amin kang gunita
sapagkat di kailanman malilimot ang iyong ginawa
kung paanong ang dedikasyon sa trabaho
hindi mapipigil ng kahit na sino
naalala ko pa ang nakakamanghang kwento
tungkol sa pagiging huwaran mo
kahit pa naputol na ang kuryente ninyo
dahil wala talagang pera pambayad sa atraso
hindi ka naawat na tapusin ang batas na panukala
upang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa
at kabuhayan ng mga maralita ay malikha

Ka Bel
marami pa din kaming naghahanap sa iyo
sa tuwi-tuwina
nananabik
hindi pa din makapaniwala
parang kailan lang naman
kasama ka naming nagmamartsa sa lansangan
sabay tayong umaawit sa mga pagkilos
dinadakila ang madla sa kanilang pakikipagtuos

umaawit
at muling umaawit ng pagdakila ang madla
sa kabila ng iyong pagkawala
mula ng kumilos ka para sa panlipunang paglaya.
iniukit mo na habangbuhay ang kung ano ang nararapat na tama

hindi ka nabigo
at hindi mabibigo
kikilos kami at ang sambayanan
upang bigyang kaganapan ang mga paglayang pangako


-Image by FlamingText.com(May 1, 2010)

hindi lahat ng dilaw ay tila gintong kumikinang

Walang komento:
nagtanong at nagtatanong ang mga magsasaka
nasaan na ang hustisya sa hasyenda luisita?
at maging silang nagbubungkal sa lupain
ng hasyenda looc na sa nasugbo, batangas nakahain
kaisa ng iba pang manggagawang bukid
sa pagtatanim ng hustisyang hangad na anihin

ang lupang diniligan ng mapulang dugo
at kung saan humandusay di lamang
ang labing-apat na dakilang ninuno

kay raming taon na ang matuling lumipas
nagkaroon ba ng hustisyang matatawag

hindi pangako ang ibig nilang hawakan
kundi ang katuparan ng pangarap na ipinaglaban
iyon ay ang sandaling ang lupa'y kanila na ang pakinabang
at hindi sa mga panginoong nagpapakasasa sa kanilang pinaghirapan

madasalin talaga itong mga panginoon
pero paano nila naaatim na maraming sikmurang nagugutom?
may takot sa diyos itong mga panginoon
pero bakit di masilayan sa kanilang mga mata
ang takot na may mga pinatay silang manggagawa't magsasaka

nasaan ang bayani upang maging tagapagligtas
sa nakaambang paghihingalo at pagkautas
nasaan ang bayaning ibinabandila sa telebisyon
sa pahayagan, sa radyo, at mga patalastas sa umpukan

makinang ang suot na dilaw ng hinihirang
nitong mga nasa uri ng mga naghahari-harian
tagapagsalba kung tawagin ng marami
mula sa napipintong pagkasawi daw nating mga inaapi

para lang talagang mga artistang pinuputungan ng korona
star for all season, superstar, megastar, diamond star ang kalibre at drama
ganito lang talaga kadali sa mga may kontrol sa yaman ang pera
ang ikondisyon ang isip ng mamamayang dinudusta

pati tuloy yaong mamumuno sa inaapi kailangan pang isubo
may kakaibang hipnotismo silang pinapakulo
pero hindi lahat ng nakadilaw ay bayani
at kumikinang na tila ginto

maiging suriin ng mabuti ang tinubog na ginto
subukan mong silipin upang makita mong may bahid ng dugo

Image by FlamingText.com

Lunes, Mayo 17, 2010

Dalampasigan, Nasaan ang Pag-ibig?

Walang komento:
Naglalakad ako sa may tabing dagat. Masangsang na ang amoy nito subalit matingkad ang kanyang mga ulap. At sa gabing paparating, ikukubli niya ang kanyang kariktang batbat na ng pilat at mga hinaing. At sa gabing parating, magbibihis siya ng makulay na kamiseta. Kumikinang ang ganda niya kahit walang koloreteng kasama. Sapat na ang mga ilaw upang bihisan siya ng alindog na tunay na kaiga-igaya sa mga mata. dagdag na marahil ang mahaharot na sinag na nagkukubli sa kanyang kumukupas na ganda.

Matagal kong hinanap hanap itong dalampasigan. At ang mga tao na siya na ang naging kanlungan. kasabay ng paglipas ng mga taon, patuloy kong tinatahak ang landas ng kasagutan sa matagal ng katanungang bumabagabag sa akin mula pa noon.

naaalala ko pa noong madinig ko ito. sa isang estrangherong di ko pa naaarok ang talinghagang hinahabi sa mundo. subalit kagaya ng karamihan. kagaya ng bawat nilalang. may angkin siyang lalim at natatanging kaalaman. at sa tanong na kanyang tinuran sa harap ng hinahangaang dalampasigan doon nagbago ang lahat lahat. tila huminto sandali ang aking mundo. napakunot ang aking noo. at napaisip. animo sigaw na hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa din ang kanyang tanong sa daigdig. sa harap ng hinahangaang dalampasig.
"Nasaan ang pag-ibig?"

hindi ko alam kung problemado siya. at sinusubukan niyang bumalik sa reyalidad. sa katinuan. hindi ko alam kung anu-ano ang kanyang iniisip noon. kung magulo ang takbo ng mga bagay bagay sa kanyang utak kagaya ng sinasalamin ng kanyang larawan noon. gusgusin. nanlilimahid sa libag. marusing ang suot na damit. at ilang buwan na, sa hinuha ko, na hindi pa naliligo. hindi ko alam kung nalugi siya sa kanyang negosyo. o iniwan ng kasintahan o asawa o pamilya. hindi ko alam kung nabiktima siya ng mga taong gipit sa pinansya kung kaya't inagawan siya ng kagamitang maaaring maibenta o maisangla o pagkakaperahan upang may maipangpakain sa nagugutom na sikmura ng mga anak at asawa. hindi ko alam kung nabiktima siya ng mga manlolokong nangangakong makapagtatrabaho siya sa ibang bansa at dahil nagbaon sa pagkakautang ay naging palaboy upang takasan ang masaklap na naging kalagayan. hindi ko alam kung inagawan sila ng lupa ng isang ganid na pulitiko o hasyendero sa probinsya nila at dahil lumaban siya'y nadamay ang kanyang mga mahal sa buhay at siya na lang ang nakaligtas kaya ngayon dahil nawala na ang halos lahat lahat sa kanya ay nagpagala gala sa kalsada ng maynila. hindi ko alam kung dahil sa babang na sahod niya at dahil sa hirap ng buhay ay nagkabaon baon sa utang sa dahil sa labis na kahirapan at problemang pasan pasan pinili niya ang lansangan. hindi ko alam. hindi ko alam bakit niya nasabi iyon. ang mga katagang nasaan ang pagmamahal? pero naging makahulugan ang mga kataga niyang binitawan ng mga sandaling iyon. matalinghaga. at kahit magpahanggang ngayon natitigagal ako. may katiting ng diskriminasyon sa isip dahil di makapaniwalang masasambit iyong ng tulad niya ng mga sandaling iyon. hindi ko alam. pero malaki ang naitulong niya sa akin. at sa kabilang banda. naitanong ko din sa aking sarili.

"Nasaan nga ba ang pag-ibig?"

hanggang ngayon. tinatanong ko ito. hindi dahil sa hindi ko pa nahahanap ang aking pagsinta. hindi dahil sa lumisan na itong damdamin halos anim na taon na ang matuling naglakbay. tinatanong ko pa rin ito magpahanggang ngayon. hindi dahil sa wala ako nito ngayon sa burges na pamantayan ng pag-ibig. hindi dahil sa wala akong kahawak kamay sa paglalakad sa pook pasyalan. hindi dahil sa wala akong kahawak kamay sa mga iskinitang dinadaanan. hindi dahil sa wala akong inaalalayan na sinisinta sa paglalakad o pagsampa sa magarang kotse dahil wala ako nito pareho. hindi dahil wala akong kapalitan ng mga mensaheng "ingat ka" o "kumaen ka na ba?" o sinasabihan ng "mahal kita". hindi dahil sa mga ito. subalit tinatanong ko ito hanggang ngayon. dahil hanggang ngayon nalilito. hanggang sa sandaling ito may gulo. medyo.

hanggang ngayon bumabalik ako. doon sa dalampasigan. nagbabaka sakaling magkita kaming muli noong taong gusgusin. baka sakaling makausap ko siya at maitanong kung nahanap na ba niya nasaan ang pag-ibig? baka sakali kasing kung hindi pa niya natatagpuan ang pag-ibig na hinahanap ko rin. at sa tingin ko ng maraming iba pa, matulungan ko siya na mahanap namin. sa nagdaang mga panahon kasi, sinuri ko ang mga bagay, pangyayari, salita, pagkain, lugar, tao, damdamin, at awitin. ang mga likhang sining. baka sakaling mapagtagpi tagpi namin. o baka rin hindi. subalit anu't ano man, mainam na aming sinubukan.

"Nasaan ang pag-ibig?"

nasa sabong ginamit mo. sa usok na ibinubuga ng tambutso ng sasakyan at malalaking 'tsimniya' ng mga pabrika. sa cellphone mo. sa mensaheng "ingat" ng bawat ina sa kanyang asawa at anak. sa nagnakaw ng pitaka noong ale sa palengke. sa mga welga. sa perang binibilang ng mga may ari ng kompanya. sa malamig na kainan ng McDo sa Avenida. sa mga rally sa Mendiola. nasa mga mahihigpit na yakap na madalas kong masilayan sa magkasintahan sa isang sliblib na sulok sa luneta.

naroon sa mga silid aralan. sa mga laboratoryo. sa mga kemikal na pinaghalo halo sa isang test tube at inilagay sa isang test tube rack. naroon sa naglalakihang mga billboard sa EDSA. nakalapat sa mga katagang "ang hinahawakan mo ngayon ay ang kinabukasan ng mundo" na nakasulat sa isang urinal ng MMDA sa kahabaan ng EDSA.

"Nasaan ang pag-ibig?"

marahil naroon din sa isang pagkakataon. o marami. kung saan inaabot ng isang kamay ang bayad ng isang ale upang ipasa sa isa pang kamay. hanggang makarating sa kamay ng tsuper ng dyipni. may pag-ibig doon. marahil.
o kaya sa nasaksihan kung sunog. sa isang squatter's area sa recto. aligaga ang lahat na maapula ang apoy na unti unti ay nginangata ang mga bagay na kakayanin pa ng kanyang sikmura. may pag-ibig doon. marahil. naroon sa pagnanais nilang mapuksa ang apoy. na lalo pang lumalaki at tumutupok ng maraming bagay. naroon sa maingay na serena ng trak ng bumbero na papalakas ng papalakas habang nalalapit sa aking kinatatayuan. may pag-ibig din doon. marahil. at siguro. naroon ang pag-ibig sa mga sigawan at hiyawan. at mga kilos ng paghila sa hose ng tubig. sa pagpapasahan ng mga timba ng tubig at ihahagis ang laman sa apoy na nagpipilit pang lumamon ng mga bagay na kaya nitong pagningasin. naramdaman ko talaga nandoon ang pag-ibig. mainit kasi. naglalagablab. pati ang mga mata ng mga tao nakita ko ang alab. habang ako nasa di kalayuan. nakatunganga. matama silang pinagmamasdan. may pag-ibig din sa ganoon. marahil.

nandoon ito sa kulay itim na t-shirt ng isang dalagang maganda. na nadinig ko mula sa usapan ng dalawang binata na nakasakay ko sa dyipni. chicks daw ang tawag sa kanya. nasa katagang sexy na sinambit ni manong noong makita niya ang isang binibining naglalakad sa kalsada at tila kinulang sa tela ang suot nito't postura. may pag-ibig marahil doon. siguro. kahit katiting. ewan. nasa kulay lilang bestida ni lola. na may desenyo ng mga bulaklak at bilog na kulay dilaw at pula. may pag-ibig doon. ang ganda. nasa kulay tsokolateng sapatos ni kuya. nasa naipit na paa. nandoon sa shades ng isa kong kasama kanina sa panonood ng sine sa may mall doon sa may Ermita. naroon sa mga nagnanais ng kotse at sapatos at damit at laptop na atat na atat ng mabili. nasa mga inuman. at mga birthday party. sa mga swimming at outing upang tanggalin ang pagod ng halos buong panahong pagtatrabaho at pag-aaral. nasa mga sigarilyong nakapakete at hinihithit. nasa mga lighter na pansindi. naroon ang pag-ibig. siguro.

nandoon sa mga pawisang katawan sa pabrika. sa mga katawang madalas ay mag-overtime upang makalaki ng kita subalit ang totoo kakarampot pa din ang matatanggap mula sa mga kapitalistang ganid sa tubo. naroon sa silid na malamig sa makanyang. nasa baril na sukbit sukbit ng mamang pulis na malaki ang tiyan sa kanyang tagiliran at kung makangisi daig pa ang kontrabidang si Paquito Diaz. nasa mainit na singaw ng lupa sa katanghalian. sa alimuom na sumibol mula sa mainit na kalsadang winisikan ng tubig.

nasa mga bote ng alak na tinotoma ng mga lasenggero sa isang kanto ng iskinitang binagtas ko pauwi. naroon sa kanilang pulutang pinagsasaluhan. nasa platito ng mani nilalantakan nila bilang pulutan. natanaw ko din ang pag-ibig. doon sa labada ni nanay Violy. nasa mga hugasing plato at basong inaaway ngayon ni nanay merli. naroon ang pag-ibig. doon sa naghihimas ng manok na si tatay Ben.

"Nasaan ang pag-ibig?"

naroon sa text message na, "mahal kita behbeh koh! :) mwuahh!" at rereplyan naman ng ganito, "mas mahal kita behbeh q! mwah mwah mwah! :* " ng kasintahang ibig iparamdam ang pag-ibig kung ano. samantalang sasandali lamang silang nagkalayo. at mangingiti ka sa kaalamang ito. at maging ikaw na makakabasa nito. naroon ang pag-ibig. siguro.

Nasa bukid na binubungkal upang pagtaniman. Nandoon sa kasamang umakyat sa bundok upang itaas ang antas ng pakikibaka. upang makipamuhay sa mga magsasaka. iniwan ang rangya ng buhay sa maynila. naiwan ang pamilya doon sa lungsod. naiwan ang isang pagsintang nasa murang gulang pa lamang. isang pagsinta na tulad niya ay nakikibaka. nakikibaka subalit may lungkot sa mga mata. ang puso ay may dugong iniluluha.

naroon sa mga buhay na nawala. namatay sa sakit. o pinatay ng mga ganid. nasa mga paglaban at pag-awit. at pagtula at pagsayaw. naroon sa mga pelikulang inabangan at inaabangan. nasa mga linya nina guy at pip noong araw. nasa mga litanya di ngayon nina Dingdong at Marian. at John Lloyd kay Bea. o ni Gerald kay Kim. nasa mga pabangong nakalata. babasaging sisidlan na pagkamahal mahal ng halaga. may pag-ibig sa kanila. marahil
nasa luntiang kabundukan ng cordillera. nasa mga ugat ng puno. sa mga dahon nito't sanga. naroon sa higad na maingat kung gumapang at nanginginain ng dahon. nasa mga mariposang natatangi ang ganda. sa langit na bughaw. sa ulap na kanina ay aking natanaw. naroon sa makulay na bahaghari na gumuhit na parang pagngiti. nasa mga langay-langayan, pipit, at iba pang ibong nagliparan sa himpapawid habang ang iba'y namamahinga sa mga sanga at kawad ng kuryenteng nakabitin sa dalawang tore. naroon sa pagluha ng langit. na sinalo ng lupa at naipon ng bundok subalit hindi niya matanganan lahat kaya may ilog na tinatawag. at siyang bumiibitbit lahat ng tubig at rumaragasa. patungo sa dagat na kay lawak at matalinghaga.

nasa mga dapithapong nahahapo ako sa paglalakad kaya mauupo ako sa bangketa agad gad. habang mamalasin ko ang sandamakmak ng taong naglalakad. at oobserbahan ko ang kanilang mga galaw. ang kanilang mga mukha. ang kanilang buhok. may kalbo. may maikli. may napapanot na parang kandilang naluluoy. nandoon sa mga suot nilang damit. may magara at tingin ko'y mamahalin. nasa tatak ng kanilang suotin. may gawa ni mang karding. at ang iba may maliit na check. nakasando si ate. si lola nakasapal ang makapal na kolorete. nandoon ang pag-ibig. nasa nagtitinda ng dyaryo at kendi. nandoon sa kainan ng kwek-wek at isaw sa hintayan ng dyip sa may pedro gil. may pag-ibig doon sa mga nagkalat na basura. tansan at plastik. sa mga pinturang lumapat sa mga pader at kalsada upang bumuo ng mga mensaheng salita at obrang pinta. naroon sa mga awit ni yoyoy villame. nasa telebisyon at bentilador. na mabilis pa ata ang ikot ng mga disco ball. nasa mga ilaw na mahaharot. nandoon sa perang papel na aking napulot. nasa bente-singko na aking nadampot sa kalsadang medyo nilulumot. nasa camera ng potograper. nasa loob ng computer.


"Nasaan ang pag-ibig?"

huwag itanong kung mayroon ako nito. nasa lahat ng panahon at lugar ito. nasa bulsa mo. nasa likod ng dibdib mo. subalit hindi lamang nananahan sa bagay na nandoon at sing laki ng kamao. pumipintig. tumitibok. nasa hangin. sa lahat ng bagay na pumipintig. o sa walang buhay pero nagagamit. naroon. naroon siguro ang pag-ibig. sa palagay mo?

Huwebes, Mayo 13, 2010

[tumula] hawiin mo ang maitim na usok

Walang komento:
hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
huwag mo lamang basta hintayin ang araw
na punitin ang nakatambing sa iyong ulunan
na tila tumabon na din sa utak na naguguluhan
sa takbo nitong lipunang pinaglalaruan
nilang mga nasa pwesto at kapangyarihan
mga iilan na ganid sa kayamanan at kapangyarihan

hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
sa langit na pinapangarap masilayan sa hapon
at maging sa gabi at sa parating na bukangliwayway
batid mong magandang pagmasdan ang bughaw niyang kulay
kung walang paninimdim na dito'y sasagabal
batid mong kay igaya makita ang palamuti niyang bituin
kung walang nakatabing sa lumuluhang paningin

hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
ang pagdedesisyon ay hindi bukas kung hindi ngayon
maraming dugong dumadanak
kay raming humihiyaw at pangarap na nawawakawak
habang silang nasa malalamig na silid
matigas na ang apog sa pagsasabing
mapayapa ang nagiging daloy ng batis

hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
kung ibig mong malinaw na masilayan ang kinang ng langit
ang bughaw na karagatan ng pangarap at himig
na simula't sapul ay inaaalay na sa bayang iniibig
gawin mo na kung ayaw mong sa trahedya pumanig
at masilayang naglaho na lahat ng buhay at pag-asa
dahil sa paghihintay mo sa araw na sisilay sa parating na umaga

hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
gamit ang tangang sundang at punyal at paltog
hawiin sa pamamgitan ng kamao at mga armas
na hinding- hindi bibitiwan kahit sa oras na mautas
ang buhay na malaon ng inalay sa pinapangarap na bukas
at sa paglalim ng gabi sa ating kinasasadlakan
hayaan mong pumaimbulong ang himig ng paglaban
hayaan mong dumagundong ang tunog ng mga punglo
at magsilbing musika ang palahaw ng mga ganid na damuho

malapit na ang bukangliwayway
kaunting tiis na lamang at atin ng masisilay
sa sandaling nahawi na ang maitim na usok sa ating langit
ngingiti na ang paligid habang lahat ay paglaya ang inaawit

-Image by FlamingText.com

*paltog - baril
punyal - kutsilyong kahalintulad ng kris mula sa mga Maranaw sa mindanao.