Linggo, Agosto 24, 2014

Luisitanaga

Walang komento:
Malapit na ang ika-sampung taon ng Hacienda Luisita Masaker. Hanggang ngayon wala pa ring hustisya. Kailangan ng mga magsasaka ang ating tulong. Kailangan nating makiisa sa pakikibaka upang kamtin ang hustisya. Para sa ating mga magsasaka. Mga bayaning hindi kinikilala. 

Narito ang ilang mga tanaga. Alay ko para sa mga magsasaka. Alay ko para sa mga biktima nitong bulok na sistema. Para sa katarungan! Para sa paglaya!


Danak

Di ba natin nakikita
Humihiyaw ang lupa
Masdan sa Luisita
Ang kawalang hustisya

Luha

Di sila lumuluha
Kulang sampu* ang kita
Kundi dahil hustisya
Di pa natatamasa

Dugo

Iba rin itong dugo
Ng Cojuangco-Aquino
Buhay sa dugo’t pawis
Ng mga inaamis

Pilato

Huwag ninyong husgahan
itong tuwid na daan
‘La itong bahid dugo
Nakapagsabon na po


*Kumikita ng PhP9.50 an mga magbubukid sa Hacienda Luisita kada linggong pagtatrabaho. Kulang pa pambili ng bigas.

Biyernes, Agosto 22, 2014

pananabik

Walang komento:
madalas
ay madalang nang magkita itong ating mga palad

hindi na madalas yakapin ng ating mga daliri
ang mga puwang sa kapwa natin mga kamay

patuloy
pero alam ko patuloy sila sa paghihintay
sa sandaling magkasama muli

at punan ang puwang
na matagal nang naghinihintay na

pananabik.


Image by FlamingText.com

Balita sa Hapon

Walang komento:
  
may tumagilid na trak sa Bukidnon
at lulan nito ang 51 baboy
dalawampu’t dalawa ang namatay
dahil sa trak na dumagan
habang ang natitira
bugbog ang taba at laman

kawawang mga baboy
kawawa
parang taong bayan
sa bansa

pinapatay na walang kalaban laban
nitong mga punyetang naghahari-harian


"Balita sa Hapon" | Maria Baleriz Liwanag | ©2014

Image by FlamingText.com

Martes, Marso 11, 2014

Cordillera

Walang komento:


ang mga halaman dito
at damo at puno
parang mga batang naglalaro

hindi magkandatuto
kung paano
babatiin akong estranghero
na manghang-mangha
sa kagandahan ng kanilang anyo
na pinatingkad ng mga puno ng Pino

akala mo may mga facebook
at tumblr at twitter
hindi magkamayaw sa pagharap sa akin
na tila baga maingay na sinasabing
sa internet kapag aking ipinaskil
ang kanilang mga larawan
pag-tag sa kanila huwag na huwag kong kalimutan

hindi ko lamang masambit
sa mga puno ng saleng
at ang mga halamang nakalimutan kong kilalanin
nalimot ko ang camera na dalhin

ngunit sisikapin ko pa rin
iguhit ang kagandahang kanilang angkin

ang tikas ng kabundukang kanila man din
at karga-karga silang maririkit

subalit pilit sinisira ng pagmimina
at logging
sinisikap sirain ng mga nasa gobyerno
at mga kapitalistang ganid sa tubo

sisikapin kong iguhit ang kanilang ganda
gamit ang mga kataga
batid kong hindi lang nila nais makita
ng karamihan ang kagandahan mayroon sila
kundi ang hiyaw ng tahimik nilang protesta

sisikapin kong bigyang hustisya
ang kanilang mga panawagan

pero sa susunod hindi ko na kakalimutan
na dalhin ang camera upang kunan sila ng larawan


"Cordillera" | Piping Walang Kamay | ©2014

Ang larawan ay mula kay Arthur L. Allad-iw, Northern Dispatch

Image by FlamingText.com

Miyerkules, Pebrero 12, 2014

[severino hermoso] pag-ibig

Walang komento:


itong puwang ay pagmamahal

ikaw na ang bahalang maglagay ng tugma
o maglakip ng kahulugan
at talinghagang napupusuan

iguhit mo gamit ang panulat
o kahit anong pangkulay

ihalintulad mo sa bukangliwayway
o sa paglubog ng araw tuwing dapithapon
o sa kariktan ng mga bituin at buwan
kapag takipsiim

isalarawan mo parang magkasintahang nag aaway
o iyong pagtitiis na magmahal kahit nasasaktan
parang sugat na pinatakan ng dayap
o ang sambayanang lumalaban para wakasan
ang pagsasamantala
at likhain ang isang lipunang makatarungan

isulat mo o iguhit
kahit ano pang naiisip
tungkol sa pag-ibig


May2012  | Image by FlamingText.com

Lunes, Pebrero 10, 2014

[severino hermoso] Love Letter para kay Luisita

Walang komento:
hindi ito ordinaryong tula ng pag-ibig

Hindi ito magiging dahilan ng kilig
ng iyong iniirog na pangarap mapa-ibig 

hindi ito magiging dahilan ng pagluha
dahil sa labis na tuwa ng iyong sinisinta
sapagkat napakatamis sa puso ang mga tugma

hindi ito magiging dahilan ng pagbagal
ng mga galaw sa paligid ng bawat tagpuan
o paghinto bigla ng oras habang
sinasambit mo sa kanya'y pagmamahal

subalit tugmaan ito ng mga talinghagang nagmamahal
kaiba lamang sa pangarap mong makamtan
hindi ang pinipintakasing nilalangang
pag-aalayan ng mga paglaban

tutulayin nito ang mga pilapil
sa tulong ng iyong pag-ibig
para wakasan ang hilahil
ng mga magsasakang patuloy nilang sinisiil

sisikapin nitong bakbakin ang tinutungtungang lupa
ng mga bayarang berdugong bantay sa kinakamkam na Luisita

paluhurin natin sa asin itong mga daig-pa-ang-halimaw na pamilya ni Kristeta
isama na rin natin siya
pati na ang baliw niyang kuya
wala tayong ititira
sa kanilang mga nagsasamantala

hindi ito ordinaryong tula ng pag-ibig

at alay ko ito para sa paglaya ng mga magbubukid

pagtulungan natin
awitin ito sa lahat ng panig

upang maigapos natin ang mga naniniil
at ang mga katawan nila lalatayan natin

gamit ang tugma at pag-ibig
hustisya para sa magsasaka ating kakamtin

Linggo, Pebrero 9, 2014

[maria baleriz liwanag] sa bukid

Walang komento:
Anong malupit na dahilan
ang pumilit sa isang paslit
upang ang pakikipaglaro'y ipagpalit
sa pagbabanat ng buto dito sa bukid

hindi mo man lang ba naitanong kung bakit
imbes na dala'y kwaderno aklat pambura at lapis
asarol itak at karit ang kanilang bitbit

inalam mo ba ang dahilan ng iyong pagtataka
na imbes ang kanilang tinutuklas
matuto sa eskwela
kanilang hinahanap panlaman sa sikmura

sa halip na dumagdag sa mga umuusig
bakit di ka sumama na wakasan itong sakit
na dulot ng mga iilang sa yaman ay napakaganid?


Image by FlamingText.com




Huwebes, Pebrero 6, 2014

[severino hermoso] ako ang iyong 'date'

Walang komento:
batid ko
hindi ka kailanman sa akin
kundi sa daigdig
sa kalikasan na nagluwal sa iyo
dahil sa pag-ibig

sa lipunang humubog sa iyo
kung ano ka dati at sa kasalukuyan
at huhubog sa iyo sa kung
magiging ano ka bukas

ngunit
mahal kita
pinaka-iibig

hindi ko lamang kayang patunayan ito
ng Ghiradeli chocolate o Ferrero  
at hindi rin kasi ako mahusay magregalo
di ko nga kayang tantsahin ang sukat mo
para makabili ng damit pangregalo

hindi ko kayang ipangako ang iPhone
o pumpon ng mamahaling rose
kahit ang magarang candle light dinner
at ang happily ever after

pero sigurado ako
wala man ang mga bagay na kinahuhumalingan
ng mga kababaihan sa kasalukuyan
hindi magmamaliw ang aking pagmamahal

kaya ko lang panghawakan
hanggang sa lagutan ako ng hininga
kasama akong makikibaka
para sa katarungang pangarap ng bawat bata
at magkasama tayo
sa relasyon man natin mamagitan ang bagyo

mahal kita at sa mga susunod pang
valentine
pangako
ako ang iyong date
umulan man o umaraw

at iyong bilog para sa palasingsingan mo?
hindi ko maipapangako

pero sigurado ako
ibig kong makasal tayo

at ito lang ang pagpipilian mo.


severino hermoso | Pebrero2014
Image by FlamingText.com

ang larawan ay mula sa hdyoung

Miyerkules, Enero 1, 2014

kubrador

Walang komento:
bilyon-bilyong dolyar na ang nalilikom
bumabaha na nga ang mga imported goods

ang mga bote ng tubig na nakakaho't dumadagsa
maaari nang gawing pader na mahaba

bago ipamigay ang mga delata, tinapay, noodles,
asukal, kape, gatas, chocolate,
hinihintay ba muna ang expiration date?

ang mga bigay na damit
dahil sa kanilang pagkainip
maaari nang magmartsa
papunta mismo sa mga nasalanta

sa mga nagtataka
bakit sa mga nakaligtas mabagal
ang agapay nitong pamahalaan

kinukubra pa nila ang kanilang mahihita
mula sa mga donasyon na bigay ng iba
kinuha muna nila ang ilang porsyento sa mga relief
at pera na kanilang makukupit
malapit-lapit na nga naman ang 2016
mahirap namang sa election budget kapusin

at nga pala huwag kang mag-alala
pati sa mga nasawi kay Yolanda
mabagal din ang aksyon ng gobyerno
nakapagbagong taon na ang mga bangkay
nakahilera pa rin at di pa nadadala sa hukay


Image by FlamingText.com