Miyerkules, Setyembre 25, 2013

Ang Kilometer 64



Ang Kilometer 64 ay isang ugnayan ng mga makata at ng mga may natatanging hilig sa tula, na ang karamihan sa mga kasapi ay nasa Pilipinas ngunit may ilan din namang nasa ibang bansa. Nabuo ito noong Marso 14, 2003.

Bakit Kilometer 64? Sa Ingles, kung dadaglatin, ang Kilometer ay nagiging Km, at ang Kilometer 64 ay kumukuha ng inspirasyon sa organisasyong Kabataang Makabayan (KM) na itinatag noong 1964.

Bilang isang organisasyong isa sa mga nilayon ay ang pagpapalaganap ng kultura ng patriotismo, ang KM ay humango ng aral mula sa kasaysayan ng bayang Pilipino at sa mga buhay at nagawa ng mga personalidad na nag-ambag nang malaki sa pagsulong nito – kabilang ang premyadong makatang si Amado V. Hernandez.

Sa mga panahong ito ng pagsubok – na inilalarawan ng marami sa mga komentaristang panlipunan sa akademya man o pabatirang madla bilang isa ring panahon ng paghahanap ng katuturan, naniniwala ang Kilometer 64 na malaki ang magiging kapakinabangan ng pagpapatuloy ng KM matapos itong ideklarang iligal nang ipataw ang batas militar noong 1972.

Hangad ng Kilometer 64 na mapalaganap ang pag-ibig sa bayan at sa kapwa, na itinatanghal maging sa mga aklat-araling pinopondohan ng pamahalaan. Ginagawa ito ng Kilometer 64 sa pamamagitan ng paglikha at pamamahagi ng panulaang nagsusulong ng pagpapahalagang ito.

Naipamamahagi ng Kilometer 64 ang mga akda nito hindi lamang sa pamamagitan ng paglalathala ng mga koleksiyon, kundi maging sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga poetry reading sa mga bar at paaralan, at maging sa mga piketlayn, sa lansangan at sa mga maralitang komunidad.

Itinuturing na mahalagang bahagi sa kasaysayan ng Kilometer 64 ang pagkakalathala ng 40: Mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan. Inilunsad sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) noong Nobyembre 2004, natitipon sa aklat na ito ang mga tula mula sa 40 makata na nagpupugay sa yumaong mga kabataang bayani ng patuloy na pagsisikap ng sambayanan na maitatag ang tunay na soberanya, katarungan, at mabuting pamamahala sa bansa. Nagsilbi itong ambag ng Kilometer 64 sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng KM noong Nobyembre 30, 2004.

Tagapagtatag: Rustum Casia
Pangkalahatang Kalihim: Alexander Martin Remollino

Maaari din ninyong bisitahin dito ang blog ng KM 64. Ang larawan ay mula sa facebook ng KM 64.

Walang komento: