Lunes, Disyembre 26, 2011

[piping walang kamay] komunista


ang unahin ang sariling interes
katangian likas sa isang burges

subalit iba para sa isang tunay na komunista
o sa nagsisikap yakapin ang sinusulong na ideolohiya
walang oras at walang pangyayari
na sa pagsusulong ng sariling interes mahirati

sa isang komunista dapat unang maamoy
ang pagkalinga sa tuwina at dapat nag-aapoy
marapat niyang iambag sa interes ng bayan
at ng masang ginugutom sa karapatan
ang interes na kanyang nararamdaman

walang puwang dapat kung ganoon
ang pagkamakasarili at kawalang ng debosyon
paghahanap na matanghal, pabaya at ugaling tiwali
sapagkat ito ay mga pinakamasamang pag-uugali

wasto at nararapat na ikaw ang makitaan
pagpapakumbaba at ubos lakas na kasipagan
matapat sa wika at trabaho, buong puso sa paggampan
tahimik at tahimik sa epektibong kasipagan

ganito ang isang komunista
inaasahan sa isang komunista

"komunista"
Image by FlamingText.com

"walang oras at walang pangyayari na dapat unang ilugar ng isang komunista ang kayang pansariling interes;
dapat niyang ipantulong ito sa interes ng bayan at ng sambayanan. 
Samakatuwid, ang pagkamakasarili, pabaya, katiwalian, paghahanap na matanghal, at iba pa ay pinaka napakasama, habang ang mapagpakumbaba, nagtatrabaho ng buong lakas, buong-puso debosyon sa pampublikong katungkulan, at tahimik na kasipagan ay aani ng paggalang."

December 26, 1893 – September 9, 1976

pagpupugay sa paggunita sa ika-118 kaarawan ni Mao Zedong, isang dakilang Rebolusyonaryong Intsik.



Linggo, Nobyembre 27, 2011

[severino hermoso] ang pag-ibig




ito ang damdaming dumaan at dumadaan sa lahat ng hirap
ang bawat sakit at kirot at hapdi dinanas
ito ang panlasang dulot ng bawat nagsama-samang pagsisikap
ito ang dulot ng tiyaga at pagsisipag
umusbong mula sa paglaban
hindi pagbitaw sa matuwid na paninindigan
para sa kapakanan ng nakararami
para sa adhikang hindi para sa sarili

at kung pag-ibig ang itinitimpla ng bawat puso
wala na nga marahil makahihigit sa bawat bugso
kapag ang pag-ibig ay umusbong sa gitna ng pakikihamok
sa bawat lupang may dugo at pawis at luhang tumuldok
para ialay sa pagpawi nitong laganap na paghihikahos
na inihahambalos sa atin ng mga dayong sa pagkaganid ay lubos

ito ang mainam na pumapatid sa gu-tom ng mga bituka
nagbibigay patlang sa bawat lalamunang uhaw sa paglaya
pero sa akin ding pagtingin
ito ang panlasang daranasin
nitong kahit sinong hindi nakaramdam man din
kung paano nga bang ang pagmamahal ay hindi lamang sasabihin

dito mararanasan ang higit pa sa paglalambing
hindi lamang sa pamamagitan ng bibig dadasalin
iyong animo nanunuot sa bawat himaymay at ngipin
sa kaloob looban nanunuot at di lamang tumatambay
ito iyong panlasang tila nanaisin mong mamatay
sapagkat sa isip mo nalubos na iyong pagkabuhay
noong matikman mo ito na samu't sari ang hinintay
subalit panlasa din itong magiging sanaysay
kung bakit handa at magiging handa kang mag-alay
kahit na anong kaya mong gawin at ibigay
upang patuloy na lumaban upang mabuhay

marami na silang nailutong putahi tungkol sa pagmamahal
mga pagmamahalan ng mga hari at reyna, prinsipe at prinsesa
mga kilalang personalidad kagaya noong nangyayari
sa mga tanyag na atleta, makapangyarihang tao, at artista
sa mga madalas ikinuwento ng mga burges na pelikula
sinubaybayan o napanood ng mundo ang halos lahat lahat
mula sa pagliligawan ng mga modelo at popularidad
kasama ang mga kumikinang at kumukurap na ilaw at katanyagan
subalit ang isang kapansin pansin sa karamihang nailahad
bihira ang pagtatampok ng pag-ibig ng mga uring mahihirap
at iyong pag-ibig na inanak ng pakikipaglaban
para sa hangad na katarungan at kalayaan

ang pag-ibig
ang pinakamatingkad
walang kasing tamis
walang sing sarap

lalo kung ito ay
naisulat
sinusulat
isusulat
na
paglaban ang ipinagtatapat
rebolusyon ang niyayakap
at
paglaya mula sa pagsasamantala
ang hangad

simulan mo nang isulat
ang kwento ng inyong pag-ibig na tapat
babae, lalake o piniling kasarian
hanggang ito'y naglilingkod sa mamamayan
aangkin ito ng kakaiba at natatanging kinang
sapagkat

sa rebolusyon naisusulat
ang dakilang pagmamahal!

Image by FlamingText.com

*maaari din itong makita sa aking tala sa facebook

Huwebes, Nobyembre 24, 2011

[maria baleriz liwanag] habang*



habang dapat nating ipagbunyi ang desisyon
kung saan labing apat na hurado ang tumugon
sa katuwiran na ang lupa ay sa mga nagbubungkal na mula pa noon
hindi pa din dapat magbaba nang paglaban
hindi dapat maging kampante ang sino man
may hustisya pang sa mga may utang na dugo dapat na singilin
hindi lamang lupa ang kabayaran ng kanilang paninikil
sa sama-samang paglaban muli tayong sasandig

habang sa gitna nang pagkukumpulan nitong mga usisero
tungkol sa tunay na katapatan ni Gloria Macapagal-Arroyo
hindi dapat kalimutang may dapat pag-ibayuhan
sa kung paano gagawing tila apoy ang katotohanan
na sa bayang ito na nag-uumapaw sa yaman at galing ang paglaban
kalakhan ng mamayan ay naghihirap at kahabag-habag
may dapat tayong itindig na ibayong pagsisipag
upang imulat ang mamamayan sa pakikibaka na dapat

habang matagal nang sinabi sa nakaraan
ilang desisyon na ang ibinababa at tinuran
hanggang sa ngayon walang kaganapan
tumpak lamang na patuloy manindigan
sapagkat hindi matatapos sa isang kautusan
ang daangtaong pakikibaka ng mga nagbubungkal
hanggang may uring patuloy na nagsasamantala
at patuloy ang paglupig sa mga magsasaka
hindi kailanman
hindi dapat
huminto ang ating pakikibaka

patuloy na lalaban tayong mga dinudusta
sa mga bwitreng dayo dito sa ating sinilangang lupa
sa gobyerno at mga ganid na nasa pwesto
sa mga madasaling panginoong hasyendero

habang naghihirap ang pag-unawa
ng mga musmos sa kalsada at mga napapariwara
ang kalakhan ng edad dahil sa kanilang gawa
hindi tayo dapat magpabaya
may digma tayong dapat na palaganapin
may digma tayong dapat na tapusin
may tatsulok tayong dapat na baguhin!
may tatsulok tayong babaligtarin!

Image by FlamingText.com

*alay para sa mga biktimang magsasaka at sa kanilang pamilya. sa hasyenda luisita at sa mga magsasaka sa buong bansa. para sa mamamayan. alay para sa patuloy nating paglaban.

Miyerkules, Nobyembre 16, 2011

[severino hermoso] hasyenda luisita: 7 taon na ang lumilipas



Gabi gabi pa din silang naglalamay
Gabi-gabi pa din silang naghahanap
Nakikinig sa bawat agunyas
Habang sa saliw nito pagtangis ang dumadagdag

Subalit katulad ng mga tinatanggap nilang barya
Na kanilang pangarap madagdagan sana bilang kita
Sa pagpapagal sa araw araw na pagbubungkal
Madalang na pagkatig ng pagkakataon ang sa kanila'y sumasakal

Maramot ang hustisya sa bahaging ito ng mundo
Mapagkait sa mga biktimang inutas ng mga punglo
Ninakawan pa ng yamang mula pa sa kanilang mga ninuno

Hindi naman sila nagkulang sa pananalangin
silang mga kapamilya ng mga pinaslang
sa Hasyenda ng pamilya ni Peping
Malakas lamang talaga sa mga panginoon
itong angkan ni Pres. Benigno Simeon
Paanong hindi magkakaganun?
Nagmamay-ari din ng ekta-ektaryang lupain
ang mga panginoong nakaririnig ng mga dalangin
maging ang mga tagapaghatol ng hustisya
ang balabal na pinampiring sa mga mata
may mga kulay at taong kinikilala
Nakapangalong baba at ang troika ni Josefa
at hindi basta basta pamilyar sa mga barya
isang sipol lamang sa kawalan
may mga tagapagtanggol na handa silang depensahan
may sasaklolong hukbo ng mga bayarang berdugo
Ang agap sa ayuda mabilis pa sa alas kwatro

Pitong taon na ang lumilipas
Gabi gabi pa din silang naglalamay
Gabi-gabi pa din silang hustisya ang hinahanap

hindi mapayapa sa probinsiya ng Tarlac
Kahit ang hanging nananahan dito'y umiiyak
Subalit hindi na sila binibisita
ng mga Bidyo at Camera
sa radyo at telebisyon hindi na naririnig madalas
ang pambubusabos at kaapihang patuloy na dinaranas
At ang katarungang dapat
Wala ka ditong mahahanap

Kung kapatid kaya ni Sen. Revilla ang isa sa mga pinaslang?
O kaya malapit na kamag-anak ni Charice ang magsasakang tumimbuwang?
Tututukan din kaya ito ng midya?
At babaha din kaya ng pakikiramay at simpatya
Para sa mga napatay na mga magsasaka?
Na hanggang ngayon wala pang hustisya

Madalang na ang mga bidyo at kamera
Na katuwang sa pagtugis sa hustisya

Malapit nilang kaibigan ang may-ari ng istasyong Kapamilya
Hindi mo aasahang maipalabas ang kanilang istorya basta basta
Lalo at tungkol sa mga magsasaka ng luisita
Kahit sa programang 'Maala-ala Mo Kaya?'
Kahit lumiham ka ng ilang beses upang magtangka

Pitong taon na ang lumilipas
Gabi gabi pa din silang naglalamay
Gabi-gabi pa din silang naghahanap
Nakikinig at umaawit sa bawat agunyas
Habang sa saliw nito pagtangis ang dumadagdag

Kailan kaya ang pagwawakas?
pitong taon na ang lumilipas


Image by FlamingText.com


ang larawan ay mula sa juanrepublic.tumblr.com
makikita din ang akdang ito sa facebook


Martes, Nobyembre 15, 2011

[piping walang kamay] panalangin: aba ayaw ni noynoy sa barya


aba ayaw ni noynoy sa barya
gusto niya na umapaw sa kanila ang grasya
ang mga panginoong may lupa pa'y kakampi niya
bukod siyang pinagpala sa mga kumandidatong lahat
at pagtapos pinagpala na naman ang kanyang angkan sa tarlak

sinisigurado
pambubusabos
ipinagkakait sa atin ang ating mga karapatan
noon, ngayon at bukas ikamamatay

naten.

Image by FlamingText.com

Sabado, Nobyembre 12, 2011

[piping walang kamay] nob-em-bre


huwag mong hayaang lumipas itong panahon
kung saan kailangan ang iyong pagtugon
ito ang tila baga ibinubulong
nitong hanging tila ayaw mapagod ngayon

hindi ko pinangarap mahiga sa malambot na kama
at humimpil sa kwartong 'sing lamig ng Alaska ang klima

ang pangarap ko ay isang mainam na pahingahan
kahit nga iyong tambak ng dayami lang ang higaan
at sa isang kubol lang kahit kasama ang kalabaw
mas pipiliin ko na ang ganoon at wala munang kaagaw
sa payapang gabi at panatag na sandali
pagkakataon na bihirang sa akin ay sumagi
mula noong mamulat itong mga mata
na wala sa diploma ang tunay na pag-asa
na hindi ang pagtatapos nitong edukasyon ang mahalaga
kundi kung paano mo ibinabalik sa masa
yaong natutunan mo mula sa pagsusunog ng kilay
at pagtitiis na matuto sa masalimuot nating buhay

iyong ginagamit natin ang ating pag-iisip
na hindi basta-basta tayo sa takot natitigib
lalo't kailangang sa pag-alma tayo kumatig
sapagkat bawat oras tayong walang habas na  sinisiil
nitong sistema ng mga iilang naghahari't ganid

huwag mo akong hayaang maidlip
huwag
at baka magising akong hangin
na ng disyembre ang nahahagip
huwag mong ipahintulot na makatalik ko ang panaginip
at baka bumangon akong bangungot na ang kaniig

sa disyembre na pilit nilang binibihisan nang pagpapanggap
at tinatabingan ng makukulay na palamuti ang halos lahat
upang doon magkubli
mali
upang doon ay ikubli
ang kaapihan ng ating lahi

huwag mong hayaang ako'y maidlip sandali
may laban tayong dapat na isukli
sa ibinabayad nilang pambubusabos sa ating lipi
may dugo tayong sa paniningil mauuwi
kay laon nang naitanim ang binhi
ilang daang taon na ang nagagawi
panahon na upang gapasin ang tagumpay na matagal na nating mithi!



ang larawan ay mula sa gstatic
Image by FlamingText.com

Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

[severino hermoso] ang alam ng puso ay umibig



walang mata ang puso

walang pang-amoy
walang bibig
walang pandinig
walang kamay

ang tanging alam niyang gawin

ang damhin ang paligid


at hindi matatawaran kung gaano katalas
o sensitibo ang kanyang pakiramdam

para sa pag-ibig

kaya nga mas madarama niya ang pagmamahal
kung ipinapadama ito sa mga kilos at galaw

at hindi basta
sa pamamagitan
ng mga mabulaklak na kataga
hindi ang mga alay na alahas
o mamahaling pumpon ng rosas

simple lamang naman
kung puso at puso ang mangusap

kung baga sa gamot
agad ang talab

walang mata ang puso

walang kinikilalang
titi o puke
kahit na may suso
pero astang lalake
o may titi man
ngunit pusong babae
sapagkat walang kasarian itong sinasabi

basta nahagip ka ng pilyong palaso
nitong mapaglarong kupido
iibig ka
lalake sa lalake
babae sa babae

basta naramdaman ang tulak
ng damdamin
lalo't mula sa puso galing

lahat gagawin
upang ang tinatangi
ay kabigin

walang mata ang puso

walang pang-amoy
walang bibig
walang pandinig
walang kamay

puro damdamin
subalit huwag ipagmali

maging ang puso
nag-iisip

sa kanyang mamahalin
at matututunang ibigin

walang mata ang puso

walang pang-amoy
walang bibig
walang pandinig
walang kamay

ang tanging alam niyang gawin

ang umibig

Image by FlamingText.com

*salamat sa larawan designzzz.com
ang akda ay makikita din sa facebook.