*Kaarawan mo noong ika-25 ng Pebrero kaya bilang pagpupugay at patuloy na panawagan para sa paglaya ng mga tulad mong political detainee! allay ko sa iyo maricon 'freedom' montajes
iniisip ko
kailan tayo unang nagkita
saan at paano nagkakilala?
ang alam ko hindi naman ganoon kaluma
tulad ng nagdaang isang dekada
yaong pagitan noong unang magtagpo
ang letratistang tila tinotono
ang hawak hawak na camera
na may pinipihit sa bilugang lenteng pangkuha
nitong mga lungkot at pighati
mga luha at pagdurusa
mga ngiti at pagtawa
sa hanay ng masa
isang babaeng nasa katanghalian ng kanyang pagkatao
at animo ikinakasa ang gamit na camera
matapos ang bawat obrang kuha
sa bawat galaw ng pagsasamantala
at paglaban
may ngiti sa mga mata
hindi iyon halos nawawala
at lumuluha ang mga labi
na tila nagmamakaawa
ikaw nga
ang tila kumukupas na talinghaga
subalit nananatiling sariwa
tulad ng mga kuha mong larawan
at obrang tila ikinulong sa kwadra
ang bawat metapora
sa hanay ng nagmamadaling paligid
na tila ayaw man lang mahiga saglit
upang magpahinga o umidlip
kung ang bawat pagkakakilala
nag iiwan ng tatak
sa gunita ko'y nag iwan ka ng pilat
gamit ang masiyahin mong imahe
makulit na pagkilos na di mo aakalain
maricon hayaan mong palayain
ka namin
sa aming mga awit at tugma
sa bawat bibigkasing mga kataga
hindi kami magsasawalang bahala
uusigin nitong aming bawat letra
bawat naming panulat
bawat namin larawang kuha
yaong mga may sala
yaong sa atin ay patuloy na nagsasamantala
hanggang ikaw at ang maraming
iba pang detinidong pulitikal
makalaya na sa karsel na sa inyo'y pinaglagyan
maglalagablab ang mga larawan
paglaya ang isinisigaw
tulad ng mga kuha mo
kahit sa loob ng kwartel
lumalaban!
*makikita din ito sa facebook