Linggo, Disyembre 16, 2012

[severino hermoso] rosas

Walang komento:

hindi natin lubos na kilala

ang isa't isa
hindi pa

datapuwa't sapat na ang misteryong iyon
upang yakapin
kahit ang mga tinik
upang tayo'y magkasama
at magsama

at sikaping mabuo
ang isang pagsintang hindi man
matumbasan ang gandang inaalok
ng mga obra ni Amorsolo
o higitan ang mga lumalabang talinghaga
na likha ni Amado
tatangkain pa rin nating gawin
ang natatanging obrang sadyang atin.

namumukod tangi

titingkad ang kariktang angkin
magniningning na animo bituin
tuwing takipsilim
sa tulong ng bawat kahinaan
na ating sisikaping pangibabawan

nakahanda tayong matuto 
sa bawat kakulangan at mali
at hindi tayo natatakot
sa bawat hamong magkatuwang nating susuungin
sa tulong ng sambayanan
sa gitna ng pakikibaka
na naging sangandaan natin
kung saan tayo nagtagpo
ang mga nagmamahal
nating puso.

sapagkat dalisay na damdamin
ang bumubukal sa bawat pagpintig
nitong pagmamahal
na nagmumula

sa nag-iisang

ako
 at
ikaw

magpapatuloy tayo.
magmamahal.


Image by FlamingText.com

*alay ko para sa aking pinakamamahal na si kamz. <3 Para sa ating ika-28 buwan! ;) mahal kita!

+ang larawan ay mula sa webdesignburn.


Sabado, Disyembre 15, 2012

[severino hermoso] huwag mong itali ang mga bulaklak

Walang komento:


hindi ko ibig ikulong yaring pagmamahal ko sa isang kahon
kung saan ipinaloob ang tsokolate upang magmistulang
kumikinang na dyamante sa sandaling ilabas na't
mahagip nitong mga nagkalat na silahis
ang pambalot na palarang nagpakintab sa kulay bughaw

hindi ko ibig igapos yaring pagmamahal
sa isang pumpon ng bulaklak na iaalay sa iyo
upang kahit papaano
pangitiin ang nalulungkot na puso
at palisin ang luhang sa mata mo'y
nakalambong at ibig nang tumulo

aabutan na lamang kita

isang rosas

huwag lamang
igapos ang kahit anong bulaklak
sa isang pumpong pang-alay para sa pagmamahal
pagkat hindi itinatali
ang damdaming dakila at busilak
na mananatili
kahit magwakas na ang ating nobela
sa daigdig na mayroon tayo
sa kasalukuyan

Image by FlamingText.com

*ang larawan ay mula sa THE WONDROUS PICS

Miyerkules, Disyembre 5, 2012

Palayain ang lahat ng Bilanggong Pulitikal!

Walang komento:

Hanga ako sayo.
Sa tatag na ipinamamalas mo.

Di biro ang hapdi
dulot ng pangungulila
lalo’t malayo ang mahal na pamilya
mga kaibigan at kasama

Subalit kinakaya mong lahat
simula’t sapul
Tinitiis ang lumbay na
tila barenang nanunuot

Maghihilom din ang sugat
At higit pa sa kinasasabikang maiinit na yakap
Ang ibig na igawad
At matatanggap

Kapit pa at magpakatatag
Habang patuloy kaming nakikibaka at lumalaban

At ganun din ikaw na patuloy
sa sambayanan naglilingkod
at sa rebolusyon

kahit nasa loob ng piitan.

Kaunti na lang
makakarga mo na’t mahahalikan
ang kasisilang na anak.

[tula] 2012_04_12 

Palayain lahat ng bilanggong pulitikal! 

+ alay ko para sa isang mahusay na kasamahan (waward dionisio) at sa lahat ng political detainee. Isa sa mga Bilanggong Pulitikal na piniit nitong estado dahil lamang sa salang ipaglaban ang karapatan ng mamamayang patuloy na inaapi ng mga nagsasamantalang uri. Kapit lang brad! Kahit nananabik na din kaming makasama ka. Kaunti na lang. Makakasama ka din namin. Bahagi itong tula ng chapbook na "para sa masa" (ikalawang pagtatangka).

Martes, Disyembre 4, 2012

[Jose Maria Sison] Paminsan-minsan Sabik ang Puso sa Mangga

Walang komento:

Paminsan-minsan sabik ang puso
sa mangga kung nariyan ang mansanas
sa init kung nariyan ang ginaw
sa mabundok na kapuluan kung nariyan ang kapatagan
kay layo ng kaib’han sa tahanan
at sa daloy ng mga kaibigan at kamag-anakan.

Ang mga di kinasanayan at kinasasanayang
bagay at lugar na naghuhudyat
sa hapdi ng mga patid na ugnayan
ang mga kawalang dulot ng antala at kaligta.

Direct dialing at fax machine
computer disc at video cassette
mga bisitang lulan ng supersonic jet
ay bigong paglapitin ang agwat
ng mga aral na pagpapamalas
at mga kaalwaan sa tahanan.

May mga kasama at kaibigang
nakakapagpa-ibig sa lupang dinayuhan
subalit sila’y may sariling gawi,
may sariling buhay na di abot ng pang-unawa
at pakialam ng dayuhan.

Silang ibig ipagkait sa distiyero
ang tahanan, mga kaibigan at kamag-anakan
ang buhay, katawan at kalayaan
ay sila ring pinakamaingay;
Na siya raw ay nakalutang
sa dagat matapos siyang hugutin
sa lupang pinag-ugatan.

Ang distiyerong may layunin
ay patuloy na nakikibaka
para sa inang bayan
laban sa nagpalayas sa kanya
ang mga mapagsamantala,
at kahit tiyak na nananahanan
sa kanyang bayan at sandaigdigan.


*Distiyero - (exile sa ingles) malayo sa sariling tahanan o bayan dahil sa hindi pinahihintulutan umuwi o bumalik o dahil may banta sa seguridad o buhay sa sandaling bumalik.

[Maria baleriz Liwanag] Kondominyum

Walang komento:

Matitikas ang tindig ng mga gusali.
Nagyayabang sa tayog at kariktan
doon sa katabing lote na kinatitirikan
ng mga barung-barong ng karukhaan

Napakaraming kondominyum na ang naitayo.
Marami pa ding bakanteng mga pinto
habang sa ilalim ng mga tulay at tabing estero
nagsisiksikang daig pa ang mga sardinas sa lata
itong karamihan sa ating inaapi ng sistema.

Mga tinawag ng lipunan

maralita.


Image by FlamingText.com



Sabado, Disyembre 1, 2012

[piping walang kamay] May luhang sumalubong sa pagdating mo Disyembre

Walang komento:

sa mga sandaling ito ng taon na kumukupas
ang init na bihis nitong hangin kanya nang hinubad
at buong higpit lamig ang niyayakap
nanunuot sa bawat himaymay ng kaibuturan

habang dahil sa isang biglaan paglisan
ang nadaramang sakit hinuhubad ko naman
kasabay ng bawat luhang dati'y nabigo
walang kamay mo ngayon upang magsilbi kong panyo

kailangan kong itulak ang bawat paghakbang
buhatin ang bigat makasulong lamang
sapagkat batid kong kung narito ka rin lang
hindi mo nanaising sa pagdurusa ako madarang

malaya man itong puso na umiyak
sapagkat wala ang labi mong magpapatahan
titiisin kong walang hibik na marinig
kahit paghihirap na ang dinaraing ng isip

sapat na bang luha ang magpaliwanag
sa kung sino man yaong naghahanap?

sapat na bang luha ang magsumbong
noong paglisan ang piniling isalubong

sa hinihintay na Disyembre?


Image by FlamingText.com

*ang larawan ay mula sa  flickr

Biyernes, Nobyembre 30, 2012

[pagsasalaysay] Sa byahe ng tren ng PNR

Walang komento:


Kaarawan ngayon ni Boni. Ika-149 na taon. Kung hindi kaya siya pinaslang ng traydor na si Hen. Aguinaldo at buhay pa siya ngayon, ano kaya nasa isip niya? Wala lang naman. Naintriga lang ako sa ganoong kaisipan habang naghihintay ako kanina sa pinaglumaang tren ng mga singkit na maghahatid sa akin at ang iba pa  sa kanilang pinakamalapit na bababaan upang makarating sa kanilang lakad ngayong araw.

Nakaupo na ako ngayon dito sa pinakadulong 'cabin' ng tren. Minamasdan ang mukha ng mga bago kung kasama sa paglalakbay at ganoon din ang tanawin sa labas ng tren sa pamamagitan ng bintana habang binabagtas nito ang daang bakal. Samu't-sari ang emosyon ng aking mga kasakay. Batid mong maraming iniisip. Naisip ko, alam kaya nilang kaarawan ni Andres Bonifacio ngayon? May mga sinasamantalang paraanin ang idlip sa kanilang patlang na sandali at ang ilan ay nakatanaw sa labas ng bintana habang inaantok-antok pa ang mga mata. Mayroong may kausap sa cellphone. Mayroon namang tila hinahabi ang pangarap sa bawat eksenang nakikita habang humahagibis itong sasakyan. May mga nagtitiis na nakatayo at nakasiksik maraming iba pa sa loob ng cabin na dadaigin ang mga sausage na nakalata. May ilan na chill  lang habang nakikinig ng musika gamit ang kanilang cellphone o mp3 player. May mga magkasintahan na maaaring habulin ng bubuyog sa tamis nang pagkakahawak ng mga kamay. Mayroong larawan ng pagod, pagkainis, at ang iba abala sa pakikipaghuntahan. May nagpupunas ng tumatagaktak na pawis dahil sa sobrang galit ng katanghalian tulad ng isang pasaherong sobrang aburido sa kawalang pagbabago sa pinakatinatangkilik niyang pampublikong sasakyan. Paano ba naman daw, sa tagal ng taon, hindi na uli naayos ang PNR. karag-karag pa din ang kalakhan ng tren na pinaglumaan o second-hand lang. Nagtataka siya na marami naman tayong mahuhusay na inhinyero at tagagawa ng mga sasakyan at masisipag na manggagawa pero walang aksyon itong pamahalaan upang isaayos ang PNR lalo na ang serbisyo nito gayong nagbabayad kalakhan ng pamasahe at buwis. Saan nga ba napupunta at paano ito ginagamit? Tulad niya, mayroong mga nayayamot dahil naman sa bentilador na hindi gumagana. Kapag minamalas ka nga daw, purwisyo kapag nasiraan ang makina ng tren at hindi din mawawala ang agam-agam sa marami na baka mangyari ang ganoon dahil sa pag-andar pa lamang ng makina ng tren parang gusto muna niyang magpahinga sa hirap.  Mayroong iba na nagnanakaw ng kapanatagan habang nakaupo o nakatayo wari mong inihahanda ang sarili sa napipintong pakikibaka sa ligalig ng lipunang mayamaya lamang ay pare-pareho naming susuungin.

Hindi ko personal na kausap si Tatay na umaangal. nadinig ko lang ang kanyang mga himutok habang kausap niya ang isang tatay din at nanay. Hinala ko byaheng Divisoria sila upang mamili ng kalakal na paninda sa palengke. Hindi ko maiwasang mapailing dahil sa pagsang-ayon din sa kanyang mga hinaing. Ang totoo, napabuntong-hininga pa nga ako. Totoo ang mga tinuran niya. Labis na ang pagkapabaya ng pamahalaang ito sa kapakanan ng mamamayan. partikular sa pag-aayos sa kalagayan ng pampublikong transportasyon. Maagap lamang sa pagsingil at pagtaas ng singil ngunit salat sa serbisyong ibinibigay sa masang ang kinikilalang pambansang awit ay lupang hinirang.

Mga tren ng PNR. Ito ang isa sa saksakyan ng masang kayumanggi sa bahaging ito ng bansa. Mura kung kaya maraming nagtitiis kahit siksikan, madalas mainit, at kakarag-karag ang sasakyan. Sa halagang kaya ng bulsa maaari kang makarating sa gusto mong puntahan basta malapit sa rutang daraanan ng tren (Aircon: Php10, Php15, Php20; Ordinary: Php8, Php12, Php16). Mayroong ngang nakakalusot na hindi nagbabayad. May mga bata at matanda, nagdadalang tao, bakla, tomboy, babae, lalake, kalbo, napapanot, 'mohawk' ang buhok, rakista, hip-hop, emo, tindera, estudyante, construction worker, messenger, at iba pa. Napakarami. Araw-araw halos iba-iba at nadadagdagan pa. Tulad na minsan de-aircon ang masasakyan mong tren pero kapag rush hour na para ka na din nakasakay sa ordinary na tren dahil sa siksikan ang mga pasahero sa loob at balewala na ang lamig na sinisikap ibigay ng aircon.

Hinihikayat kitang ranasin ang ganitong pambihirang pagkakataong makasakay at makasalamuha ang iba't-ibang klase ng tao. Matuto mula sa karanasang imumulat ka sa katotohanan ng buhay. Kung noong panahon kaya ni Andres at may PNR na, sasakay din kaya siya dito? malamang ano? Paalala lang, kung sasakay ka, huwag mong sasalubungin ang mga bababa maliban na lang kung kamag-anak mo sila. Pero kung hindi naman, magbigay daan ka muna bago sumakay. Ingat ka baka madukutan ka at magbayad ka ng tiket kung mayroon ka lang ding pambayad. Kung wala naman at gusto mong sumakay, bahala ka na sa inspektor na minsan nagtitiyak na may tiket ang bawat nakasakay. May inspektor sa loob at ganoon din bago ka makalayo sa istasyon ay may bantay na kukunin ang tiket mo. Hanggang sa muli. malayo pa ang lalakarin ko. Papunta ako sa rali bilang paggunita sa kaarawan ni Andres Bonifacio. Hindi pa din naman natatapos ang ipinaglalaban nina Andres Bonifacio noong panahong sakop tayo ng mga dayuhan. Patuloy pa din ang pagsasamantala sa atin ng mga dayuhan at ganoon din ng mga makabagong Hen. Aguinaldo na traydor sa mamamayan at kasabwat ng mga ganid na dayuhan. Walang dahilan para hindi magpatuloy sa pakikibaka para kamtin ang pambansang paglaya. Oo nga pala,  ika-14 na taon ngayon ng pinakakumprehensibong pang-masang organisasyon ng mga kabataan, ang Anakbayan. Naalala ko din, ika-48 taon din ng Kabataang Makabayan na malaki ang ambag sa paghubog ng kasaysayan para sa pambansang paglaya lalo noong panahon ng diktadurya ni Marcos. Wala lang. gusto ko lang sabihin. (Ngiti) Ingat sa paglalakbay. Hangad kong makasabay ka minsan sa byahe ng  isa sa mga tren ng PNR. Ilang panghuling paalala, huwag kang lulugar sa pinakabungad dahil mahirap kapag may sasakay at may bababa ng tren. Kung nakaupo ka naman sa pagsakay mo sa tren ng PNR, i-alok mo ang upuan mo sa mga matatanda, may kapansanan at nagdadalang tao. Padayon.

"Nobyembre 30 habang nasa byahe ng tren ng PNR*"
ni Piping Walang Kamay

*Isinulat noong ika-30 ng Nobyembre 2012 habang lulan ng tren byaheng divisoria gamit ang cellphone.

PNR - Philippine National Railways
cabin - isa sa mga magkakadugtong na tila silid na bumubuo sa tren. Dito nakapirmi ang mga pasahero habang umaandar.

Ang larawan ay mula sa  balita 

Image by FlamingText.com

Martes, Setyembre 11, 2012

[piping walang kamay] dalamhating nakikibaka

Walang komento:



Nobyembre

sabihin mo sa mga puno
na ipagpag ang mga dahon
iyong malapit nang matuyot
at maging iyong mga pinanawan
na ng buhay


upang sa kanilang paghiga sa lupa
lumatag sila doon sa daraanan
maging sapin sa lalakaran
nitong agunyas na babaybaying marahan
ang landas patungo sa himlayan
kung saan patuloy na hinahanap
ang katarungan

sa ganitong lipunang
mayroon ang sambayanan

iyong humihinga pa'y ang libingan na ang hinuhukay
iyong naglalakad ngunit tila naman patay
iyong nagnanais mabuhay ngunit pinagkakaitan
tinatanggal unti-unti ang dangal
hanggang sa pumanaw na tila baga nagpatiwakal

darating din ang araw
na pagkabuhay na ang maaalala
kapag gugunitain ka
darating din ang araw
na papahalagahan na ang buhay
hanggang sa pagpanaw
na ipaglalaban ang karapatang
mabuhay ng marangal

dahil paglaban ang sandigan
sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos
ng mamamayan
para sa karapatan
at mababawasan na
ang pag-awit ng
agunyas

tuwing may papanaw...


Image by FlamingText.com

+ang larawan ay mula sa artknowledgenews

Lunes, Setyembre 10, 2012

[piping walang kamay] maligayang kaarawan

Walang komento:


isang araw matapos kang isilang
kinailangan tayong magkawalay


ilang araw na dapat tiisin
upang higit pang patatagin
ang bigkis ng pag-ibig
at ang pagsintang binuo
kasama ng dugo pawis at luha
na laan para sa paglaban
at
paglaya


marahil kung paano ka
ako at maraming iba pa
nabuhay
ganoon din ang ating pag-ibig


nalikha upang lumaban
mabuhay
hanggang may hininga


kahit minsan kailangang magkalayo
ang pagitan nating dalawa


Image by FlamingText.com

*nilikha para sa kaarawan ng aking pag-ibig. 

Linggo, Setyembre 9, 2012

[maria baleriz liwanag] Hindi namamalayang pagkamakasarili

Walang komento:


dahil sa pagpipilit ninyo
na mag-aral at magtrabaho
para sa pamilyang mayroon at bubuuhin
at tutulungan ninyo

hindi na namamalayan ng marami
nahulog na sa patibong ng pagiging

makasarili

ang resulta ng lahat

kahirapan sa kalakhan
habang karangyaan sa iilan

at hindi pa nasapatan itong iilan
dahil sa pagkaganid
itinutulak ay hindi na mabilang na pagkasira
at pagpanaw ng mga humihinga

dahil sa itinutulak nilang

hindi makatarungang digma
para magkamal pa ng maraming kita
lupain at pagsasamantala



Image by FlamingText.com

Biyernes, Setyembre 7, 2012

[maria baleriz liwanag] patalim lumalapit

Walang komento:

kamusta setyembre?

ang pangangailangan mo
humigpit pang lalo
dahil ba palapit ang pasko?

wala pang isang linggo
mula noong dumating ka dito

Huwebes, Setyembre 6, 2012

[piping walang kamay] hanapin natin si

Walang komento:

si                 ay maaaring iyong kasintahan

o kaya mahal mong anak
o pamangkin o apo

maaaring iyong ama o ina
o pinakamamahal na asawa
o pangalawang asawa
o


maaaring lola mo o lola
kuya mo o ate
isang kaibigan o kakilala o kaklase

Lunes, Setyembre 3, 2012

[severino hermoso] paalam

Walang komento:


bago ako tuluyang magpaalam
sa kagandahang ipinamamalas
nitong kabilugan ng buwan
hinipan ko mula sa aking palad
ang kahilingang ibig makamtan
iyon ang:

Linggo, Setyembre 2, 2012

[piping walang kamay] wala

Walang komento:
 i.

kalakhan
walang kabuhayan
problema ang ihahain
sa hapag kainan
wala
pang kakainin ang kumakalam
na sikmura

Sabado, Setyembre 1, 2012

[maria baleriz liwanag] binati ng ulan ang pagdating mo Setyembre

Walang komento:
kanina
habang umaambon
(matapos humupa ang pagbuhos ng ulan)
pinili kong maglakad-lakad
upang simulang hanapin
doon sa lansangan
ang ikaw



[piping walang kamay] pangungulila

Walang komento:

walang anu-ano'y nadagdagan
muli
ang nais kong panaginipan

ang makapiling ka't
kasamang minamasdan
ang kariktang angkin
ng bilog na buwan

sa lalong madaling panahon

sa lalong madaling panahon...


