masalimuot ang daang ating binabagtas
lalo't hinahagupit tayo ng malakas
sa bawat sandaling inaatake ng ulan
ang lupa ng dalamhati at kasiyahan
kay sarap balikan ng ating kabataan
iyong panahong di mailap ang ngiti na masilayan
na ang katumbas ng paghinto ng iyak
kung hindi ang pagpalit ng takot sa luhang pumatak
dulot ng nakaambang pamalong patpat
o ang mahabang sinturong de balat
ay ang marinig lamang ang pagpapaamo ng mahal na ina
gamit ang kanyang malamyos na tinig
at ang kamay na may haplos pag-ibig
kay sarap balikan ng ating kabataan
iyong panahong laman tayo ng lansangan
naglalaro sa init ng araw
takbuhan, habulan at maharot na sayaw
luksong baka, piko, patintero, habulan
luksong tinik, tumbang preso, syato at batuhan
kantahan at tuksuhanng di maiiwasan
ilan lamang sa katuwaan ng nagdaang panahon
sandali na ang pagkadapa pagluha ang tugon
ng musmos na isip at murang katawan
panahong madalas ginuguhit ang araw
gamit ang tisa o bato doon sa kongkretong daan
upang kontrahin diumano ang pagpatak ng ulan
sa tuwing madarama ang ambong nagpapatakan
-