[tula] panayam
minsan nakausap ko ang anakat naitanong ko, "kamusta ang buhay?"
tiningnan niya ako sa mata
kasunod ang pagtugon ng paslit na bata
may napunit na ngiti sa kanyang mukha
ngunit ang mga mata'y tila ibig lumuha
kasabay halos ang ganitong mga kataga:
"mahirap manong, ang buhay dito sa probinsya
subalit nabubuhay naman kahit papaano
kahit baon kami sa utang
at madalas lugi sa pagsasaka ang natatamasa."
minsan nakausap ko ang asawa
kagaya din ng marami'y nagsasaka
at naitanong ko ang palasak na, "kamusta?"
kagaya ng anak at ng maraming iba
sumagot siyang ngiti ang makikita
mula doon ay may pagbuntong hininga
matapos ay narinig kong tinuran niya,
"mahirap ang buhay dito sa bukid
para kang sumusugal sa alanganin
nabubuhay ka na lang para may makain
habang silang mga panginoong sakim
hindi naman katuwang sa buong pagtatanim
pagsapit ng anihan napakalaki ng kukubrahin
habang kaming halos mamatay sa pagsasaka
kulang na lang ay isangla pati ang aming kaluluwa."
minsan nakausap ko si Hulyan, ang padre de pamilya
isa siyang huwarang magsasaka
bukangliwayway pa lamang nasa bukid na siya.
at katulad ng nakagawian kinamayan ko siya ng aking makaharap
kasunod ay pinaabot ko ang aking pangangamusta.
tiningnan niya ako ng mata sa mata
nangungusap.
malalim.
tila sa ganoong paraan kinakausap na rin
may bigat ang kanyang mga tingin
masisilay mo ang paghihirap na patuloy dumidiin
kagaya ng anak at ng kanyang asawa
kahit ngumingiti ang mga labi nila
ang nabibigatang damdamin ay ibig na iluha
"sobrang hirap ng buhay dito sa bukid",
pagsisimula niyang banggit.
"hindi mo na alam kung paano iidlip
halos di mo na magawang mata'y ipikit
dahil sa labis-labis na pag-iisip
kung paanong mababayaran ang mga perang hiniram
para sa gastusin sa pagsasaka at mga anak na nag-aaral
huwag naman sanang mayroon pang magkasakit
'pagkat lalo lamang sasahol ang kalagayang sinasapit
kamakailan lamang halos piso kada kilo binili
ang aming tanim na gulay para mailako sa palengke
paanong iinam ang buhay na mayroon kami
binabarat sa presyuhan ang mga tanim na inani
kay mahal pa ng abono o pestisidyo
na ibinebenta ngamga negosyante at nitong gobyerno
tapos ang batas pang ipinapatupad
parang lalo pa kaming nginungudngod sa burak
katulad na lamang nitong CARP
nagbabalatkayong tinutulungan ang mga magsasakang naghihirap
pero kapag tinahipan mo malalantad ang pagkahuwad."
ang hinagpis at poot na naipon ay umalagwa.
dahan dahan may pumatak na ding luha.
sa mga mata niya at sa aking mga mata
at kasabay nito'y ang langit ding nakikisimpatya.
nag-aalimpuyo ang nagpupuyos na galit sa kanayunan
dahil sa mapangsamantalang sistema ng mga ganid na dayuhan
at mga kasabwat nilang lokal na naghahari-harian
nandoon sa mga munisipyo,
sa kongreso, sa senado,
sa malakanyang at mga kampo.
nagpapakasasa sa yaman ng lahing PILIPINO.
minsan nakausap ko sila
silang kabilang sa uring magsasaka
silang nagbubungkal subalit ang lupa'y di kanila
silang sa bawat araw ay pinapanday ng init
silang nagtatanim subalit mailap ang pag-unlad kung kumapit
at silang magsasakang mahihirap
na may pagmamay-aring lupang maliit
gusto pang ariin ang munting yamang bitbit
kung hindi pumayag ang kawawang magbubukid
asahan mo na, silang mga panginoon, dahas-militar ay gagamit
ilang katawan na ba nila ang sa lupa'y nagpataba?
ilang baldeng dugo na ba nila ang dumilig sa lupa?
ilang Hulyan pa ba ang magiging kaawa-awa?
ilang Hulyan pa ang hahandusay sa lupa
lasug-lasog ang katawan at puro pasa?
kay raming tanong na naghihintay ng kasagutan.
sana kasama ka sa paglutas nito.
sana kasama ka sa sama-sama nating pagkilos
upang kamtin ang paglaya ng bayang kay tagal na nilang binubusabos!
*isang panayam sa pamilya ng magsasaka. mula sa pakikipamuhay din talaga sa kanila kung saan nasaksihan ng may akda ang kalunos lunos na kalagayan nG buhay nila. at ng maraming iba pang dakilang magsasaka. alay ito sa kanila. at sa panawagan na ipasa ang GARB: ang batas para sa tunay na reporma sa lupa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento