Paminsan-minsan sabik ang puso
sa mangga kung nariyan ang mansanas
sa init kung nariyan ang ginaw
sa mabundok na kapuluan kung nariyan ang kapatagan
kay layo ng kaib’han sa tahanan
at sa daloy ng mga kaibigan at kamag-anakan.
Ang mga di kinasanayan at kinasasanayang
bagay at lugar na naghuhudyat
sa hapdi ng mga patid na ugnayan
ang mga kawalang dulot ng antala at kaligta.
Direct dialing at fax machine
computer disc at video cassette
mga bisitang lulan ng supersonic jet
ay bigong paglapitin ang agwat
ng mga aral na pagpapamalas
at mga kaalwaan sa tahanan.
May mga kasama at kaibigang
nakakapagpa-ibig sa lupang dinayuhan
subalit sila’y may sariling gawi,
may sariling buhay na di abot ng pang-unawa
at pakialam ng dayuhan.
Silang ibig ipagkait sa distiyero
ang tahanan, mga kaibigan at kamag-anakan
ang buhay, katawan at kalayaan
ay sila ring pinakamaingay;
Na siya raw ay nakalutang
sa dagat matapos siyang hugutin
sa lupang pinag-ugatan.
Ang distiyerong may layunin
ay patuloy na nakikibaka
para sa inang bayan
laban sa nagpalayas sa kanya
ang mga mapagsamantala,
at kahit tiyak na nananahanan
sa kanyang bayan at sandaigdigan.
*Distiyero - (exile sa ingles) malayo sa sariling tahanan o bayan dahil sa hindi pinahihintulutan umuwi o bumalik o dahil may banta sa seguridad o buhay sa sandaling bumalik.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento