nadaan ako sa isang karnibal
medyo sosyal siya doon sa pangkaraniwang kong kinalakihan
mas maharot ngayon ang dating
mas malandi ang mga ilaw
nasabik tuloy akong sumakay muli ng tsubibo
ibig maramdaman muli iyong nasa itaas ka't
humahaplos ang hangin
at humaling na humaling ang mga mata sa tanawin
mabagal sa simula
biglang bibilis ng bibilis
iyong bang tipong bumabaligtad ang sikmura
at kung lalaki ka parang nawawala
ang bayag mo sa lula
kasi parang hiniwa na di mo naramdaman
may kumuha
sa babae di ko alam kung anong epekto
pero sigurado ako iyong sa sikmura at lula
oo
parang kapag naglalakad sa paglalakbay
ayos pa ang mga unang ilang hakbang
ayos pa ang kurbada
kinakaya ang distansya
parang kapag nagmahal ka
malumanay sa una
steady lang ang porma
masaya ang mga ngiti
at kahit ang mga mata
kapag tumagal tagal
nagsisimula na ang pagtaas ng pangamba
sa tsubibo:
andyan na ang natetensyong katinuan
kinakabahan
humihiyaw
na tila ibig mong isuka ang mga laman
sa loob ng iyong katawan
sa loob ng iyong tiyan
parang kapag naglalakad sa paglalakbay
nagsisimula kang makaramdam ng pagkapagal
nangangalay ang binti
titigil at magpapahinga
naghalo halo na kasi ang nadarama
ang init
ang pagod
ang gutom at uhaw
ang sakit ng binti
parang kapag nagmamahal
sa pagtagal tagal
nagsisimula na ang alitan
nariyang magbangayan sa maliliit na bagay
ang maliit na tampuhan
lumalaki ng di namamalayan
nagkakaroon ng tensyon
humihiyaw sa hamon ng pagkakataon
ang luha bumabalong
ang mga sandali sa paglaon
karanasang kahit papaano nakakatulong
dahil pagkatapos ng yugto
matapos ang pananabik
ang tensyon
ang pakiramdam
ibig mong umulit pa din kahit may pangamba
kahit may takot
basta ba may kasama ka
dahil alam mong may makakasama ka
hinahanap hanap mo pa rin talaga
ang makasakay sa tsubibo
at magandang makita ang emosyon ng iba
may tumitili at nakatawa
may tila ibig maglaho sa upuang sa sandaling
nasa tsubibo ay tila wala
para mo na ding nakikita ang sarili mo
parang pag-ibig
gusto mo pa ring
umulit at magmahal ng paulit-ulit
kahit may sakit
dahil alam nating
matingkad ang karanasang sinusulit
parang paglalakad
hahakbang ka padin ng paulit ulit
upang makarating sa pakay
sa layong lugar
sa dahilang iyong nilalandas
nakakasabik ang makasakay muli
hindi lang sa pista ng baryo sa probinsya
sana kahit sa enchanted kingdom aking masubukan
kaso medyo mahal na ang ganoon
pag-iipunan ko muna
o baka hindi na muna
o hindi na talaga
unahin ko na lang muna ang gutom na sikmura
at ang pakikiisa sa malawak na biktima
ng laganap na pagsasamantala
na kagaya ko ay problema ang pang-araw araw
na pangpakalma sa umiikot na bituka sikmura
-severino hermoso
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento