Biyernes, Agosto 28, 2009

[tula] sa ating tagpuan**

**babala: nakakahilo.nakakabato?unawainnalangninyo.salamat.
ngiti.patlang.masarapmagmahalnglumalaban.masarapdinnamanghumimpil
kapagnapagodangsikmuraatkumalamangpaaatmgakasukasuan.magmahalkapadin.atlumaban.
kumindat.ngumitingubodngsarap.kagatinanglabipaminsanminsan.attingalainanglangitdahil
bakadinasiyaluntian.

"sa ating tagpuan"
-severino hermoso

makulit pa din talaga itong aking isip
patuloy na nangangarap na ikaw ang kaniig
sa alapaap ng tagumpay na lango sa kabiguan
doon hinahabi ang hindi maaaring magpantay

matigas nga marahil ang ulo nitong pangarap
o puso talaga ng kabiguan ang nagdidikta ng nararamdaman

madalas kung takasan ang katotohanan
upang sa muli't muli ay magising na luhaan
madalas kong takbuhan ang luntiang hardin
kung saan ko kaulayaw ang mga damo't sariwang hangin
madalas kung lisan ang mundong sugatan
upang tunguhin ang ating marilag na tagpuan

tinatangi ka sa puso at sa isip

madalas kung bisitahin ang hardin
upang doon muli't muli ay buuin
ang ating masayang pagtatagpo na animo piging
kung saan may bahaghari at paru-paro sa ating...
kung saan may mga talulot at dahon na bumabagsak sa ating...
kung saan may awit na nililikha ang mga ibon sa ating...

sa pagtatagpo
sa paglalapit
na kailanman di na ata maiguguhit
dahil sa sandaling mapagod na ako sa pagpikit
siya at siya pa din ang tumatambad
sa aking sikmura
sa aking dila
sa aking kamay
sa aking mata

sa mundong umaawit ng hikbi
dito sa mundong inaagaw pilit ang ating pagkamusmos

sa mundong ninakaw ang magandang kinabukasan ng kabataan
dito sa mundong bubulagta o maglalahong parang bula
ang mga lumalaban para sa karapatan

sa mundong ito kung saan ang luha ay luha
at ang pawis ay pawis at ang dugo ay dugo
ang yaman ay sa iilan
habang ang kahirapan ay sa nakararaming api
dito sa mundong batbat ng sugat at pag-ibig

umiibig kahit nakapikit
kahit nasasaktan at kumakalam ang bibig
at naglalaway ang sikmura at nakukuba ang mga paa
at nakalahad ang mga palad para sa ambon ng grasya
upang mabusog ang hibla ng dila
upang mapatid ang mitsa ng paglalayas ng bait

doon aasa ako magtatagumpay pa din
at magtatagpo tayo at ang ating mga labi
magkahinang at inaaruga ang sugat ng kahapon
na tumatak sa ating katawan

doon aasa akong mananaig ang ating hanay
na dinilig ng mapulang lila ng tagumpay
nakakuyom ang mga luha sa ating mga kamao
at unti unting sakit ay maglalaho
doon
do-on
kung saan may bahaghari at paru-paro sa ating...
kung saan may mga talulot at dahon na bumabagsak sa ating...
kung saan may awit na nililikha ang mga ibon sa ating...

...sa ating tagpuan.


Walang komento: