Linggo, Disyembre 16, 2012

[severino hermoso] rosas

Walang komento:

hindi natin lubos na kilala

ang isa't isa
hindi pa

datapuwa't sapat na ang misteryong iyon
upang yakapin
kahit ang mga tinik
upang tayo'y magkasama
at magsama

at sikaping mabuo
ang isang pagsintang hindi man
matumbasan ang gandang inaalok
ng mga obra ni Amorsolo
o higitan ang mga lumalabang talinghaga
na likha ni Amado
tatangkain pa rin nating gawin
ang natatanging obrang sadyang atin.

namumukod tangi

titingkad ang kariktang angkin
magniningning na animo bituin
tuwing takipsilim
sa tulong ng bawat kahinaan
na ating sisikaping pangibabawan

nakahanda tayong matuto 
sa bawat kakulangan at mali
at hindi tayo natatakot
sa bawat hamong magkatuwang nating susuungin
sa tulong ng sambayanan
sa gitna ng pakikibaka
na naging sangandaan natin
kung saan tayo nagtagpo
ang mga nagmamahal
nating puso.

sapagkat dalisay na damdamin
ang bumubukal sa bawat pagpintig
nitong pagmamahal
na nagmumula

sa nag-iisang

ako
 at
ikaw

magpapatuloy tayo.
magmamahal.


Image by FlamingText.com

*alay ko para sa aking pinakamamahal na si kamz. <3 Para sa ating ika-28 buwan! ;) mahal kita!

+ang larawan ay mula sa webdesignburn.


Sabado, Disyembre 15, 2012

[severino hermoso] huwag mong itali ang mga bulaklak

Walang komento:


hindi ko ibig ikulong yaring pagmamahal ko sa isang kahon
kung saan ipinaloob ang tsokolate upang magmistulang
kumikinang na dyamante sa sandaling ilabas na't
mahagip nitong mga nagkalat na silahis
ang pambalot na palarang nagpakintab sa kulay bughaw

hindi ko ibig igapos yaring pagmamahal
sa isang pumpon ng bulaklak na iaalay sa iyo
upang kahit papaano
pangitiin ang nalulungkot na puso
at palisin ang luhang sa mata mo'y
nakalambong at ibig nang tumulo

aabutan na lamang kita

isang rosas

huwag lamang
igapos ang kahit anong bulaklak
sa isang pumpong pang-alay para sa pagmamahal
pagkat hindi itinatali
ang damdaming dakila at busilak
na mananatili
kahit magwakas na ang ating nobela
sa daigdig na mayroon tayo
sa kasalukuyan

Image by FlamingText.com

*ang larawan ay mula sa THE WONDROUS PICS

Miyerkules, Disyembre 5, 2012

Palayain ang lahat ng Bilanggong Pulitikal!

Walang komento:

Hanga ako sayo.
Sa tatag na ipinamamalas mo.

Di biro ang hapdi
dulot ng pangungulila
lalo’t malayo ang mahal na pamilya
mga kaibigan at kasama

Subalit kinakaya mong lahat
simula’t sapul
Tinitiis ang lumbay na
tila barenang nanunuot

Maghihilom din ang sugat
At higit pa sa kinasasabikang maiinit na yakap
Ang ibig na igawad
At matatanggap

Kapit pa at magpakatatag
Habang patuloy kaming nakikibaka at lumalaban

At ganun din ikaw na patuloy
sa sambayanan naglilingkod
at sa rebolusyon

kahit nasa loob ng piitan.

Kaunti na lang
makakarga mo na’t mahahalikan
ang kasisilang na anak.

[tula] 2012_04_12 

Palayain lahat ng bilanggong pulitikal! 

