naghahanap ako ng mga batas tungkol sa lupa
at sa repormang pang agraryo na dito'y nalikha
marami na palang naisulat na aking ikinamangha
subalit hindi lahat alam ang mga batas na nagawa
pawang pagpapahirap ang hatid sa mga magsasaka
nakakainis na kahit mismo ang mga may akda
tanga sa polisiyang sila ang may katha
sa panahong nagkakagulo at may namamatay
at ang pinag-ugatan ay ang lupang kapantay ay buhay
wala silang mga mambabatas upang magbigay liwanag
at solusyunan ang problemang daangtaon na ang tatag
nitong huli pinalawig pa nila ang pananatili
upang sa kahirapan patuloy na ikulong at itali
ang mga magsasakang inaagawan nila ng pag-aari
ipinatupad ang batas na CARPER sa pilipinas
walang na ngang ibinungang maganda
sa kabuhayan ng mga mahal nating magsasaka
ang CARP na batas na mas nauna
pinatagal pa ito at kunwari kinumpuning akala mo makina
at kagaya ng pinagsibulan nitong batas
at kagaya ng pinagsibulang kalagayan
na diumano'y sisikaping solusyunan
noong una pa lamang marinig ang CARPER na pangalan
ito na ang aking hatol sa batas na pinasinayaan
bigo!
ibayong pagpapahirap muli ang daranasin
sa kamay ng mga panginoong sa yaman ay sakim
ibayong pandarahas pa ang papaypayan
nitong batas na kanilang kinatha upang sila ang payungan
sapagkat lahat naman ng inimbento nilang batas
nilikha upang lubos na tubo at yaman ang kanilang makatas
at kahit anong imbento ng polisiya ang ipampayong
o gawing pambaluti o pananggalang ninyong mga ulupong
hindi kayo sasantuhin ng mamamayang umaalma
at nakikibaka para masilayan ang umaga
kung saan malugod na lumilipad ang mga puting kalapati
at may tuka tukang sanga ng olibya
magaganap ito
maghanda kayo
nalalapit na ang sandali
kung saan mamamayan ang itatanghal na bayani
at kayong mga mapangdusta at sakim
ilulugmok sa lupang inagaw ninyo sa tunay na nagmamay-ari
-" ", piping walang kamay
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento