paano ba maging talinghaga?
alam mo ba?
ituro mo naman sa akin
maaari ba?
ibig ko kasing magkubli doon
pansamantala
habang hinahanap ko
ang totoo sa hindi
habang inaalam ko ang
wasto sa mali
habang ninanamnam nitong
kukote
ano ang masarap sa
wastong binali
habang sinisikap kong
alisin
ang bara sa pagkatao ng marami
nakatapal
at ang duming sa pagkatao
ko nakakintal
kasi napansin ko bulag ka ata
at tila bingi
at manhid at napipipe
sa mga pangyayari
kahit marami ng bumubulagta sa
lupa
kahit marami ng dumidilig na
luha
at pawis na iniinom ng uhaw
na sikmura
kahit parami ng parami ang kumakalam
na bituka
kahit bumibilang na ng milyon ang
mangmang sa kalsada
habang silang naihalal daw
nagkakamal ng yaman araw araw
sa paraang pag-upo lamang
doon sa silid na malamig at
mataas ang bakod na nakaharang
may bantay na nagtitiyak
ligtas siya at tahimik
ang pagnanakaw sa mamamayang
nilinlang ng kanyang salitang
matamis sa pandinig
sana huwag mangyari ang sinapit
nila sa iyo o kahit sinong kapamilya
bago mo maisip na sana pala
sana pala
naging kaisa ako sa pakikibaka...
konsensya.
*ang saludsod sa salitang ilokano ay tanong.