Huwebes, Mayo 13, 2010

[tumula] hawiin mo ang maitim na usok

hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
huwag mo lamang basta hintayin ang araw
na punitin ang nakatambing sa iyong ulunan
na tila tumabon na din sa utak na naguguluhan
sa takbo nitong lipunang pinaglalaruan
nilang mga nasa pwesto at kapangyarihan
mga iilan na ganid sa kayamanan at kapangyarihan

hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
sa langit na pinapangarap masilayan sa hapon
at maging sa gabi at sa parating na bukangliwayway
batid mong magandang pagmasdan ang bughaw niyang kulay
kung walang paninimdim na dito'y sasagabal
batid mong kay igaya makita ang palamuti niyang bituin
kung walang nakatabing sa lumuluhang paningin

hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
ang pagdedesisyon ay hindi bukas kung hindi ngayon
maraming dugong dumadanak
kay raming humihiyaw at pangarap na nawawakawak
habang silang nasa malalamig na silid
matigas na ang apog sa pagsasabing
mapayapa ang nagiging daloy ng batis

hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
kung ibig mong malinaw na masilayan ang kinang ng langit
ang bughaw na karagatan ng pangarap at himig
na simula't sapul ay inaaalay na sa bayang iniibig
gawin mo na kung ayaw mong sa trahedya pumanig
at masilayang naglaho na lahat ng buhay at pag-asa
dahil sa paghihintay mo sa araw na sisilay sa parating na umaga

hawiin mo ang maitim na usok na nakalambong
gamit ang tangang sundang at punyal at paltog
hawiin sa pamamgitan ng kamao at mga armas
na hinding- hindi bibitiwan kahit sa oras na mautas
ang buhay na malaon ng inalay sa pinapangarap na bukas
at sa paglalim ng gabi sa ating kinasasadlakan
hayaan mong pumaimbulong ang himig ng paglaban
hayaan mong dumagundong ang tunog ng mga punglo
at magsilbing musika ang palahaw ng mga ganid na damuho

malapit na ang bukangliwayway
kaunting tiis na lamang at atin ng masisilay
sa sandaling nahawi na ang maitim na usok sa ating langit
ngingiti na ang paligid habang lahat ay paglaya ang inaawit

-Image by FlamingText.com

*paltog - baril
punyal - kutsilyong kahalintulad ng kris mula sa mga Maranaw sa mindanao.

Walang komento: