Miyerkules, Pebrero 12, 2014

[severino hermoso] pag-ibig

Walang komento:


itong puwang ay pagmamahal

ikaw na ang bahalang maglagay ng tugma
o maglakip ng kahulugan
at talinghagang napupusuan

iguhit mo gamit ang panulat
o kahit anong pangkulay

ihalintulad mo sa bukangliwayway
o sa paglubog ng araw tuwing dapithapon
o sa kariktan ng mga bituin at buwan
kapag takipsiim

isalarawan mo parang magkasintahang nag aaway
o iyong pagtitiis na magmahal kahit nasasaktan
parang sugat na pinatakan ng dayap
o ang sambayanang lumalaban para wakasan
ang pagsasamantala
at likhain ang isang lipunang makatarungan

isulat mo o iguhit
kahit ano pang naiisip
tungkol sa pag-ibig


May2012  | Image by FlamingText.com

Lunes, Pebrero 10, 2014

[severino hermoso] Love Letter para kay Luisita

Walang komento:
hindi ito ordinaryong tula ng pag-ibig

Hindi ito magiging dahilan ng kilig
ng iyong iniirog na pangarap mapa-ibig 

hindi ito magiging dahilan ng pagluha
dahil sa labis na tuwa ng iyong sinisinta
sapagkat napakatamis sa puso ang mga tugma

hindi ito magiging dahilan ng pagbagal
ng mga galaw sa paligid ng bawat tagpuan
o paghinto bigla ng oras habang
sinasambit mo sa kanya'y pagmamahal

subalit tugmaan ito ng mga talinghagang nagmamahal
kaiba lamang sa pangarap mong makamtan
hindi ang pinipintakasing nilalangang
pag-aalayan ng mga paglaban

tutulayin nito ang mga pilapil
sa tulong ng iyong pag-ibig
para wakasan ang hilahil
ng mga magsasakang patuloy nilang sinisiil

sisikapin nitong bakbakin ang tinutungtungang lupa
ng mga bayarang berdugong bantay sa kinakamkam na Luisita

paluhurin natin sa asin itong mga daig-pa-ang-halimaw na pamilya ni Kristeta
isama na rin natin siya
pati na ang baliw niyang kuya
wala tayong ititira
sa kanilang mga nagsasamantala

hindi ito ordinaryong tula ng pag-ibig

at alay ko ito para sa paglaya ng mga magbubukid

pagtulungan natin
awitin ito sa lahat ng panig

upang maigapos natin ang mga naniniil
at ang mga katawan nila lalatayan natin

gamit ang tugma at pag-ibig
hustisya para sa magsasaka ating kakamtin

Linggo, Pebrero 9, 2014

[maria baleriz liwanag] sa bukid

Walang komento:
Anong malupit na dahilan
ang pumilit sa isang paslit
upang ang pakikipaglaro'y ipagpalit
sa pagbabanat ng buto dito sa bukid

hindi mo man lang ba naitanong kung bakit
imbes na dala'y kwaderno aklat pambura at lapis
asarol itak at karit ang kanilang bitbit

inalam mo ba ang dahilan ng iyong pagtataka
na imbes ang kanilang tinutuklas
matuto sa eskwela
kanilang hinahanap panlaman sa sikmura

sa halip na dumagdag sa mga umuusig
bakit di ka sumama na wakasan itong sakit
na dulot ng mga iilang sa yaman ay napakaganid?


Image by FlamingText.com




Huwebes, Pebrero 6, 2014

[severino hermoso] ako ang iyong 'date'

Walang komento:
batid ko
hindi ka kailanman sa akin
kundi sa daigdig
sa kalikasan na nagluwal sa iyo
dahil sa pag-ibig

sa lipunang humubog sa iyo
kung ano ka dati at sa kasalukuyan
at huhubog sa iyo sa kung
magiging ano ka bukas

ngunit
mahal kita
pinaka-iibig

hindi ko lamang kayang patunayan ito
ng Ghiradeli chocolate o Ferrero  
at hindi rin kasi ako mahusay magregalo
di ko nga kayang tantsahin ang sukat mo
para makabili ng damit pangregalo

hindi ko kayang ipangako ang iPhone
o pumpon ng mamahaling rose
kahit ang magarang candle light dinner
at ang happily ever after

pero sigurado ako
wala man ang mga bagay na kinahuhumalingan
ng mga kababaihan sa kasalukuyan
hindi magmamaliw ang aking pagmamahal

kaya ko lang panghawakan
hanggang sa lagutan ako ng hininga
kasama akong makikibaka
para sa katarungang pangarap ng bawat bata
at magkasama tayo
sa relasyon man natin mamagitan ang bagyo

mahal kita at sa mga susunod pang
valentine
pangako
ako ang iyong date
umulan man o umaraw

at iyong bilog para sa palasingsingan mo?
hindi ko maipapangako

pero sigurado ako
ibig kong makasal tayo

at ito lang ang pagpipilian mo.


severino hermoso | Pebrero2014
Image by FlamingText.com

ang larawan ay mula sa hdyoung