Lunes, Setyembre 1, 2008

Hinala*

Walang komento:
May kandiling lungkot ang gabi, humahaplos ang amihan, simoy na tila kasamang umaalo sa panahon ng kawalan. Marahan ngunit makapangyarihan ang harana ng mga kuliglig, tumatagos sa katahimikan at sumasabay sa tibok at kislot ng mga nilalang na sa malayo'y tanaw sa pagpipilit alpasan ang kahinaa't kakulangan isa't-isa at sa halip ay magsanib at maging Iisa. Nagpapahinga sa maghapong karera ang araw at pinapaubaya ang tungkulin ng liwanag sa malamlam na mukha ng buwan. Sa lahat ng mga damdaming nag-uunahang umalpas sa kahon ng dibdib upang humalo sa damong sumasalo sa mga lihim ng kalawakan, pangunahin dito ang pagsuko. Sa panahong ito, kung kailan nakahimpil ang inog ng mundong hapong-hapo sa pagtakbo, sa kanyang sarili, siya'y magiging totoo:

Oo, minahal nga kita.


*Para sa lahat ng mga kinupkop at patuloy na kinukupkop ng Sunken

Pribilehiyo ng mga Patay

Walang komento:
Babala ng mga kaibigan: "Mag-ingat,
Laging may panganib sa lahat ng dako."

Mayroong listahan ng kaakikabat na kaparusahan:
sa paghulagpos sa linya,
sa pagsasalita nang wala sa lugar,
sa paglagpas sa hangganan
maging sa pagkukulang sa pag-abot dito.

Ito'y ang lupit ng bilangguan,
ng pag-iisa sa bartolina,
ng inaamag na tinapay at maputik na tubig,
ng interrogasyon, ng tortyur.

Ano na ngayon ang ating kahihinatnan?
Pagtatago sa likod ng katahimikan?

Sapagkat sa panahong ito, ang paghugot ng hininga'y
pakikipaglaro sa panganib at kalupitan.
Ang mga patay lamang ang may kalayaang
hindi lumingon sa kanilang mga likuran.


Salin ng tulang "Privileges of the Dead" ni Cecil Rajendra
Unang burador, 2 Sept. 08