Lunes, Hunyo 7, 2010

[tumula] may digmaan*

may digmaan kahapon...
noong abala kayo sa klase
at sa mga pagsusulit nakaharap

noong nakasakay ka sa magarang sasakyan
patungo sa air-conditioned mong opisina
at silang mga dakilang magbubukid
nakayapak na uuwi
noong pauwi ka galing sa club
at kung saan sa paglalakad mo
tila tinatahi ang kalsadang tinutungtungan
at nakalatag sa iyong harapan

may digmaan kaninang umaga
habang hawak mo ang dyaryong binabasa
at sa katabing mesa ay umaaso
ang mainit na kapeng nasa paborito mong tasa

may digmaan ngayon...
habang binabasa mo ang aking tugon
sa panawagang pagsilbihin ang panulaan
para sa pagmumulat at paglaban

habang naririnig mo ang bahaw kong tinig
na sa isipan mo ay bumibigkas ng may himig
binibigkas ang tunay nating kalagayan
na ayaw nilang mga sakim ay ipaalam

may digmaan mamayang gabi...
habang nag-aayos ka ng susuutin mong pang-
party
at kausap ang iyong ka-
date at karelasyong tinatangi
gamit ang
text ng cellphone mong bagong bili

habang pasara na ang mga tindera sa palengke
na maggagayak na upang sa bahay ay makauwi
at abutan ang paborito nilang teleserye sa
TV

habang mag-aabang ng masasakyang
jeep sa kahabaan ng avenida
at may isang sumisigaw na tinig mula sa isang dalaga
na humihingi ng saklolo dahil ninakaw ang kanyang pitaka
kung saan nakalagay ang kanyang sinuweldong pera

habang nakikinig ang kapatid mo sa magara niyang
MP3
at ang bestpren mo ay abala sa paglalaro ng
PSP

may digmaan bukas...
habang maghahanda ka sa iyong pagpasok
sa paaralang ginagastusan samantalang dapat libre

habang maghahanap ka ng trabahong mapapasukan
at ang kapitbahay ninyo sangkaterba ang lalabhan

habang maghahanda ka sa iyong pagpasok
sa trabaho mong inaalipin ka ng labis labis
at ang nakikinabang lamang naman sa iyong pawis
silang mga kapitalistang sa tubo ay napakaganid

may digmaan sa makalawa...
may digmaan sa isang linggo...
sa isang buwan...
sa isang taon...

kung hindi natin makikitang
mayroon tayong partisipasyon
na dapat tugunan at gampanan

hanggang hindi natin nakikita na ito lamang ang sagot na tama
para wakasan ang kahirapan at inutil na demokrasyang kanilang inilalathala
silang ang tanging unawa ay magkamal ng kapangyarihan, tubo at ganansya

may digmaan sa darating pang mga panahon
hanggang hindi natin nakikitang mayroong digmaan
na dapat tayong lahukan at pagtagumpayan
upang mula dito ay itindig ang lipunang may katarungan!

Image by FlamingText.com

*tulang binigkas para sa pagtungo ng isang kasama sa bagong larangang pagliliyabin niya ng pakikibaka.paglaban. may ilang bahagi nang idinagdag. madalas kong gamitin ito para sa mga espontanyong pagbigkas.sana maibigan ninyo. at oo, sama sama nating isulong ang pananagumpay ng mensaheng naiisip mo matapos basahin ito. :)

1 komento:

aintto ayon kay ...

ang galing mong mag compose ng tula!