Huwebes, Nobyembre 24, 2011

[maria baleriz liwanag] habang*



habang dapat nating ipagbunyi ang desisyon
kung saan labing apat na hurado ang tumugon
sa katuwiran na ang lupa ay sa mga nagbubungkal na mula pa noon
hindi pa din dapat magbaba nang paglaban
hindi dapat maging kampante ang sino man
may hustisya pang sa mga may utang na dugo dapat na singilin
hindi lamang lupa ang kabayaran ng kanilang paninikil
sa sama-samang paglaban muli tayong sasandig

habang sa gitna nang pagkukumpulan nitong mga usisero
tungkol sa tunay na katapatan ni Gloria Macapagal-Arroyo
hindi dapat kalimutang may dapat pag-ibayuhan
sa kung paano gagawing tila apoy ang katotohanan
na sa bayang ito na nag-uumapaw sa yaman at galing ang paglaban
kalakhan ng mamayan ay naghihirap at kahabag-habag
may dapat tayong itindig na ibayong pagsisipag
upang imulat ang mamamayan sa pakikibaka na dapat

habang matagal nang sinabi sa nakaraan
ilang desisyon na ang ibinababa at tinuran
hanggang sa ngayon walang kaganapan
tumpak lamang na patuloy manindigan
sapagkat hindi matatapos sa isang kautusan
ang daangtaong pakikibaka ng mga nagbubungkal
hanggang may uring patuloy na nagsasamantala
at patuloy ang paglupig sa mga magsasaka
hindi kailanman
hindi dapat
huminto ang ating pakikibaka

patuloy na lalaban tayong mga dinudusta
sa mga bwitreng dayo dito sa ating sinilangang lupa
sa gobyerno at mga ganid na nasa pwesto
sa mga madasaling panginoong hasyendero

habang naghihirap ang pag-unawa
ng mga musmos sa kalsada at mga napapariwara
ang kalakhan ng edad dahil sa kanilang gawa
hindi tayo dapat magpabaya
may digma tayong dapat na palaganapin
may digma tayong dapat na tapusin
may tatsulok tayong dapat na baguhin!
may tatsulok tayong babaligtarin!

Image by FlamingText.com

*alay para sa mga biktimang magsasaka at sa kanilang pamilya. sa hasyenda luisita at sa mga magsasaka sa buong bansa. para sa mamamayan. alay para sa patuloy nating paglaban.