Huwebes, Marso 17, 2011

[piping walang kamay] Panoorin mong maglaro ang mga bata





masdan mo
masdan mo ang ginagawa nila
naghahabulang animo walang problema
may nakahubad ang baro
at walang panyapak sa paa
hindi alintana ang sakit na maaaring makuha
o ang posibilidad na magpakita ang disgrasya
basta unawa nilang ang sandali ay masaya
saka na ang pagod at gutom na sikmura
ang nanlilimahid na katawan at marusing na kamiseta


panoorin mong maglaro ang mga bata
sa kanilang mundo walang puwang ang pangamba
sa kanilang palaruan nananatili ang katinuan
na bawat araw ay dahilan para lumaban
sa laro nilang naghahatid ng tuwa
sa kabila ng lipunang ito na sa kanila'y sakit ang dulot













panoorin mo sila
panoorin mong maglaro ang mga bata

Image by FlamingText.com


ang larawan ay mula sa flickr.com

Huwebes, Marso 3, 2011

[piping walang kamay] bakit may namumundok?



binugbog si ando na magsasaka
iniwan siyang nakahandusay at di na humihinga
maraming nakasaksi noong siya'y pinaslang
ng mga bayaran at bituka'y halang

sa harap mismo ng kanilang tahanan
sa harap mismo ng kanyang pamilya
at noong inireklamo ng mga naulila niya
si congressman at ang mga bataan nito
na siyang responsable sa pagkamatay ni ando

para ba gang dumulog sila sa hangin
hanggang sa kasalukuyan nasa laya ang mga salarin
masaklap pang pati lupa nila kasabay na nahiwalay din
nangyari ito isang dekada na ang dumaang kay tulin

walang mata ang hustisya para sa mga maralita
walang batas na nangangalaga at magpoprotekta
basta ninais ng mga gahamang may pera
parang bolang paglalaruan ang ating hustisya
walang testigong magdidiin sa may sala
kapag nanaig ang pananakot gamit ang pera at bala
ang batas na alam ng mga pulitikong buwaya
at mga ganid na panginoong may lupa

kaya huwag magtaka
kung bakit dumarami ang nagsisiksikan sa maynila
at sa iba pang sentrong lungsod sa buong bansa

ngunit lalo't higit huwag ipagtaka
kung bakit may namumundok para hanapin ang hustisya!


*ang larawan ay obra ni Parts Bagani, isang manggagawang pangkultura mula sa Mindanaw.