Lunes, Agosto 24, 2009

[tula] pumalag tayo (dahas ng agosto 19)



layunin ay tuligin ng protesta
ang pandak diyan sa malakanyang
upang ipaabot ang nagpupuyos na karaingan

maluho ang kanyang panunungkulan
lalo ang pagbisita sa ibang bayan

tila napapaso sa hawak na perang
kinurakot ninakaw sa mamamayan
sa isang upuan gumastos ng milyon
kasama ng kanyang mga kampon ng kasamaan
habang inilalako ang soberanya ng bayan
habang ibinebenta ang murang paggawa
ng mamamayang hindi naman talaga siya ang hinalal



nagpapakasasa sa ginhawa
habang tayong mga mamamayan
nakasadlak sa gutom at kahirapan
habang tayong mamamayan
di malaman kung saan kukunin ang pang-araw-araw
upang maitawid ang gutom na tiyan

pagbaba niya sa pwesto
ang pangyayaring ating gusto
at panagutan niya ang kanyang mga asunto
sa mamamayang kanyang pinagtaksilan
at araw araw na sinusugatan
ninanakawan
ng yaman at dangal

subalit ano ang iginanti? ano ang tugon?
dahas at brutal na pagtrato
kung saan kilalang kilala ang rehimeng arroyo
puno ng pagpapanggap at pagbabalatkayo
batbat ng kasinungalingan at panggagahasa
sa karapatan ng sambayanang Pilipino



marahas ang estadong ito
at dahas ang itatapat natin
marami pang papanaw
marami pang maghihirap
hangga't di natin mapagtanto
at kumilos upang baguhin ito:
na kaya tayo naghihirap
dumikit na sa utak natin ang pagsasawalang bahala
na kayo tayo ngayon nagdurusa
dumikit na sa kokote natin
ang makitid na pagsasawalang kibo
ang hayaang lalo tayong ilampaso sa lupa
at apakan ng mismong may mga sala

ginusto ba naming dahasin?


oo.
ginusto namin.
ang totoo inaasahan na namin.
wala ng bago.
wala ng nakakagulat.
pero sa kabila ng mga pasa at sugat
handa kaming tiisin ang lahat
subalit hindi na lamang pagtitiis
ang ating gagawin
kikilos na tayo
at sa dahas nila pumalag tayo
dahil ayaw nating magsawalang kibo

kung dahas at dahas lang din
ang solusyong kanilang ilalapat
sa problema't hinaing ng mamamayang naghihirap
dahas na din ang ating papandayin
dahas na din ang ating huhubugin
hanggang mahinog na ito't handa na nating gamitin
sa panahong iyon ating kakamtin

ang hustisyang lalatay kahit sa kanilang mga mata
at sa bawat himaymay ng kanilang sikmura

dahas din ang ating ipapadama
asahan na din nila
asahan na din nila...

Image by FlamingText.com
*naikatha mula sa marahas na dispersal noong ika-19 ng Agosto 2009.

Walang komento: