ang mga halaman dito
at damo at puno
parang mga batang naglalaro
hindi magkandatuto
kung paano
babatiin akong estranghero
na manghang-mangha
sa kagandahan ng kanilang anyo
na pinatingkad ng mga puno ng Pino
akala mo may mga facebook
at tumblr at twitter
hindi magkamayaw sa pagharap sa akin
na tila baga maingay na sinasabing
sa internet kapag aking ipinaskil
ang kanilang mga larawan
pag-tag sa kanila huwag na huwag kong kalimutan
hindi ko lamang masambit
sa mga puno ng saleng
at ang mga halamang nakalimutan kong kilalanin
nalimot ko ang camera na dalhin
ngunit sisikapin ko pa rin
iguhit ang kagandahang kanilang angkin
ang tikas ng kabundukang kanila man din
at karga-karga silang maririkit
subalit pilit sinisira ng pagmimina
at logging
sinisikap sirain ng mga nasa gobyerno
at mga kapitalistang ganid sa tubo
sisikapin kong iguhit ang kanilang ganda
gamit ang mga kataga
batid kong hindi lang nila nais makita
ng karamihan ang kagandahan mayroon sila
kundi ang hiyaw ng tahimik nilang protesta
sisikapin kong bigyang hustisya
ang kanilang mga panawagan
pero sa susunod hindi ko na kakalimutan
na dalhin ang camera upang kunan sila ng larawan
"Cordillera" | Piping Walang Kamay | ©2014
Ang larawan ay mula kay Arthur L. Allad-iw, Northern Dispatch
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento