Nobyembre
sabihin mo sa mga puno
na ipagpag ang mga dahon
iyong malapit nang matuyot
at maging iyong mga pinanawan
na ng buhay
upang sa kanilang paghiga sa lupa
lumatag sila doon sa daraanan
maging sapin sa lalakaran
nitong agunyas na babaybaying marahan
ang landas patungo sa himlayan
kung saan patuloy na hinahanap
ang katarungan
sa ganitong lipunang
mayroon ang sambayanan
iyong humihinga pa'y ang libingan na ang hinuhukay
iyong naglalakad ngunit tila naman patay
iyong nagnanais mabuhay ngunit pinagkakaitan
tinatanggal unti-unti ang dangal
hanggang sa pumanaw na tila baga nagpatiwakal
darating din ang araw
na pagkabuhay na ang maaalala
kapag gugunitain ka
darating din ang araw
na papahalagahan na ang buhay
hanggang sa pagpanaw
na ipaglalaban ang karapatang
mabuhay ng marangal
dahil paglaban ang sandigan
sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos
ng mamamayan
para sa karapatan
at mababawasan na
ang pag-awit ng
agunyas
tuwing may papanaw...
dahil paglaban ang sandigan
sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos
ng mamamayan
para sa karapatan
at mababawasan na
ang pag-awit ng
agunyas
tuwing may papanaw...
+ang larawan ay mula sa artknowledgenews
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento