Linggo, Setyembre 29, 2013

[severino hermoso] rurok

Walang komento:
ipakita mo sa akin
kung gaano katayog
ang pagsintang
iyong hinahandog
at aking ipadarama
ang kaibuturang di
kailanman maaarok
nino man kundi
ikaw lamang irog

sinong nagbanggit
na ukol lamang sa
rurok ang langit
gayong ito ay may
kinikilalang lalim


pag-ibig...

Image by FlamingText.com


severino hermoso | rurok | ©2013

[maria baleriz liwanag] bayan

Walang komento:
bayan

kapag yaong sandali dumating
at ako'y tanungin

gaano kita iniibig?

sukdulang ang mga luha
maglayas mula sa aking mga mata

at lipulin-lunurin
silang may dahilan ng ating mga hilahil

hanggang tumakas mula sa mga salarin
ang mga humihiyaw na tinig
na nagpapahayag na sa tapang nilang manlupig
sila na ay nagtataksil 

huli na ngunit
talas ng ating mga busog
talim ng ating mga gulok
liksi ng ating mga punglo
ang sa kanilang kabuktutan
papaslang at uusig 

Image by FlamingText.com


maria baleriz liwanag | bayan | ©2013


Miyerkules, Setyembre 25, 2013

Ang Kilometer 64

Walang komento:


Ang Kilometer 64 ay isang ugnayan ng mga makata at ng mga may natatanging hilig sa tula, na ang karamihan sa mga kasapi ay nasa Pilipinas ngunit may ilan din namang nasa ibang bansa. Nabuo ito noong Marso 14, 2003.

Bakit Kilometer 64? Sa Ingles, kung dadaglatin, ang Kilometer ay nagiging Km, at ang Kilometer 64 ay kumukuha ng inspirasyon sa organisasyong Kabataang Makabayan (KM) na itinatag noong 1964.

Bilang isang organisasyong isa sa mga nilayon ay ang pagpapalaganap ng kultura ng patriotismo, ang KM ay humango ng aral mula sa kasaysayan ng bayang Pilipino at sa mga buhay at nagawa ng mga personalidad na nag-ambag nang malaki sa pagsulong nito – kabilang ang premyadong makatang si Amado V. Hernandez.

Sa mga panahong ito ng pagsubok – na inilalarawan ng marami sa mga komentaristang panlipunan sa akademya man o pabatirang madla bilang isa ring panahon ng paghahanap ng katuturan, naniniwala ang Kilometer 64 na malaki ang magiging kapakinabangan ng pagpapatuloy ng KM matapos itong ideklarang iligal nang ipataw ang batas militar noong 1972.

Hangad ng Kilometer 64 na mapalaganap ang pag-ibig sa bayan at sa kapwa, na itinatanghal maging sa mga aklat-araling pinopondohan ng pamahalaan. Ginagawa ito ng Kilometer 64 sa pamamagitan ng paglikha at pamamahagi ng panulaang nagsusulong ng pagpapahalagang ito.

Naipamamahagi ng Kilometer 64 ang mga akda nito hindi lamang sa pamamagitan ng paglalathala ng mga koleksiyon, kundi maging sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga poetry reading sa mga bar at paaralan, at maging sa mga piketlayn, sa lansangan at sa mga maralitang komunidad.

Itinuturing na mahalagang bahagi sa kasaysayan ng Kilometer 64 ang pagkakalathala ng 40: Mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan. Inilunsad sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) noong Nobyembre 2004, natitipon sa aklat na ito ang mga tula mula sa 40 makata na nagpupugay sa yumaong mga kabataang bayani ng patuloy na pagsisikap ng sambayanan na maitatag ang tunay na soberanya, katarungan, at mabuting pamamahala sa bansa. Nagsilbi itong ambag ng Kilometer 64 sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng KM noong Nobyembre 30, 2004.

Tagapagtatag: Rustum Casia
Pangkalahatang Kalihim: Alexander Martin Remollino

Maaari din ninyong bisitahin dito ang blog ng KM 64. Ang larawan ay mula sa facebook ng KM 64.

[maria baleriz liwanag] para ho

Walang komento:


pinili ko ang likuran
at doon maingat na naupo

pumuwesto na nakatanaw sa may bintana
upang matanaw ng pagod na mga mata
ang hitsura ng abalang paligid
habang lulan ako ng pampasaherong dyip

maya-maya
kinapa ang aking bulsa
hanap ang kalupi ng mga barya

kinuha ko at binuksan
matamang binilang
mga mamerang iniingatan

hinugot ang mga mamiso kapagdaka
nakisuyong pakiabot ang pamasaheng pera
doon sa tsuper ng dyip na sa ami'y may dala

nagpasalamat ako

at paglipas ng mga ilang minuto
nagsalita ako

ang lakas ay sapat upang marinig hanggang dulo
kung nasaan ang maingat na nagmamaneho.

"Para ho."


Image by FlamingText.com


maria baleriz liwanag | Para ho | ©2013


*Ang larawan ay mula sa Mindanao Bob

Martes, Setyembre 24, 2013

[maria baleriz liwanag] nauulit ang propesiya

Walang komento:

naglabas ng milyon-milyong pondo
itong magaling na gobyerno
upang ihasik sa Zamboanga ang impyerno

kaliwa't kanang bomba at punglo
lumilipad sa kung saan-saang dako
upang mailunsad ang digmaang moro-moro

kapag sibilyan ang natamaan
isisisi sa mga rebeldeng kalaban
ang sala sa mga balang naligaw

o kaya collateral damage ang sigaw
ng mga bayarang berdugong dumayo pa sa Mindanaw
para bigyang katuwiran ang kanilang kainutilan

at upang pagtakpan ang pork barrel scam
ng mga amo nilang daig pa ang mga baboy at halimaw


Image by FlamingText.com

nauulit ang propisiya | maria baleriz liwanag | ©2013

Lunes, Setyembre 23, 2013

[piping walang kamay] sariling piring

Walang komento:


hindi maikukubli
ng piring sa mga mata
ang pagkalam ng maraming sikmura

hindi kayang pagtakpan
ng piring sa mga mata
ang laksang biktima ng pagsasamantala
nitong iilang nabubuhay sa buwis
ng mga nagbubuwis ng buhay
sa paghahanapbuhay

higit pa

hindi maikukubli
ang laganap na pagdurusa
ng mga mamamayan
sa paligid
kung wala namang talagang piring
simula't sapul pa

madalas
hinahayaan nating piringan tayo
ng ating mga naririnig at nakikita

kahit iba ang ating nararamdaman at naamoy
sa ating paligid

dahil sa kagagawan ng mga ganid.

may sarili piring kang pinahintulutan mong ikabit

Image by FlamingText.com






[piping walang kamay] hanggang sa muli

Walang komento:
uunahan ko ang taglagas

ako ang magtataliba sa landas
na tatahakin ngunit umiiwas

magpapaalam akong maaga
sa bukangliwayway 
upang hindi nila ako makita

tutal ako lamang mag-isa
at walang ibang tutudla

mahal kaya kita noon
pero kailangan ngayon
na maghiwalay
ang ating mga hakbang

may kaharap tayong sangangdaan
at may kailangan akong iwan

walang luhang dapat mamagitan
walang lungkot na dapat masilayan

pagkalugod ang aking paalam
at kung magkita tayo doon sa kung saan

muli mahigpit  kitang yayakapin
at pasasalamat ang ipababatid

hanggang sa muli
mga talinghaga at titik

sa aking pagharap sa pilapil
na naghihintay sa akin

pigil ko ang pagdaloy ng sakit
na sa mga mata lilisan

hanggang sa muli

hanggang sa muli


Image by FlamingText.com


hanggang sa muli  |  piping walang kamay  | ©2013

Biyernes, Setyembre 20, 2013

[severino hermoso] Maulan ang Setyembre Patria

Walang komento:
malakas ang buhos ng ulan
at marahas itong hangin sa paghampas

naaalala kita



habang pinipilit
butasin tula nitong
nagtutulong na ulan
at hangin
yaring bubungan at bintana
ng sasakyang ako ang lulan
at ang iba pang pasaherong
nasasabik nang makapiling
ang kanilang tahanan

naalala kita

ikaw na aking sinisinta

ikaw na katabi ko
lang kanina

at nagpalitan ng mainit na
pagmamahal ang
mga labi
bago maghiwalay
upang tunguhin
kapwa ang ating
panaginip

ika-37 buwan na
natin.

pag-ibig.


Image by FlamingText.com

Maulan ang  Setyembre, Patria  |  Severino Hermoso  | ©2013


*Ang larawan ay mula sa Impetuous of Insights.


Huwebes, Setyembre 19, 2013

[piping walang kamay] "piring"

Walang komento:


Mahirap gisingin ang nagtutulog-tulugan.

Mahirap makaunawa ang nagbibingi-bingihan.

Mahirap imulat ang nagbubulag-bulagan.


"piring"  |   ©2013

Image by FlamingText.com

*ang larawan ay mula kay monk41

Lunes, Setyembre 16, 2013

[Andres Bonifacio] Ang mga Cazadores

Walang komento:


Ang mga Cazadores
ni Gat Andres Bonifacio

Mga kasadores dito ay padala
Sanhi daw sa gulo’y lilipulin nila
Ngunit hindi laban yaong kinikita
Kundi ang mang-umit ng manok at baka.
Yaong mga bayang sa tahimik kanlong
Sa mga Kastila’y siyang hinahayon,
Ang bawat makita nilang nilalamon
Pinag-aagawan dahilan sa gutom.
Buong kabahayan ay sinasaliksik,
Pilak na makita sa bulsa ang silid;
Gayon ang alahas at piniling damit
Katulad ay sisiw sa limbas dinagit.
Sa mga babae na matatagpuan
Mga unang bati’y ang gawang mahalay;
Kamuntikan man lamang di nagpipitagan
Sa puring malinis na iniingatan.
At ang mga lakong kamatis [at] pakwan,
Milon, at iba pang pinamuhunanan
Walang nalabi sa pag-aagawan
Ng mga Kastila kung matatagpuan.
Lahat ng makita nilang maggagatas
Agad haharangin, dada’nin sa bulas,
Tuloy lalaklakin ng mga dulingas
Anupa nga’t wala nang pinalalampas.
Ngalang “cazadores” hindi nararapat
Kundi “sacadores” ang ukol itawag;
Bakit sa [tagaa’y] malayo at agwat
Mandi’y halataing matakaw at duwag.

Martes, Setyembre 10, 2013

[maria baleriz liwanag] 10piso

Walang komento:


Umaabot na sa mahigit isang libo
Ang arawang gastos ng pamilyang Pilipino

Ang minimum na sahod ng isang obrero
Abot lang ng apat na raan limampu't anim na piso

Bakit nga ba hinahayaan ito ng mga pulitiko?

Kapakanan ba ng nakararami ang pinupuno
O bulsa ng iilan ang kanilang sinisigurado?


Image by FlamingText.com

Itaas ang Sahod Php125 across the board!
Ibasura ang Pork Barrel! Ilaan ito sa Serbisyong Panlipunan!

Lunes, Setyembre 9, 2013

[piping walang kamay] dagdag sahod: 10 piso

Walang komento:
sampung pisong idadagdag sa sahod
di pa malaman kailan ipapamudmod?

pinapaasa sa limos na barya
ginagawang pulubi ang mga manggagawa

habang may mga pulitikong tila bampira
nabubuhay sa buwis ng mga gumagawa

mayroon pa ngang nagregalo ng mga paper bag
at ang laman milyong galing sa kaban ng bayan?

tapos sa taas nitong mga bilihan ang mga dakilang obrero
sampung piso lang ang mapapalang dagdag sa omento?

isang malaking insulto!


Image by FlamingText.com


Makabuluhang dagdag sahod Ipatupad! 
Php125 across the board wage increase!
Tutulan ang kontraktuwalisasyon!
Presyo, Ibaba! Sahod Itaas!