Image by FlamingText.com

+ang larawan ay mula sa layoutsparks.com

Biyernes, Agosto 31, 2012

[maria baleriz liwanag] magtatapos din ang Setyembre

Walang komento:
muli tayong iiwan
ng Agosto

ilang oras na lamang ang hinihintay
at sa paglalayo
mainam kang minamasdan

kasama ang pag-asa
na muli kang makakaniig

at sa napipintong paglalayo
pinipigil ko ang pagtulo 
ng mga luha
na ngayon bumabalong sa mga mata

hanggang sa 
ihakbang na ang
paa patungo sa hinaharap

Image by FlamingText.com

+ang larawan ay mula sa onlyhdwallpapers

[maria baleriz liwanag] paalis na

Walang komento:
kailan natin muling nanamnamin
ang gandang mayroon itong bilog na buwan?

napipinto na naman
ang kanyang paglisan

ngunit ako lamang at ang buwan
sa sandaling ito ang
nagtititigan

walang ikaw sa aking tabi
walang mahigpit na yakap

pawang dalawang mga mata
na nangungulila na makasama
ka sa pangangarap

malamlam ang liwanag na tangan niya
paalis na


Image by FlamingText.com



+ang larawan ay mula sa brainz.org

Huwebes, Agosto 30, 2012

[maria baleriz liwanag] layo

1 komento:



bakit natataon
bilog ang buwan
sa tuwing ikaw
at ako...


magkalayo na naman?


Image by FlamingText.com



+ang larawan ay mula sa space.com

Lunes, Enero 16, 2012

[piping walang kamay] hanggang


pangarap ko ito
ang abutin na kulubot na ang balat sa aking mukha
at puti na ang mga buhok sa aking ulunan
basta tayo pa ding dalawa...
hanggang malagutan na ako ng hininga.

kahit walang singsing sa ating mga daliri
o mga larawang magkasama tayo na ating naikubli

ang mahalaga sa ating mga puso
may hindi nakikitang ugnay
magkalayo man tayo
at hindi magkasama habangbuhay

o kaya ay magkawalay ng lugar
sapagkat sa ating kalagayan
bilang mga rebolusyonaryo
na naglilingkod sa mamamayan
ang tunay na pagmamahal ay naipapamalas
doon sa matapat na paglilingkod sa sambayanan
sapagkat sa pamamagitan noon
pinapagyabong natin ang pag-iibigan

walang hangganan ang pagtitiis
at may puwang man ang luha't sakit
lahat ng hapdi at kirot ating matitiis
kahit ang bukal ng tingkad at rikit
mangyaring kumupas na dahil sa tagal
ikaw pa rin ang aking mahal

ikaw pa rin

hanggang magtagal
handang magtagal
para sa paglaban
na inanak ng ating pagmamahal
sa bayan
at sa asam
na malayang kinabukasan...


Image by FlamingText.com

*ang larawan ay mula sa martin-missfeldt

Sabado, Enero 14, 2012

[severino hermoso] antipara



sa paglaon ng panahon ikaw pa din mahal
parang salamin sa mga matang kumukupas ang tanaw
sa kulay at tingkad ng magagandang bagay

ganoon ko pangarap magtagal
kasama ang nag iisang ikaw
hanggang sa sandaling ang pagtibok nitong puso'y

...pumanaw

Image by FlamingText.com
*ang larawan ay mula sa http://fineartamerica.com
++ang antipara ay isang salitang espanyol na ang ibig sabihin ay salamin sa mata.