Gabi gabi pa din silang naglalamay
Gabi-gabi pa din silang naghahanap
Nakikinig sa bawat agunyas
Habang sa saliw nito pagtangis ang dumadagdag
Subalit katulad ng mga tinatanggap nilang barya
Na kanilang pangarap madagdagan sana bilang kita
Sa pagpapagal sa araw araw na pagbubungkal
Madalang na pagkatig ng pagkakataon ang sa kanila'y sumasakal
Maramot ang hustisya sa bahaging ito ng mundo
Mapagkait sa mga biktimang inutas ng mga punglo
Ninakawan pa ng yamang mula pa sa kanilang mga ninuno
Hindi naman sila nagkulang sa pananalangin
silang mga kapamilya ng mga pinaslang
sa Hasyenda ng pamilya ni Peping
Malakas lamang talaga sa mga panginoon
itong angkan ni Pres. Benigno Simeon
Paanong hindi magkakaganun?
Nagmamay-ari din ng ekta-ektaryang lupain
ang mga panginoong nakaririnig ng mga dalangin
maging ang mga tagapaghatol ng hustisya
ang balabal na pinampiring sa mga mata
may mga kulay at taong kinikilala
Nakapangalong baba at ang troika ni Josefa
at hindi basta basta pamilyar sa mga barya
isang sipol lamang sa kawalan
may mga tagapagtanggol na handa silang depensahan
may sasaklolong hukbo ng mga bayarang berdugo
Ang agap sa ayuda mabilis pa sa alas kwatro
Pitong taon na ang lumilipas
Gabi gabi pa din silang naglalamay
Gabi-gabi pa din silang hustisya ang hinahanap
hindi mapayapa sa probinsiya ng Tarlac
Kahit ang hanging nananahan dito'y umiiyak
Subalit hindi na sila binibisita
ng mga Bidyo at Camera
sa radyo at telebisyon hindi na naririnig madalas
ang pambubusabos at kaapihang patuloy na dinaranas
At ang katarungang dapat
Wala ka ditong mahahanap
Kung kapatid kaya ni Sen. Revilla ang isa sa mga pinaslang?
O kaya malapit na kamag-anak ni Charice ang magsasakang tumimbuwang?
Tututukan din kaya ito ng midya?
At babaha din kaya ng pakikiramay at simpatya
Para sa mga napatay na mga magsasaka?
Na hanggang ngayon wala pang hustisya
Madalang na ang mga bidyo at kamera
Na katuwang sa pagtugis sa hustisya
Malapit nilang kaibigan ang may-ari ng istasyong Kapamilya
Hindi mo aasahang maipalabas ang kanilang istorya basta basta
Lalo at tungkol sa mga magsasaka ng luisita
Kahit sa programang 'Maala-ala Mo Kaya?'
Kahit lumiham ka ng ilang beses upang magtangka
Pitong taon na ang lumilipas
Gabi gabi pa din silang naglalamay
Gabi-gabi pa din silang naghahanap
Nakikinig at umaawit sa bawat agunyas
Habang sa saliw nito pagtangis ang dumadagdag
Kailan kaya ang pagwawakas?
pitong taon na ang lumilipas
ang larawan ay mula sa juanrepublic.tumblr.com
makikita din ang akdang ito sa facebook