Lunes, Mayo 11, 2009

[tula] tanganan mo ang armas makata

Ang bawat mong obra
Naglalagos hindi na lang sa mga papel
Nababasa hindi na lang sa mga aklat
Nakasulat hindi na lang sa mga pahayagan
Tinutugtog hindi na lang sa mga pagtatanghal
Naririnig hindi na lang sa mga teatro

Sapagkat lumawak na ngayon ang iyong naabot
Hindi na lang nakakahon
Sa apat na sulok ng akademya
Hindi na lang nakagapos sa dikta ng burgesya
At di na umiinog
Sa mga bahaw na lohika
Na ilang henerasyong ipinambola
Sa sanglaksang estudyante
Imbes na rebolusyon ang ipangaral
Bilang sagot sa kasalukyang kalagayan
Pawing mga imbing solusyon
At maling kaisipan ang pinangangalandakan
Nitong elitistang kulturang laganap sa kasalukuyan
Sa mga tulang binibigyan nila ng kulay
Ngunit walang ganda na sa masa’y binibigay
Sa mga literaturang nilalagyan nila ng katawan
Subalit hindi naman makatindig
Para sa hikahos na sambayanan
Nilagot mo ang tanikalang sumasagka
sa pagdaluyong ng umaalang tinta
at umalpas ka sa kahong
pinagkwartelan sayo ng mga mapagsamantala
malalim na ang bawat mong metapora
ikaw na animo langay-langayan
sa paglipad ay kay laya
higit pang nagingmabangis
ang bawta mong mga tugma
sapagkat ngayon
hindi na lang sa lansangan
at komunidad ng mga maralita sa lungsod
ang nagawang galugarin ng iyong bawat taludtod

tinunton mo na rin ang mga masusukal na bundok
tinawid ang matatarik na terrain
at nalampasan ang madudulas
at mababatong daan
nilangoy ang mga karayan
nagpahinga sa tabi ng mga sapa at bukal

bihasa na ang bawat mong tugma
sa tuwing hihiyaw ang amihan
ng kanyang tulang nananawagan ng paglaban
maagap mong isinasalarawan sa iyong mga kataga
kung paanong ang bawat dahon ay pumapalakpak
hindi lang dahil sa paghanga
kundi dahil sa nakita nilang wasto
ang ating pakikidigma

malinaw mong ipinakita ang kahirapan
at ang kanyang kabilang mukha
sa iyong mga linya at talata
malalim
tumitimo
sapagkat ngayon,
tinutungtungan mo na'y lupa
kung saan nakasanib ang libo-libong nagpala
ng pawis, luha, dugo at buhay
kung saan nakaburol ang maraming kalansay
ng mga gutom na panaginip

kung saan nakabaon ang bungo
ng mga nakabinbing panaginip
kung san nakahimlay ang pangakong paglaya
tinutungtungan mo na'y lupa
at lupang pinagtatalian
ng di mabilang na henerasyong sumpa
lupang nilalatagan ng mga tanikala
na sa lahi mo'y gumagapos sa pang-aalipusta
nitong dayuhang sa yaman ay mapagsamantala

tinutungtungan mo na'y lupa
at sa lupa mo sisimulan ang layong akda
na isusulat hindi gamit ang nakasanayang pluma
kundi armas
at armas na mapagpalaya

ang tinta'y nagngangalit na mga bala
na mayroong nakakalasong pulbura
at sa iyong diwang mulat (at mapagpalaya)
na pinanday ng kay raming paghihirap
iguguhit mo ang mga titik
doon sa mga hayok at ganid
ipadarama mo ang bagsik
ng bawat mong punglong naghuhumiyaw sa galit

at sa tinutungtungang lupa
iyong iparirinig ang paglayang hinihimig
na iniukit sa bawat tintang lalabas
sa bibig ng bagong plumang armas
at kasabay ng iba pang mandirigma
kasama ng masa: baluti natin at di magagaping sandata
isusulat mo ang tula ng paglaya
na babasahin ng mundo
sa pagsilay ng gintong umaga


-"tanganan mo ang armas, makata", maria baleriz

Image by FlamingText.com

Walang komento: