naghahanap ako ng makakainang karenderya
nagbabakasakali kahit pasado alas-onse na ng gabi
doon na lamang kasi kakasya ang aking pambili
medyo huli na natapos ang isang gawain at nalimot ang sarili
at mauling nagreklamo ang sikmurang kumakalam
humuhiyaw na ang mga bituka sa loob ng aking tiyan
sa aking paglingon-lingon habang naglalakad
hindi nakalagpas sa aking paningin ang pag-usad
nitong isang karitong tulak-tulak ng isang mama
at sa loob nito ang kanyang mag-iina
may sanggol na pumapalahaw sa pag-iyak
kahit sinisikap na patahanin ng susong nakapasak
mula sa inang kung iyong makita labis ang pagkayayat
bumuwelo na si tatay upang iparada sa isang tabi
ang mahabang karitong akin na ring masasabi
tahanang kanilang gamit upang doon iraos ang gabi
at ihimlay ang mga katawang pagal at naghahanap ng garahe
hindi ko maiwasang malungkot at matanong sa sarili
ang mawalan nga kaya ng tahanan ang kanilang pinili?
iyong nakahimpil sa lupa, may bubungan at haligi
may pintuan at bintana at kahit papaano may kisame
bakit nga kaya ganoon ang kanilang sinapit?
sisikapin kong marinig ang kanilang kwento
...sa aking pagbabalik.
hahanap muna ako nang kainang magtatawid
sa gutom na kanina pa inirereklamong mapatid