Sabado, Setyembre 7, 2013

[severino hermoso] sa mga may crush, huwag tutularan si Huwan Tamad

Walang komento:
kung ikaw ang pangarap na pagmamahal
at kapara mo'y bunga sa puno ng bayabas
hindi ko tutularan si Huwan Tamad
na aasang mahulog ka sa aking paghihintay

gagawa ako ng paraan upang ika'y mahulog
sa wagas na pagsintang aking dinudulog
kahit mangyaring mundo mo'y yanigin
gaano man kataas akin kang susungkitin

lahat lahat magagawa ko man din
o kahit pa ang ikaw ay akyatin

dahil hindi hinihintay ang pagsinta
upang makamit pagkilos ang ginagawa



Image by FlamingText.com

Biyernes, Setyembre 6, 2013

[maria baleriz liwanag] Air Strike noong agosto 30, 2013 sa Sagada

Walang komento:
sa sinapupunan mo nakahimlay ang pinto ng langit
datapuwat may mga demonyong gawi'y maghasik

pinasakay sa dalawang helicopter ang kanyang mga bubuwit
at binomba nang binomba ang kapanatagang inyong sinusulit

nawasak ang kariktang pinakaiingatan
ginambala ang panatag na pamayanan

sinalaula nitong tuwid na pamahalaan
na tagapamandila tunay ng kabuktutan

anong batas ng tao ang nagbigay sa kanila ng karapatan
upang manira ng mga bagay at kabuhayan nino man?

saan banda? saan banda makikita rito sa tuwid na daan
na ang paggalang sa karapatang pantao ang kinikilingan?

kayong mga berdugong pulis at militar
kayong mga buwaya sa tubo at kapangyarihan
kayong mga buwayang nabibihisan
ng mga barong at amerikanang
mula sa pagnanakaw ninyo sa mamamayan

kulang pa itong mga salitang bibitawan
kung maaari lamang isa-isa kayong gilitan

sana magagawa iyon nitong mga salita:

mga wala kayong konsensya!






Image by FlamingText.com

[severino hermoso] bye

Walang komento:


at higit ang lumbay na sinulat sa puso

noong lumisan sila di na kita makakatagpo

wala na akong makakayakap sa tuwina

at sa panaginip na lang kita makakasama

sa alaala na lamang kita makakasayaw

sa alaala rin sabay nating sinuong ang araw

sa alaala rin ako magbabalik-tanaw

kung saan ganap ang ako at ikaw



Image by FlamingText.com

Huwebes, Setyembre 5, 2013

[piping walang kamay] ulan

Walang komento:
para kang ulan sa tag araw
pag nagtago na ang araw
hindi na masilayan

tulad mo'y araw na sinusuyo ang buwan
pag-asa ang bawat bukangliwayway
kung saan halik mo na inaalay
kasama ng hangin matatagpuan

doon ka matiyagang naghihintay
sa pagsapit ng dapithapon

habang itong buwan na nag-aalinlangan
masugid mong inaabangan

kay raming pusong lumuluha sa parang
umaasa sa isang pagmamahal

tulad ng ulan
tulad ng ulan



Image by FlamingText.com

[piping walang kamay] umuulan din ng korapsyon sa tuwid na daan

Walang komento:

dumating itong ulan na hindi nag-iisa
kasama niya'y hanging tila nagwawala
hinalungkat lahat ng dako at pagitan
binasa ang nakatabing at di natatabingan

hindi naman biglaan ang kanyang pagpunta
ipinamalita ito ng mga tinawag na dalubhasa
malungkot na sa dinamidaming beses na pagpunta
lagi't-laging may nawawala at nabibiktima

kung alisin na lahat ng pork barrel at iba pa nitong porma
ideretso na sa pondong pampagawa sa lahat ng ahensya
upang sa bawat pag-ulan maiwasan ang mga buhay sa pagkawala
at nang hindi na napupunta sa mga bulsang pinagpala
higit na mainam kaya?

dito sa tuwid na daan
di lang umuulan ng korapsyon
bumabaha pa sa konsumisyon



Image by FlamingText.com

Martes, Setyembre 3, 2013

[severino hermoso] tungkol sayo

Walang komento:

may gusto kang ibukas sa akin
ngunit hirap ang puso na sabihin

kaya ang nagsambit ng iyong damdamin
yaong mga matang naging iyakin

habang ang bibig mo't tinig
tila nalunok at tuluyang naumid

madalas kitang naaalala
higit tuwing ulan ang bibisita

palagi
mag-iingat ka

paki-ingatan rin sana
ang ating mga alaala


tungkol sayo | severino hermoso



Image by FlamingText.com