+ alay ko para sa isang mahusay na kasamahan (waward dionisio) at sa lahat ng political detainee. Isa sa mga Bilanggong Pulitikal na piniit nitong estado dahil lamang sa salang ipaglaban ang karapatan ng mamamayang patuloy na inaapi ng mga nagsasamantalang uri. Kapit lang brad! Kahit nananabik na din kaming makasama ka. Kaunti na lang. Makakasama ka din namin. Bahagi itong tula ng chapbook na "para sa masa" (ikalawang pagtatangka).

Martes, Disyembre 4, 2012

[Jose Maria Sison] Paminsan-minsan Sabik ang Puso sa Mangga

Walang komento:

Paminsan-minsan sabik ang puso
sa mangga kung nariyan ang mansanas
sa init kung nariyan ang ginaw
sa mabundok na kapuluan kung nariyan ang kapatagan
kay layo ng kaib’han sa tahanan
at sa daloy ng mga kaibigan at kamag-anakan.

Ang mga di kinasanayan at kinasasanayang
bagay at lugar na naghuhudyat
sa hapdi ng mga patid na ugnayan
ang mga kawalang dulot ng antala at kaligta.

Direct dialing at fax machine
computer disc at video cassette
mga bisitang lulan ng supersonic jet
ay bigong paglapitin ang agwat
ng mga aral na pagpapamalas
at mga kaalwaan sa tahanan.

May mga kasama at kaibigang
nakakapagpa-ibig sa lupang dinayuhan
subalit sila’y may sariling gawi,
may sariling buhay na di abot ng pang-unawa
at pakialam ng dayuhan.

Silang ibig ipagkait sa distiyero
ang tahanan, mga kaibigan at kamag-anakan
ang buhay, katawan at kalayaan
ay sila ring pinakamaingay;
Na siya raw ay nakalutang
sa dagat matapos siyang hugutin
sa lupang pinag-ugatan.

Ang distiyerong may layunin
ay patuloy na nakikibaka
para sa inang bayan
laban sa nagpalayas sa kanya
ang mga mapagsamantala,
at kahit tiyak na nananahanan
sa kanyang bayan at sandaigdigan.


*Distiyero - (exile sa ingles) malayo sa sariling tahanan o bayan dahil sa hindi pinahihintulutan umuwi o bumalik o dahil may banta sa seguridad o buhay sa sandaling bumalik.

[Maria baleriz Liwanag] Kondominyum

Walang komento:

Matitikas ang tindig ng mga gusali.
Nagyayabang sa tayog at kariktan
doon sa katabing lote na kinatitirikan
ng mga barung-barong ng karukhaan

Napakaraming kondominyum na ang naitayo.
Marami pa ding bakanteng mga pinto
habang sa ilalim ng mga tulay at tabing estero
nagsisiksikang daig pa ang mga sardinas sa lata
itong karamihan sa ating inaapi ng sistema.

Mga tinawag ng lipunan

maralita.


Image by FlamingText.com



Sabado, Disyembre 1, 2012

[piping walang kamay] May luhang sumalubong sa pagdating mo Disyembre

Walang komento:

sa mga sandaling ito ng taon na kumukupas
ang init na bihis nitong hangin kanya nang hinubad
at buong higpit lamig ang niyayakap
nanunuot sa bawat himaymay ng kaibuturan

habang dahil sa isang biglaan paglisan
ang nadaramang sakit hinuhubad ko naman
kasabay ng bawat luhang dati'y nabigo
walang kamay mo ngayon upang magsilbi kong panyo

kailangan kong itulak ang bawat paghakbang
buhatin ang bigat makasulong lamang
sapagkat batid kong kung narito ka rin lang
hindi mo nanaising sa pagdurusa ako madarang

malaya man itong puso na umiyak
sapagkat wala ang labi mong magpapatahan
titiisin kong walang hibik na marinig
kahit paghihirap na ang dinaraing ng isip

sapat na bang luha ang magpaliwanag
sa kung sino man yaong naghahanap?

sapat na bang luha ang magsumbong
noong paglisan ang piniling isalubong

sa hinihintay na Disyembre?


Image by FlamingText.com

*ang larawan ay mula sa  flickr