mahal ko siya
kagaya ng pagmamahal ko sa iyo
mahal ko siya tulad ng pagmamahal ko
sa aking ina't ama
sa aking mga kapatid
nauuso din sa pagitan namin ang tampo
at minsan para kaming nasa magkalapit na bundok
na kailangang bumulyaw
upang ipaabot ang nais ipaalam
kahit pa nga halos isang dipa lang ang aming pagitan
minsan para kaming mga bata
nagmamaktol kapag di napagbigyan
sisimangot ang mukha na tila nilukot
di bibigkas kahit isang kataga
kapag naiinis di maipinta ang mukha
at hahantong ito sa ilang araw na walang 'Hoy!' ni 'Hi!'
nagtatalo kami sa maliliit na bagay
at tatagal ng ilang araw
pero tulad ng sugat
maghihilom
madalas ang gamot talaga: pag-uusap
at ang pagpapakumababa't pang-unawa
mabisang panlunas sa pusong may hinanakit
at tampong binabata
minsan kahit walang paliwanag na mamagitan
parang walang digmang nagdaan sa aming pagitan
sapat na ang isang yakap o halik sa noo
o kaya ang isang taus-pusong paumanhin
at ang pader na dadaigin ang Great Wall ng Tsina
na nakapagitan sa amin ng ilang araw
malulusaw
tumpak talaga ang tinuran
ng dakilang makata na si Mulong**
napopoot tayo pagkat nagmamahal
minsan halos humantong sa paghihiwalay
yaong maliit na pagtatampuhan at away
pero kapag dumating ang ganoong bagay
payong kasama at kaibigan
huwag kalimutang kumalma at maging matatag
at balikan ang simula ng lahat
kung paanong sumibol ang relasyong inyong pinanday
sa pamamagitan ng awit at kilig at paglalakbay
kasama ang sambayanang pinaglilingkuran
kung saan nalipos ang inyong paligid
ng musika, at kariktan at paglaban
kung saan hinubog ninyo ang love story na kayang higitan
ang mga ipinapalabas sa mga pinilakang tabing
mahal ko siya
kagaya ng pagmamahal ko sa iyo
kagaya ng aking pagmamahal
sa pakikibaka para sa paglaya
**Ang palayaw na Mulong ay bansag sa makatang si Romulo Sandoval.
ang larawan ay mula sa Redbubble.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento