Lunes, Hulyo 26, 2010

[tumula] kwaderno



sabi mo noon
noong unang lumuha
at namugto itong mga mata

ganoon nga iyon
parang kwaderno
simple ang pabalat
at ang nilalaman ay lipos
ng mga alaalang tinaludtod
sa bawat tinta ng panulat
at kinulayan sa bawat obrang
iginuhit ng kanang kamay

maraming detalye
may mga binura
pinatungan at napilas kapagdaka


kaparang may taong huhusgahan ng lipunan
sa kung paano siya nagmahal
hindi lang sa tinatangi
kundi maging sa tinatanging bayan

at sa bawat pilas ng pahina
nitong madalas tabingang nakaraan

mahalagang malaman mo
nagmahal ka talaga

nagmahal ka
kahit paano nila ito isatitik
isalarawan o bigyan ng husga


"hindi ako namumukod tangi, natitiyak ko ito. pangkaraniwan lamang akong tao na may pangkaraniwang iniisip. at umakay ng pangkaraniwang buhay. walang bantayog na inalay para sa akin, at sa pinakamalapit na hinaharap ang ngalan ko'y malilimot. subalit sa isang banda, nagtagumpay ako kapara ng kahit sinong nabuhay ng pinakamaringal dito sa mundo. umibig ako ng buong puso at kaluluwa, at para sa akin, sa tuwi-tuwina sapat na ang ganoon." -"the notebook", nobela ni Nicolas Sparks

Image by FlamingText.com

Walang komento: