Linggo, Hunyo 27, 2010

[tumula] ganito kita aalalahanin



marilag ang buwan ngayong gabi
at tatahiin niya ang dalawang bagay:

ang paglisan at ang pagdating.

unti unti niyang ihahatid sa pampang
ang araw na papalayo na ang kinang
kasabay ng paghihintay na naglilibang
sa pagdaong ng bagong araw na hirang

ipapatianod na niya sa alon ng tiwasay na dagat
ang bigat ng papalayong araw
kung saan isusulat na ito ng kasaysayan
at ibibilang sa masagana nitong nakalipas

makulay ang bawat paglisan
lipos ng pandama at pagmamahal

may lila para sa pagmamahal
at may kahel para sa alab na tangan
naghuhumiyaw ang pula sa paglaban
at ang bughaw ay pilit na pumapailanlang
subalit ano nga kaya ang kulay ng paglisan?

ganito kita aalalahanin
isang bahagharing di magmamaliw sa paningin
palaruan ng kulay at damdamin
at sa aking gunam gunam nakangiti man din

sapagkat ikaw ay hindi kumukupas na alaala
at hindi nagmamaliw sa kariktang iniadya

kaya sa pagsalubong ko sa paparating na umaga
ba-ba-u-nin kita
babaunin...



*bahagi ng tulang "ganito kita aalalahanin" ni piping walang kamay
**ang larawan ay mula sa layoutsparks.com

Walang komento: