Babala ng mga kaibigan: "Mag-ingat,
Laging may panganib sa lahat ng dako."
Mayroong listahan ng kaakikabat na kaparusahan:
sa paghulagpos sa linya,
sa pagsasalita nang wala sa lugar,
sa paglagpas sa hangganan
maging sa pagkukulang sa pag-abot dito.
Ito'y ang lupit ng bilangguan,
ng pag-iisa sa bartolina,
ng inaamag na tinapay at maputik na tubig,
ng interrogasyon, ng tortyur.
Ano na ngayon ang ating kahihinatnan?
Pagtatago sa likod ng katahimikan?
Sapagkat sa panahong ito, ang paghugot ng hininga'y
pakikipaglaro sa panganib at kalupitan.
Ang mga patay lamang ang may kalayaang
hindi lumingon sa kanilang mga likuran.
Salin ng tulang "Privileges of the Dead" ni Cecil Rajendra
Unang burador, 2 Sept. 08
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento