Sabado, Nobyembre 12, 2011

[piping walang kamay] nob-em-bre


huwag mong hayaang lumipas itong panahon
kung saan kailangan ang iyong pagtugon
ito ang tila baga ibinubulong
nitong hanging tila ayaw mapagod ngayon

hindi ko pinangarap mahiga sa malambot na kama
at humimpil sa kwartong 'sing lamig ng Alaska ang klima

ang pangarap ko ay isang mainam na pahingahan
kahit nga iyong tambak ng dayami lang ang higaan
at sa isang kubol lang kahit kasama ang kalabaw
mas pipiliin ko na ang ganoon at wala munang kaagaw
sa payapang gabi at panatag na sandali
pagkakataon na bihirang sa akin ay sumagi
mula noong mamulat itong mga mata
na wala sa diploma ang tunay na pag-asa
na hindi ang pagtatapos nitong edukasyon ang mahalaga
kundi kung paano mo ibinabalik sa masa
yaong natutunan mo mula sa pagsusunog ng kilay
at pagtitiis na matuto sa masalimuot nating buhay

iyong ginagamit natin ang ating pag-iisip
na hindi basta-basta tayo sa takot natitigib
lalo't kailangang sa pag-alma tayo kumatig
sapagkat bawat oras tayong walang habas na  sinisiil
nitong sistema ng mga iilang naghahari't ganid

huwag mo akong hayaang maidlip
huwag
at baka magising akong hangin
na ng disyembre ang nahahagip
huwag mong ipahintulot na makatalik ko ang panaginip
at baka bumangon akong bangungot na ang kaniig

sa disyembre na pilit nilang binibihisan nang pagpapanggap
at tinatabingan ng makukulay na palamuti ang halos lahat
upang doon magkubli
mali
upang doon ay ikubli
ang kaapihan ng ating lahi

huwag mong hayaang ako'y maidlip sandali
may laban tayong dapat na isukli
sa ibinabayad nilang pambubusabos sa ating lipi
may dugo tayong sa paniningil mauuwi
kay laon nang naitanim ang binhi
ilang daang taon na ang nagagawi
panahon na upang gapasin ang tagumpay na matagal na nating mithi!



ang larawan ay mula sa gstatic
Image by FlamingText.com