binugbog si ando na magsasaka
iniwan siyang nakahandusay at di na humihinga
maraming nakasaksi noong siya'y pinaslang
ng mga bayaran at bituka'y halang
sa harap mismo ng kanilang tahanan
sa harap mismo ng kanyang pamilya
at noong inireklamo ng mga naulila niya
si congressman at ang mga bataan nito
na siyang responsable sa pagkamatay ni ando
para ba gang dumulog sila sa hangin
hanggang sa kasalukuyan nasa laya ang mga salarin
masaklap pang pati lupa nila kasabay na nahiwalay din
nangyari ito isang dekada na ang dumaang kay tulin
walang mata ang hustisya para sa mga maralita
walang batas na nangangalaga at magpoprotekta
basta ninais ng mga gahamang may pera
parang bolang paglalaruan ang ating hustisya
walang testigong magdidiin sa may sala
kapag nanaig ang pananakot gamit ang pera at bala
ang batas na alam ng mga pulitikong buwaya
at mga ganid na panginoong may lupa
kaya huwag magtaka
kung bakit dumarami ang nagsisiksikan sa maynila
at sa iba pang sentrong lungsod sa buong bansa
ngunit lalo't higit huwag ipagtaka
kung bakit may namumundok para hanapin ang hustisya!
*ang larawan ay obra ni Parts Bagani, isang manggagawang pangkultura mula sa Mindanaw.