Linggo, Mayo 31, 2009

[tula] alaala ng ulan





makulimlim lamang kanina
akala ko pagabi lang talaga
walang anu-ano'y biglang rumagasa
bumulusok ang mga luha
ng mga nabibigatang ulap
bumagsak sa lupa, semento, bubungang yero
sa mga sasakyan at puno at dahon
may gumuhit na kidlat sa kalawakan
napatakip ng tenga ang aleng naglalakad sa daan
habang taban-tabang maigi ang payong
upang hindi mabasa nang nag-aaklas na mga ambon

at kahit atubili pa ako napilitan uling maligo
marahil nasabik lang sa dating mundo
kung saan malayang naglalaro
ang musmos kong isip
sa basbas ng lumuluhang langit
kasama ko ang mga kaibigan
ang mga kababata sa aking balintataw

kung maaari lamang magbalik
sa panahong nagtatampisaw ang mga titik
doon sa 'abakada' at Filipino alphabet
kung saan simple pa ang ating mga naiisip
sana madali lang bumalik sa isang pitik
at pagkatapos ng bawat pag-ulan
ay kapanatagang panandalian


kung maaari nga, ang malungkot lang naman
pagbalik natin sa kasalukuyan
haharapin natin muli ang katotohanan
pero bagong simula para sa kinabukasan
dito sa mapagsamantalang lipunan
ng mga bwitre doon sa malakanyang,
senado, kongreso, munisipyo ng mga halang
at mga kampo ng berdugong pulis at militar

baunin natin ang aral ng ating kamusmusan
bitbit ang kanyang aral at talinghaga
sa pagbabalik natin sa mundong kanilang sinadya
at pinaliguan ng paghihirap at kawalang-awa
sa mamamayan lalo sa kinabukasan ng mga bata

tayo'y patuloy na lumaban para sa ating paglaya!


Image by FlamingText.com

Walang komento: