Huwebes, Setyembre 11, 2008

atin ang lakas, tayo ang pag-asa**

mahigit tatlong dekada
dalawang EDSA
limang rehimeng pahirap sa masa
iba't-ibang katangian at persona

subalit pare-parehong:

papet, mandarambong, taksil at pasista

tatlong dekada na mahigit
mula ng sumibol mula sa kalagayang kay pangit
dalawang EDSA ang gumuhit
subalit sa kahirapan nananatiling nakapiit

tatlong dekada ng kalupitan
kung saan sumibol ng palala
at palala ang kahirapan
ibayong hinahagupit ng krisis
kung saan ang piso sa pag-unlad
patuloy na lumilihis
kung saan ang mga namumuno
sa yaman palaging nabubuntis
samantalang ang mamamayan
kumakapit ay konsyumisyon at inis
ilang pagpapatiwakal bunga ng kahirapan
ang isinulat ng mga pahayagan
ilang dayaan at pagtaas ng mga presyo
ang naganap
habang ang mamamayan at ang kanyang sahod
patuloy na ibinababa
anim na talampakan mula sa ibabaw ng lupa

sa kabila ng mga nagdaan
at naisulat ng nakaraan
sumibol at patuloy na lumalawak
sumibol at patuloy na tumatatag
ang liga ng mga estudyante
at kabataan

ang League of Filipino Students ay inanak
ng kalagayang pahirap
ngayon ay patuloy na nagsisikap
hustisya at paglaya'y maapuhap
para sa sambayanang niyuyurak
ang lahi at magandang hinaharap
ng ganid na imperyalistang
yaman ang ibig na malasap


matapang na hinarap at humaharap
sa hampas ng mga mararahas
na alon ng pagsasamantala
na winawasiwas ng mga dayuhang
ganid sa kapangyarihan at yaman at pera

mahusay na inaaral ang lipunang iniinugan niya
at matapat na naglilingkod sa malawak na masa
mapangahas na nakikibaka
kasama ng mamamayang nakakasalamuha
matiyagang sumasanib sa sambayanan
at natututo sa karanasan at aral nila
hindi inaalintana ang panganib at pangamba
sumusuong sa pagkamit ng paglaya at hustisya.

tatlong dekada mahigit
at di mabilang na mga martir
at bayaning sa kasaysayan ay iniukit
para sa layong kalayaan ng mamamayan
at pagpapabagsak sa IMPERYALISMOng ugat ng kahirapan

pinangibabawan ang mga kahinaang
sa paglalakbay ay nadaanan
at hindi pinanghinaan ng loob
sa mga dakilang mandirigmang
nawala't nagbuwis ng buhay

lalo pang nahamon
at binitbit silang inspirasyon
upang lalong pagtagumpayan
ang pakikibaka at rebolusyon

ang mga dugong dumilig
sa karapatang ipinaglalaban
ang mga katawang naging pataba
sa lupa ng pakikibaka ng mamamayan
ngayon ay patuloy niyang pinayayabong
matatag at hindi umuurong

sapagkat ang lakas at pag-asa ay sa atin

tayo

ang sambayanang pinagsasamantalahan
kakamtin ang hangad na
paglaya at katarungan


**alay na tula para sa ika-31 anibersaryo ng LEAGUE of FILIPINO STUDENTS.
ang pinaka matagal at pinakamilitanteng ANTI-IMPERYALISTANG organisasyong masa ng kabataang estudyante sa bansa at sa buong mundo.

Image by FlamingText.com

Walang komento: