Biyernes, Disyembre 4, 2015

Ang Panalangin ay para lang sa Paris

Walang komento:
A River of blood in Syria but no one cares because it's not Paris 
Dumanak ang dugo sa Syria nagmistulang ilog na pula. Mga musmos na inalisan ng karapatang huminga. Mga batang walang muwang pero nadamay sa ganting dahas. Maraming sugatan mga gusaling nabuwal mga bubog na nagkalat mga pader na nagkapira-piraso kahit pook dalanginan at mga ospital binomba at halos maabo. Walang pumansin. Walang umusal ng panalangin walang kulay ng bandilang ipinaskil sa facebook man o twitter. Dito man sa sariling bayan. Halos walang pumansin noong paslangin ang ilang Lumad at kanilang mga lider. Dahil sa karahasan ang mga kapatid nating lumad napilitang magsilikas. Dumadanak ang dugo doon sa lupang pangako pero walang malasakit at panalangin man lang ang karamihan lalo itong pamahalaan. Mas abala sila pag-estima sa mga dayuhan na dadalo sa maluhong pulong sa Kamaynilaan. Palibhasa kasi ang Syria at ang bayan natin hindi naman syudad ng Paris. Kaya ang krimen sa atin walang panalangin
para lang ito sa Paris.

"Pray for Paris" | PWK©2015

Ang larawan ay mula kay
Sam Maxwell.

Image by FlamingText.com

Linggo, Agosto 9, 2015

Salin: Ngayong Gabi Isusulat Ko

Walang komento:
Ngayong Gabi Isusulat Ko
-Pablo Neruda
(Salin ni Severino Hermoso)


Ngayong gabi isusulat ko ang pinakamalulungkot na tugma.

Isusulat, halimbawa, ‘Ang gabi ay maningning
at ang mga bughaw na bituin sa malayo ay nilalamig.’

Ang hangin sa gabi ay nagrerekurida sa kalawakan at umaawit.

Ngayong gabi isusulat ko ang pinakamalulungkot na tugma.
Minahal ko siya, at minahal niya rin ako minsan.

Sa mga gabing tulad nito yakap ko siya sa aking mga bisig.
Hinahalikan ko siyang paulit ulit sa lilim ng walang hanggang himpapawid.

Minahal niya ako, minsan minahal ko rin siya.
Paanong hindi iibigin nino man ang kanyang magagandang mata.

Ngayong gabi isusulat ko ang pinakamalulungkot na tugma.
Maisip ko lamang na hindi na siya akin. Maramdaman lamang na mawawala na siya sa akin.

Pakinggan ang lalim na gabi, na higit ang lalim na wala siya.
Tulad ng mga hamog sa damuhan nahulog ang tugma sa kaluluwa.

Anong halaga na hindi siya maaring ingatan nitong aking pag-ibig.
Maningning ang gabi at siya ay hindi ko kapiling.

Ito na lahat. Sa malayo merong umaawit. Sa malayo.
Hindi mapalagay ang aking kaluluwa na wala na siya.

Sinusubukan siyang hanapin ng aking paningin upang akayin siya palapit.
Hinahanap siya ng aking puso, at siya ay hindi ko na kapiling.

Ang katulad na gabing pinapuputi ang parehong mga puno.
Tayo, na sa mga sandaling iyon, ay hindi na tulad noon.

Hindi ko na siya mahal, iyan ang katiyakan, ngunit minahal ko siyang talaga.
Sinusubukan ng aking tinig na hanapin ang hangin upang hagkan ang kanyang pandinig.

Sa iba. Siya ay mapupunta na sa iba. Tulad noong  bago ko siya hagkan.
Ang kanyang tinig, ang kanyang magandang katawan. Ang kanyang mapupungay na mata.

Hindi ko na siya mahal, iyan ang katiyakan, ngunit marahil mahal ko siya.
Napakaikli ng pag-ibig, walang hanggan ang paglimot.

Sapagkat tulad ng mga gabing ganito yakap ko siya sa aking mga bisig.
Hindi mapalagay ang aking kaluluwa na wala na siya.

Kahit ito pa ang huling sakit na sa akin ay ipaparamdam niya
At ito ang mga huling tugma na isusulat ko para sa kanya.

Sabado, Agosto 8, 2015

Lagi

Walang komento:




Hindi ako nagseselos
sa kung ano ang nauna sa akin.

Kahit pa sa isang lalaki
sa iyong mga balikat,
kahit pa sa daang mga lalake sa iyong buhok,
kahit pa sa libong mga lalake sa pagitan ng iyong mga dibdib at paanan,
kahit tulad ng ilog
na lipos ng langong mga lalake
na lumalangoy tungo sa marahas na dagat,
sa walang hanggang daluyong, sa Oras!

Dalhin mo silang lahat
kung saan ako naghihintay sa iyo;
palagi tayo lamang,
palaging tayo ikaw at ako
nag-iisa sa mundo
upang simulan ang ating buhay!



Image by FlamingText.com

*Salin ng tula na "Always" ni Pablo Neruda. Ang larawan ay mula rito.

Kawalan

Walang komento:
Kawalan
-Pablo Neruda
[Salin ng tula na "Absence"]



Hindi kita halos iniwan
Noong tumungo ka sa akin, tila kristal,
O nanginginig,
O ‘di mapalagay, sugatan dahil sa akin
O lipos ng pag-ibig, wari
Nang ang iyong mga mata
Magsara sa regalo ng buhay
Na walang humpay kong  ibinigay sa ‘yo.

Mahal ko,
Natagpuan natin ang isa’t-isa
Uhaw at ating
Ininom lahat ng tubig at
Dugo,
Natagpuan natin ang isa’t-isa
Gutom
At kinakagat natin ang isa’t-isa
Habang nangangagat ang araw,
Nag-iiwan ng sugat sa ating lahat.

Ngunit hintayin mo lang,
Ingatan ang iyong tamis para sa akin.
Mabibigyan din kita
Ng rosas.



Image by FlamingText.com


ang larawan ay mula sa memyselfandela.

Kung Malimot Mo Ako

Walang komento:
Kung Malimot Mo Ako (If You Forget Me)
-Pablo Neruda
(Salin ni Severino Hermoso)






















ibig kong maintindihan mo
ang isang bagay.

Alam mo kung paano ito:
kung mamasdan ko
ang kristal na buwan, ang mapulang tangkay
nitong makupad na taglagas sa aking durungawan,
kung hihipuin ko
malapit sa apoy
ang hindi masalat na abo
o ‘di kaya’y ang nangungulubot na troso,
lahat inihahatid ako tungo sa ‘yo,
na tila lahat ng nagaganap,
samyo, liwanag, metal
ay mga bangkang
naglalayag
tungo sa ‘yong mga islang nag-aabang sa ‘kin.

Buweno, ngayon,
kung dahan-dahang hihinto ang ‘yong nadarama sa ‘kin,
ihihinto ko tiyak nang dahan-dahan ang mahalin ka.

Kung bigla
ako’y nalimot mo
wag mo na akong hanapin,
dahil tiyak nalimutan na kita.

Kung iisipin mo nang mahaba at todo-todo,
ang mga pagsubok
na dumaan sa aking buhay,
at nagpasya ka
na iwan ako sa pampang
ng puso kung saan ako nagmula,
tandaan mo
na sa araw na iyon,
sa mismong oras,
tiyak itataas ko ang aking mga armas
at ang aking pinagmulan ay sasambulat
upang humanap ng ibang lupain

Ngunit
kung bawat araw,
bawat oras,
maramdaman mo na ikaw ay para sa akin
na walang tatamis pa,
kung bawat araw may bulaklak
na pumapanhik sa iyong mga labi upang hanapin ako,
aking sinta,
lahat ng init sa akin ay nagpapatuloy
walang napapawi o nalilimot,
ang pagmamahal ko ay nabubuhay sa iyong pag-ibig, aking hirang
at habang ika’y nabubuhay ito’y na sa iyong bisig nang hindi ako nililisan.




Image by FlamingText.com

ang larawan ay mula rito.